MC Spotlight

MC Spotlight: Santo

Alamin ang storya ng isa sa pinaka malupit na emcee pagdating sa teknikalan. Ito ang MC Spotlight: Santo!

Anonymous Staff
November 09, 2021


Lagpas isang dekada na siyang bumabanat sa mikropono, at walang duda na malaki ang naiambag niya sa eksena. Maliban sa kanyang mabangis na lirisismo, tumatak din sa tao ang kanyang nakakasindak na boses at mapaglarong flow. Hindi man siya nakasali sa FlipTop, pero kahit yung mga mabibigat sa liga ay sasangayon sa husay niya. Ating kilalanin ang respetadong underground emcee na nagngangalang Santo. Sa interview na ‘to, malalaman natin kung pano siya nag-simula, ano ang sunod niyang plano, at marami pang iba…

1. Kailan ka nag simula mag rap? 

 Unang sulat, boss, mga 1998. Wack, sa pagkakatanda ko. Pero wala na akong kopya. Unang record, 2003. Dalawang casette tape recorder saka basic na keyboard. Opisyal na naging Saint Michael/Santo, 2002.

2. Bakit Santo ang napili mong pangalan?

May samahan kami ng mga kababata ko noong araw, boss. Para bang gang o brotherhood. Requirement ang alias o aka. Nasa SM ako isang beses kung saan tinanong ako ng saleslady kung gusto ko ba daw malaman ang birth angel ko. Tapos pinaikli ko na lang sa Santo dahil yun na din ang naging tawag sakin at mas bagay ang Mike kena Rapphone, Kosa at Swift.

3. Ano ang nirerepresenta mong grupo at paano ito nabuo?

Skwaterhawz at Mongol Unit. Bago pa ang kasikatan ng Soundcloud at Youtube bilang primerong bagsakan ng mga bagong kanta ng mga amateurs, merong Soundclick. Doon ko nakilala ang mga naging miyembro ng Mongol Unit. At mula doon, nabuo ang Skwaterhawz.

4. Marami ka nang mga nilabas na solo na proyekto, ano ang mga kwento tungkol dito?

 Rap Hostage - Kababalik ko lang sa US nung sinimulan ko ang proyektong ito. Galing din ang momentum ng album na to sa 1 taon at mga 6 na buwan siguro na paglalabas ko ng isang kanta kada linggo. Lakas lang siguro ng high ko sa panibagong pagkahilig muli sa tagalog rap. Na in-love uli ako, gusto kong pansinin nya ako uli.

 Brand X - Themed album ang Brand X, puro love songs. Ang feedback na naramdaman ko mula sa Rap Hostage ay parang ako ang brand x sa eksena. Naikukumpara sa leading brand pero natatalo palagi.

 Kill Santo ASAP - Sinubukan kong iangat pa ng ilang lebel ang lirisismo sa album na to (Rason din yata kung bakit matindi ang mental block ko ngayon. Para bang nag sugar crash. Ha!). Naisip ko lang yung title ng album, wala talagang meaning o pinagkunan.

godswork - Sa paglawak ng impluwensya ng trap, naisipan kong sumawsaw. Themed album din, puro trap beats. Naisip ko lang na ang patuloy na pag gawa ng mga bagay na nakakatulong o nakakapag paligaya ng walang kapalit ay kabanalan, kaya ko pinangalanang godswork.

5. Nakilala ka sa eksena sa iyong mga malulupit na multisyllabic rhymes, ito na ba ang stilo mo dati pa?

Hindi sinasadya, boss. Narinig ko sa Channel V yung My Name Is ni Eminem na siyang nakapag pabili sakin ng tape niya. Sa kakapakinig ko ng album ni Em, tumatatak sakin na hindi lang yung huling syllable ang pinagtutugma nya. Bukod sa mas masarap pakinggan, tinanggap ko yung ganoong istilo na mas nakaka angat at natural na mas mahirap gawin. Advanced kung ikukumpara  sa nakagisnan. Nung sinimulan ko nang magsulat, dala ko yung standard na yun. Laging payo sakin ni erpats na kung magiging magnanakaw daw ako, siguraduhin ko daw na ako ang pinaka magaling na magnanakaw.

6. Sino ang unang nag-impluwensya sayong tumugma?

Ang unang rap kong napakinggan ay "Gusto Kong Bumaet" ng Death Threat, na nasundan din ng Mga Kababayan at Humanap Ka Ng Panget. Sumunod na naging impluwensya sa akin ay Tha Crossroads ng Bone Thugs. Tapos si Eminem na.

7. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ang mga ito sa pag-gawa mo ng mga kanta? 

Blangko ako sa lokal. Sa foreign, at disclaimer lang na current to dahil paiba iba din ako ng trip, Section.80 ni Kendrick, IYRTITL ni Drake, MMLP2 ni Eminem. Special mention yung Success Is Certain ni Royce. Malaking impluwensya ang foreign sakin, hindi dahil sa trends o sa sound nila, kundi dahil sa kanila ako nakakabuo ng mindset. Subukan niyo rin hanapin ang thought processes behind the bars.

8. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign? Gaya ng tanong sa 7, may naitulong ba sila sa mga bara mo? 

Current: Loonie/Ron Henley/Stickfiggas, Don G Belgica, Kawayan. Special mention sina Dello, Zikk, Harm, BLKD, Shanti Dope. Basta may bago yang mga yan, papakinggan kong buo at least 1 time asap. Sa foreign, Eminem, Drake, Slaughterhouse. Challenge ang naitutulong nila sa akin.

9. Kagrupo mo si Dello na itinuturing isa sa mga pinaka mabigat sa FlipTop, naisipan mo rin bang sumali sa liga?

 Hindi na, boss. Kung meron man noon, maliit na pursyento lang siguro. Bukod sa mababa ang tiwala ko sa abilidad ko magkabisa o mag freestyle, alam kong hindi ko kakayanin ang mga side effects na kasama sa pangalan na nakadikit sa liga.

10. Aktibo ka bang nanonood ng FlipTop? Sino ang paborito mong battle emcee at ano ang pinaka tumatak na laban sayo?

Hindi na ako masyado nakakanood, boss. Iba ang pakiramdam pag hindi mo napanood ng live at babalikan mo sa youtube para i-replay ang feeling o i double check ang bars na hindi mo naintindihan nung una. Spoiled lang siguro ako at nung mga unang taon eh lagi akong present at dahil nga kay Dello. Nakaka aliw na nababanggit ako o kami paminsan minsan, pero patawad at hindi na ako updated. 

11. Para sayo, kumusta ang Pinoy hip-hop ngayon? 

Maganda na bigayan sa hip-hop ngayon. Hahaha! In both/all sense of the phrase. Aralin nyo lang kids ang history niyo ha? Para maiwasan niyo yung mga pagkakamali ng mga nauna at para solid parin kase dapat kultura muna bago sarili.

12. Sa States ka na nakatira ngayon, malakas din ba ang Pinoy hip-hop diyan?

Ako lang malakas dito, boss.

13. Sa tingin mo, ano ang mga kailangan baguhin sa eksena ngayon?

Wala. Hindi talaga pwedeng madali makuha ang pangarap, boss. Hindi na special pag ganun.  Kung madali lang makuha ang pangarap mo, pili ka ng bagong pangarap.

14. Ano ang mga maaasahan namin kay Santo sa mga darating na taon? 

Isa na lang. Album. Hopefully soon, tinatapos ko na. Ang Paboritong Anghel ng Diyos.

15. Ano ang maipapayo mo sa mga baguhan sa larangan?

Wag kang bano.

Maari niyong i-download nang libre ang mga proyekto ni Santo. Kung ito ang unang beses mo na maririnig siya, tiyak na hinding-hindi ka magsisisi. Ito ang mga link (I-click niyo lang):

Rap Hostage

Brand X

Kill Santo ASAP

godswork



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT