Crew's In

Crew's In: No Mannas

Isang kwentuhan kasama ang grupong No Mannas! Sama-sama natin silang kilalanin.

Anonymous Staff
November 09, 2021


Ilan sa mga bigating artist sa Antipolo ang nagsama sama nung nakaraang taon upang bumuo ng isang malaking grupo. Dahil iba-iba ang stilo nila sa rap, nakagawa sila ng tunog na talagang bago sa pandinig. Nananatiling silang aktibo hindi lang sa paglabas ng musika, kundi pati na rin sa pag-organisa ng mga event na nagbibigay ng karagdagang exposure sa mga kapwa artist sa lugar nila. Dalawa sa kanila ay patuloy na lumalaban at nag iiwan ng marka sa FlipTop.

Alamin natin ang storya ng grupong tinatawag na No Mannas. Maliban sa kung pano sila nag simula, malalaman din natin kung sino ang mga nag impluwensya sa kanila, ano ang mga susunod nilang proyekto, at marami pang iba. Ito nga pala ang ika-pitong kabanata ng Crew’s In!

1. Kailan at paano kayo nag-simula at sinu-sino ang mga kabilang dito? 

Nagsimula kaming mabuo February 2018, dahil yun sa isang malaking event sa Pinnacle Bar, Antipolo. Birthday Bash yun ni Thike, naisipan ni DJ Mango, Thike at Hazky na maging magkasama nalang o official na maging magkagrupo kasama ang ilan sa mga pinakaditerminado at talentado sa hanay ng RPN Records. Bali yun No Mannas kasi pinagsasama sama yun mula sa iba't ibang grupo din sa Antipolo/RPN Records. Ang pinaka-galing lang talaga sa ibang grupo ay si DJ Mango na mula naman sa grupo nyang 587 Productions. Tapos doon na kami gumawa ng kanta bilang No Mannas. 

Mga miyembro ng Grupo namin:

Thike, DJ Mango, Hazky, Rhyme Two, R-zone, Jumbagsik, Tongpu, Oddyseay, Royce, Quim at si Jaytee yun namatay naming kagrupo neto lang taon na to. 

2. Bakit (No Mannas) ang napili niyong pangalan? Ano ang ibig sabihin nito?

Sa totoo lang parang rush o sobrang biglaan nalang yun pagbuo ng pangalan namin. Kasi meron na kami nun line up, tracks pero wala pa kaming crew name na gagamitin para sa event o pagpapakilala kung sino ba kami. Kaya ayun nauwi nalang kami sa pangalang No Mannas. 

Kaya No Mannas parang pinagbasehan namin nun yung salitang "NO MANNERS" o walang galang/Pilyo/Maloko kumbaga. Hango yun sa mga bagay na parang walang galang sa mikropono, battle, kanta, beat o baka pwede na din to mismo sa mga katauhan namin pero syempre hindi literal o sobrang lala. Dipende siguro sa sitwasyon. 

3. Sinu-sino ang mga impluwensya niyo bilang grupo?

Ang pinaka impluwensya o pinaghanguan talaga sa pag buo ng grupo namin ay yung Dongalo Wreckords, Circulo Pugantes, 187 Mobstaz, Uprising, 727 Clique at Ex Battalion. Kaya kung mapapansin nyo andami din namin at kahit sa music kung mapapakinggan nyo lang ibat ibang tema, tugtugan at style yun ginagawa at pinapakita namin na pepwedeng halo halong stilo nun sinasabi naming naging impluwensya ng grupo na nakatulong para hubugin yun mga sarili namin bilang musikero. 

4. Ano ang hangarin niyo sa eksenang ‘to?

Unang una na sa lahat siguro yun makatulong o makapag-ambag kami na mas mapalawak o mapalakas pa yun Eksena dito sa Antipolo at sa buong Rizal. Pangalawa yung makagawa pa ng mga bagay na hindi pa nagagawa o nangyayari dito. Pangatlo Makatulong sa iba pang mga artist o grupo sa abot ng aming makakaya. 

At higit sa lahat syempre yung makilala at mapakinggan din kami bilang No Mannas o makaukit man lang kahit kapiraso sa kasaysayan bilang isang rap group dito sa Pinas na maiisip o maaalala din ng iba balang araw. At sana makapaglabas din kami ng album o mixtape bilang grupo na magiging diploma namin balang araw.

5. Sa dami ng mga grupo sa larangan, ano sa tingin niyo ang pinagkaiba niyo?

Siguro unang una sa lahat kaya naming ibigay yun hilig o gusto ng isang tagapakinig. Dahil nga sa hango kami sa iba't ibang grupo at stilo, mas madali namin maisasalin o magagawa ano mang pwedeng tugtugan kung kinakailangan. Tska siguro mas masasabi naming ang pinagkaiba namin sa iba ay dahil meron na agad kaming mga battle emcee, beat producer, recording studio, lay out artist, video editor, event host, singer, DJ at kung ano ano pa na tipong kahit kasisimula pa lang namin maswerte na meron na kami agad na wala pa sa ibang nagsisimula. Lahat naman kasi ng miyembro ng No Mannas hindi lang netong 2018 nag rap. At yun yung tingin naming kaibahan namin. 

6. Anu-ano na ang mga proyekto na nilabas niyo? 

May ilang kanta na kaming nailabas na sa Spotify, Apple Music at Itunes. Mapapakinggan nyo na dun yung Autoplay, Sa Baso, Tatandang Mayaman , Isang Lambing at Ayusin na natin. Yung kauna unahang Music Video din namin na "SA BASO MUSIC VIDEO" nasa Youtube na.

Bukod sa mga pinakamain tracks, may mga iba pa kaming kanta sa Youtube bilang No Mannas na: 

- Pwede Pa Isa - Thike Ft. Royce 

- Mulat - Rzone 

- Walang Tira - Thike, Hazky & Rzone 

- Menthy Gin - Quim Ft. Royce 

- Masarap Ang Bawal  - Quim 

- Iniipon Money - DJ Mango & Thike 

- Nang Ika'y Makita - No Mannas

- Hanggang Dulo - Rzone, Quim , Rhyme Two & Royce 

- Tukso - Rhyme Two 

At Abangan nyo din yung mas seryosong bersyon ng No Mannas. Yung mas gutom na mga konsepto, sulat at galawan. May mga tracks pa kaming di pa nailalabas!

7. Ano ang mga plano (solo o bilang grupo) niyo sa mga darating na buwan o taon?

Bilang Grupo:

Siguro yun makapagperform o makapagshow na kami sa iba't ibang lugar naman kung mabibigyan ng pagkakataon. Halos lahat kasi ng tinugtugan namin puro isang spot lang at puro Antipolo lang. Mas magiging aktibo pa siguro kami ngayon sa lahat ng bagay. Sisikapin din naming makagawa pa ng mas maraming kanta at music video bilang Grupo at mga solo. 

Sa Solo: 

Pag tapos ng pananahimik at pahinga, plano na makabalik sa battle ni Thike kung mabibigyan ng pagkakataon. Gusto nya din maka-attend na ulit sa maraming event at makagawa pa ng mas marami pang kanta at yung makapagfull time na ulit sa music tulad noon. 

Si DJ Mango naman planong mag produce at maglabas ng mas marami pang beat at kanta. Siguro bago matapos tong taon mapapakingan nyo na yung iba't ibang proyekto mula sa Mango Beats. Magkakaron sya ng isang channel na nandun lahat ng proyekto ni Mango, may mga pangsoundtrip, free beats at pang benta. 

Si Hazky naman, dahil sa aktibo naman sya sa battle siguro yung makagawa pa ng mas maraming kanta bilang solo at grupo na tatangkilikin din ng masa. At kung sakaling papalarin plano din nya magkaron ng mixtape o album. Higit sa lahat yung mas maipakilala pa lalo yun talento ng Antipolo at Rizal. 

8. Sa pananaw niyo, ano ang estado ng Pinoy Hiphop ngayon?

Nasa estado siguro tayo na panahon ng pagbubunga, pagaani at tuloy tuloy na paglago. Kaya nga maraming salamat sa lahat ng nauna, nagpatuloy at nagsikap para makarating tayo dito. Ngayon mas marami pa siguradong lalabas at madidiskubreng solo artist at grupo. Mas marami pang lilitaw na mululupit at magagaling at mas marami pang magpapakita ng bago at kakaiba sa sobrang lawak ng kulturang to. 

Higit sa lahat sa gantong estado at kalakasan mas marami pang mangyayaring makasaysayang event sa buong Pilipinas. Kasabay ng mas marami pang manggagamit ang papasok at eentra para abusuhin ito. Sigurado! 

9. Ano ang maipapayo niyo sa mga grupong nag-sisimula palang?

Wag mapapagod tumaya, wag tatamarin magisip, wag panghihinaan ng loob at higit sa lahat yakapin at pagkatiwalaan nyo yung kakayahan ng isa't isa bilang magkakakampi o bilang iisang grupo. Koneksyon at unawa din sa isa't isa ang kailangan bilang isang grupo. Mas makakabuti din sa lahat kung gumawa tayo ng mga bagay na walang hinihingeng kapalit. Tipong simulan o pasukin nyo to dahil mahal at gusto nyo at hindi bilang naging uso lang kasi o baka sakaling may mapala. Dapat kahit wala tuloy tuloy lang lahat naman tayo sa ganyan nagsisimula.  

10. May mensahe ba kayo sa mga taga subaybay niyo?

Una sa lahat maraming maraming salamat sa tiwala at pagpili na mapakinggan kami kahit nagsisimula pa lang kami. Malaking bagay at tulong para samin yun. Higit sa lahat sana tulungan nyo kami sa lahat ng proyekto ng No Mannas. Tulungan nyo kaming maipakilala at maiparinig sa lahat to! At sana Samahan nyo pa kami sa bawat event at shows. Wag nyo din sana tulugan yun mga solo projects ng ilan sa mga kagrupo namin kasi siguradong hindi naman kayo bibiguin nito. At pangakong mas pagbubutihan pa namin para sating lahat! At marami din kayong aabangan saming bago ngayon taon at sa mga susunod pang taon. 

11. Ano ang tingin niyo sa mundo ng battle rap? 

Pinakang training ground ng isang musikero o manunulat. Kasi sa pagbabattle may hurado, may batayan at may basehan ng bawat sulat. Kumbaga dito ka masasanay na makapagisip at makapag sulat pa ng mas magandang ideya at linya. Dito ka masasanay na hindi pwede ang basta "pwede na". Pudpudan talaga ng utak at bawal ang tatamad tamad sa pagiisip. 

Malaking bagay at oportunidad din to kagaya ng FlipTop. Kasi from kayo kayo lang yun nakakakilala sa isa't isa, mas madami ng makakakilala sayo o sa inyo sa sobrang daming sumusubaybay sa mundong to. Tska sigurado malayo pa ang lalakbayin ng battle rap, hindi mauubusan ng mga bago at aabangan sa klase na to. Mas madami pang madidiskubre at matutuklasan dahil dito.

12. Ano naman ang payo niyo sa mga battle emcee na nangangarap makapasok sa FlipTop?

Una sa lahat palakasin nyo muna yun sarili at mga sulat nyo. Aralin nyo talaga muna lahat ng aspeto at bagay na kailangan sa isang battle. Mahirap kasi minsan yung hindi kapa ganon ka handa talaga sa bagay na to tapos bigla kang nakapasok. Parang papanget lang yun magiging tatak mo o simula mo! Kaya mainam aralin mo muna ng husto, hanapin mo muna yun angkop sayo tska mo subukan muna sa iba pang liga.Tapos pag alam mo o tingin mo kayang kaya mo na tska ka magantay ng tamang pagkakataon. 

Higit sa lahat suportahan mo din ang FlipTop, mga Emcees at lahat ng nakapaloob dito. Kasi hindi naman pepwedeng wala kang pakealam sa FlipTop o sa kahit sinong nandito tapos biglang FlipTop Emcee ka na. Manood ka ng live o umattend ka ng mga event. Kasi madalas dito mo mas unang malalaman yun napakaraming bagay bago pa mailabas o lumabas sa social media. Kadalasan din lalo pag try outs, kahit di ka kasali attend ka parin. Humuhugot kasi ng mga emcee sa audience lalo pag may hindi pumuntang kasali sa line up sa gabing yun. Kung mapapakita o mapapatunayan mo talaga na karapat dapat ka isa yun sa pinakamagandang pagkakataon para makapasok ng FlipTop.

Sundan niyo lang ang kanilang opisyal na Facebook page at YouTube channel para maging mas updated kayo sa mga galaw nila. Ang kanilang album na pinamagatang “Make It Happen” ay mapapakinggan niyo na sa Spotify at YouTube. Malaking shout out sa No Mannas sa dedikasyon nila sa kulturang ‘to. Tuloy lang ang laban mga tsong! Bago matapos ang piyesa, rest in peace nga pala kay Mark Jayson Gueriña aka Jaytee.

Related Topics:
no mannas crew's in interview


MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT