Ilang mga paalala bago tayo bumoto ngayong paparating na eleksyon. Satin nakasalaylay ang bansa sa May 9!
Sa ika-siyam ng Mayo 2022 araw ng Lunes ay nasa ating mga kamay ang magiging kinabukasan ng bansang Pilipinas. Tayo ang magkakaroon ng kapangyarihan na pumili ng mga tao na sa tingin natin ay mag-aahon sa ating lahat. Bago natin itiman nang buo ang bilog sa tabi ng mga pinili nating mamumuno sa mga susunod na taon ay ito muna ang ilan sa mga paalala na dapat natin isaulo at isapuso.
Syempre, una sa lahat ay dapat napag-isipan nating mabuti ang napili nating mga kandidato. May anim na araw pang natitira upang pag-aralan maigi ang mga plataporma nila pati ang mga naipamahagi nila sa nakaraang mga debate. Posibleng naakit ka sa mga jingle at iba pang pakulo nila sa kampanya, pero tandaan na ang pinaka importante pa rin ay kung ano ang maiaambag nila para sa taumbayan. Ano ang magagawa nila upang maiangat ang antas ng edukasyon? Ano ang mga solusyon nila sa kahirapan? Paano mabibigyan ng trabaho ang bawat mamamayang Pilipino? Paano tayo makakabawi sa ekonomiya pagkatapos ng pandemya? Ilan lang yan sa mga tanong na dapat sagutin ng bawat tatakbo at sana masagot ng sinumang magwawagi.
Dun sa mga desidido na sa mga kandidato nila, saludo sa inyo dahil karapatan niyo yan! Kung sakaling manalo ang mga pambato niyo, sana ay maging bukas din ang isipan niyo sa kritisismo. Huwag niyong kakalimutan na kaya sila tumakbo ay para pagsilbihan TAYO. Sa madaling salita, TAYO ang dapat iniidolo ng mga yan. Kung sa tingin niyo ay may maling ginagawa o ginawa ang mga binoto ninyo, huwag madalawang-isip na sabihin sa kanila ‘to dahil parte ng trabaho nila ang makinig sa mga saloobin! Unahin natin ang buong Pilipinas bago ang sinumang politiko. Huwag ring matakot magbasa ng mga balita tungkol sa mga karumal dumal na ginawa ng ibang mga tatakbo. Meron diyan na patong-patong na ang ebidensya. Baka hindi niyo lang nababasa pa! Muli, buhay nating mga Pilipino ang nakataya kaya dapat lang na seryosohin natin ito. Hindi ito simpleng laro lang.
Malamang ay yung iba sa inyo ay nakikipagaway sa mga may salungat na opinyon, pero sa bandang huli, tayo-tayo pa rin ang magkakampi lalo na’t pag tapos na ang eleksyon. Imbis na ikansela ang mga tingin niyo ay may hindi tamang pananaw, mas mabuting i-daan ito sa sibilisadong paraan. Ipaliwanag natin maigi kung bakit mali ang kandidato nila at magbigay tayo ng mga lehitimong impormasyon. Hindi ba’t mas nakakatulong yun kaysa mag-sindakan at mag-murahan? Iiwanan mo ba ang kapamilya o tropa mo dahil magkaiba kayo ng opinyon? Diba hindi? Masyadong nang magulo ang eksena sa gobyerno. Bahala na silang mag away diyan!
Ayun lang naman. Sa Mayo 9, sana ay tama ang desisyon natin sa kung sino ang iboboto natin. Wala din sanang mangyaring anumang gulo at dayaan. Huwag na nating hayaang maulit ang malalagim na nangyari dati. Kung may mga nagbabasa na wala pa sa tamang edad bumoto, huwag kalmutang mag rehistro pag pwede na. Hindi lang dahil karapatin mo ito, kundi dahil ito ang pagkakataon mong marinig ang boses mo. Mabuhay ang buong Pilipinas! Pakinggan muna natin ang awitin nila BLKD at UMPH para mas ganahan pa…