Panibagong MC Spotlight nanaman! Ngayon, mas makilala natin ang makata na si CLR.
Maaaring nakilala niyo siya sa hit single ni Pricetagg na “Kontrabida”, pero bago pa niyan, matunog na ang pangalan niya sa eksena. Maliban sa mga sulat niya, bumilib din ang mga tao sa kanyang mapaglarong flow. Isa siya sa mga emcee sa Pinas na kayang bumanat ng purong rap at may halong melodiya.
Ating alamin ang kwento ni CLR dito sa ikatlong kabanata ng MC Spotlight. Malalaman natin ang kanyang kasaysayan, ano ang mga paparating niyang proyekto, at iba pa. Yung litrato sa taas ay kuha ni Puno Michael Joe.
1. Kailan ka nag simula mag rap?
2007, noong highschool pa ako. Kalakasan pa ng Pinoy alternative band yun. So nag tayo kame ng mga classmate ko ng banda. Nag simula yung banda sa Post-core na emo genre (2005) hanggang sa naging hip-hop na may halong metal na genre (2007-2015). We was lit!
2. Ano ang ibig sabihin ng CLR at bakit ito ang napili mong pangalan?
Cebu's Lyrical Rapper. Sa kadahilanang galing at doon ako ipinanganak, kailangan ko paring i-connect yung sarili ko sa hood ko, sa mga tropa at kamaganak kahit malayo na ako sa kanila. (Shoutout sa mga taga brgy. PASIL).
Kalaunan naging Chester Lalinjaman Romo na yung meaning nya. Chester (yung name ko) Lalinjaman (last name ng ermat ko noong pagkadalaga nya) Romo (last name naman ni erpat) at huli ko lang to nalaman. Ang kulit di ba? This time hindi lang yung hood ko ang nirerepresenta ko sa art ko, kundi yung mga experiences ko bilang Chester.
3. May nirerepresenta ka bang grupo o kolektibo? Kung meron, paano ito nabuo?
Meron. Ito yung rap metal band na binangit ko kanina. "1218" (zip code ng "PEMBO"). Ang PEMBO ay ang pangalawa kong hood sa MAKATI! I'm in to hood ish kung mapapansin nyo. Kailangan kong malaman ng mga tagapakinig namin na hindi lang kame basta banda, nirerepresenta rin namin kung taga saan kame at kung anong uring musika ang aming ginagawa).
Tadz (kabiyak ko sa mikropono)
Gilbert Baño (leadista)
Alvin Rumbaoa (baho)
Jade Lacambra (gitara)
Henry San Juan (tambol)
Daz and Jeck Choi (sound engineer)
Sadly, di na ito aktibo. May mga sarili na silang priorities. Gayunpaman, sila ay mga matatalik ko pa ring mga kaibigan. Pag hindi na sila busy malamang gagawa ulit kame ng mga bagong proyekto.
4. Sa mga hindi pa pamilyar sayo, ano na ang mga nagawa mong proyekto?
Sa 1218 meron kaming nagawang mixtape na pinamagatang "INHALE IN HELL". May lamang 15 na kanta. Pwede nyong ispotan sa youtube, soundcloud atbp.
Bilang solo artist naman meron akong REMIXTAPE sa Youtube at Soundcloud din. Ispotan nyo pag may oras kayo.
5. Walang makakatanggi na malakas ang mensahe ng mga awitin mong "S I U P O N G" at "Rest Day". Ano ang nag tulak sayo para i-sulat ang mga 'to?
Si "Upong" ay aking butihing uncle sa CEBU na nagpakamatay. "SI UPONG" ay kaparte sya ng isang kanta ko na "YAN" - (Y)atam(A)kapga(N). Kung babaliktarin mo ang salita na "YAN" - makabubuo ka ng pangungusap na: "Nagpakamatay Si Upong". Ganyan din ang sigaw ni ermat noong makita nya yung utol niya na nakasabit na yung ulo sa lubid. Ang dami kong natutunan sa pangyayaring iyon.
Gayunpaman, kahit hindi ako psychologist o psychiatrist pwede mag-open sa akin ang mga tagapakinig ko. Sa makatuwid marami nang nag reachout sakin hinggil dito at wala pa naman akong binigong na replayan. You know who you are guys! Keep fighting!
Yung "Rest Day" naman was just me talking to myself at pagkakaroon ng "aha" moment sa buhay. Pagiging mulat. At sa pagkakaroon ng pormula sa mga musika na ginagawa ko. Isa akong normal na empleyado ng isang kompanya dati kung saan sa rest day ko lang ako nagkakaroon ng oras gumawa ng mga obra. Ngayon, fulltime na ako sa paggawa ng musika. Kailangan ko na rin kasing magsakrepisyo. May kasabihan nga na: "Hindi ka pwedeng maging alipin sa dalawang panginoon. Pumili ka nang isa." Kaya pinili ko ang musika.
6. Nakilala ka hindi lang sa mga linya mo, kundi pati na rin sa unpredictable mo na flow. Ganito na ba ang gusto mong istilo dati pa?
Gusto ko lang maging iba. Magstandout sa napakadaming rap artists sa Pilipinas. Ganito na ang istilo ko dati pa. Kahit pakinggan pa ng mga bago kong tagapakinig ko yung mga proyektong nabanggit ko kanina sa question number 4.
7. Sino ang unang nag-impluwensya sayong tumugma?
Gloc9
8. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)?
Lokal:
3. Tayo Na Sa Paraiso ng Siakol
2. Atomic Bomb ng Rivermaya
1. UltraElectroMagneticPop ng Eheads
Foreign:
3. The Eminem Show ni Eminem
2. Hybrid Theory ng Linkin Park
1. The College Dropout ni Kanye West
9. Nakatulong ba ang mga album na ito sa pag-gawa mo ng mga kanta?
100%! Imaginine mo yung "halo-halo". Bago mo pa sya haluin, kahit titingnan mo pa lang sya nakakatakam na di ba? At pag hinalu-halo mo na at tikman yung lasa di ba napakasarap ganun din yung mga gawa ko na obra.
10. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)?
Lokal:
3. Stickfiggas (Ron&Loonie) di ko kasi sila pwedeng ipag hiwalay
2. Syke
1. Gloc9
Foreign:
3. Drake
2. J. Cole
1. Kendrick Lamar
11. Gaya ng tanong sa 9, may naitulong din ba ang mga ito sa mga bara mo?
110%! Yung sagot ko sa question 8 is about my music. Sa question 10 napaka laking impluwensya sakin ng mga nabanggit na emcee hindi lang sa mga bars pati na rin sa technicalities ng flows, word play at rhyme scheme.
12. Aktibo ka bang nanonood ng FlipTop? Sino ang paborito mong battle emcee at ano ang pinaka tumatak na laban sayo?
Oo naman. At ang paborito kong battle emcee ay si Loonie! Paborito kong laban ay Sheyee vs Loonie. Napaka linis na laban. Di lang ako basta nagandahan, may natutunan din ako. Natutunan ko sa laban na yun ay, kahit alam mong napaka lakas mo na, di ka pa rin dapat pakumpiyansa.
13. Naisipan mo rin bang subukan ang battle rap?
Oo naman. Ang FlipTop ay isang platform ng mga aspiring rap artists. Aminin na natin, ang FlipTop ay fast route to fame. At inaamin ko hindi ito para sa akin. I tried tho. Sinubukan ko na ring mag pasa kay lodi Aric ng mga freestyle demo. Kahit pacheck mo pa sa messenger nya. lol!!!
14. Para sayo, kumusta ang Pinoy hip-hop ngayon?
Booming! Hindi na baduy pakinggan.
15. Sa tingin mo, ano ang mga kailangan baguhin sa eksena ngayon?
Politika.
16. Ano pa ang mga maaasahan namin kay CLR sa mga susunod na taon?
1. My most awaited EP! This time si Mark Beats na ang bahala sa production although di pa namin napagusapan ng maayos. (UPDATE: Nilabas na ang album niya na pinamagatang “A Starving Artist”. Maririnig niyo ‘to sa Spotify at iba pang streaming sites.)
2. Bat Ngayon? Pt1 MV under HellaSolid parin. (UPDATE: Mapapanood niyo na ‘to sa YouTube)
3. Pangalawang collaboration namin ni Pricetagg na pinamagatang "Barumbado" under Rawstarr records parin. (UPDATE: Mapapakinggan niyo na ang kantang ‘to)
4. A Starving Artist clothing line. Isasabay ko sa launching ng EP para isang bagsakan na. Punta kayo huh. (UPDATE: Nasa streaming sites na din ang EP niyang "1001" na nilabas nung unang araw ng Enero 2022.)
17. Ano ang maipapayo sa mga baguhan sa larangan?
Kung may gusto kang bagay na di mo pa nakuha, gawin ang hindi mo pa nagagawa.
Puntahan at I-like niyo lang ang opisyal na pahina niya sa Facebook para manatili kayong updated sa mga galaw niya. Walang duda na exciting ang mga plano ni CLR. Salamat sa oras niyo at sana ay tuloy-tuloy lang ang pag-suporta niyo sa mga local artists. Kita kits nalang ulit sa susunod na MC Spotlight!