Kung hardcore hip-hop ang usapan, isa sila sa mga bumubuhay nito ngayon. Kilalanin natin sa Crew’s In ang grupong Tres Diablos!
Ghetto Doggs, Death Threat, Kampo Teroritmo, Illustrado, Pamilia Dimagiba, at Gulpe De Gulat. Sila ang mga kinikilalang mukha ng hardcore hip-hop sa Pilipinas. Ito yung musika na walang kompromiso pagdating sa mga magaspang na tugma at tunog. Sa madaling salita, ito’y pang wasakan ng bungo. Merong bagong usbong na grupo mula Rizal na nais ring mag iwan ng marka sa genre na ‘to.
Mas kilalanin natin ang Tres Diablos dito sa ika-anim na edisyon ng Crew’s In. Kailan sila nabuo? Sino ang mga impluensya nila? Ano ang kanilang mga susunod na plano? Ilan lang yan sa mga katanungan na sasagutin nila. Game na! Galing kay Stuart Nicole ang litrato sa taas.
1. Kailan at paano kayo nag-simula at sinu-sino ang mga kabilang dito?
Nagsimula kami noong July 2016 bago mag birthday yung isa sa member namin dahil may paparating na hip-hop event 'non sa loob ng bahay nila mismo so napagpasyahan namin na bumuo ng isang grupo na hardcore shit yung tugtugan. Nag isip din kami ng Rap name namin na underground na pang Tres Diablos lang na para lang sa grupo namin at yon! Yung kalbo si Kalum Kalahi , yung Longhair si Lourd Bubuyog at yung may takip sa mukha si Bertong Panot yon! Pero galing kami sa iba't ibang grupo na nawala na din kaya ayun na nga ang nangyari.
2. Bakit Tres Diablos ang napili niyong pangalan? Ano ang ibig sabihin nito?
Noong una wala pa kaming maisip na pangalan ng grupo kaya aksidente lang na tawagin namin yung sarili namin na "Tatlong Dyablo" dahil pare pareho kaming may mga sungay sa entablado at pag naririnig nila kami para daw silang nasa impyerno kaya ayun hanggang sa naging Tres Diablos na.
3. Sinu-sino ang mga impluwensya niyo bilang grupo?
Naka influence samin yung mga kuya o pioneer na dito sa lugar namin kaya Oldschool Rap din talaga nagustuhan namin at eto yung mga natripan namin sa mga napapakinggan namin noong bata pa kami at hanggang ngayon patuloy kami sa pagtuklas ng mga bagong mapapakinggan at sa kanila din kami nainspira kaya kami nandito. Eto yung mga Rap group/Rap artist na pumukaw ng atensyon namin…
Sa Pilipinas:
Pooch, Francis M, Death Threat, Gulpe De Gulat , Ghetto Doggs, BB Clan, Chinese Mafia, Circulo Pugantes, Kampo Teroritmo Atbp.
Eto sa ibang bansa:
2pac, Biggie, NWA, Wu-tang Clan, Mobb Deep, Onyx, Cypress Hill, Immortal Technique, Danny Diablo, Psycho Realm, ILL Bill, Vinnie Paz, Snow Goons at BTNH marami pang iba.
4. Ano ang hangarin niyo sa eksenang ‘to?
Makapag iwan ng marka at Ma-showcase yung hip-hop namin tska shempre sana balang araw masama na rin sa history para madali din naming matulungan yung mga kalugar namin o mga batang gusto pasukin ang ganitong larangan.
5. Sa dami ng mga grupo sa larangan, ano sa tingin niyo ang pinagkaiba niyo?
Ang layo ng pinagkaiba namin sa iba subok na yan kada Gigs kami lang ang bukod tanging ganito ngayon at di kami natatakot don. Kami ay iba parang zambales parang ga'non pero hindi parin puwedeng ikumpara.
6. Anu-ano na ang mga proyekto na nilabas niyo?
Naglabas palang kami ng tatlong kanta na hindi original beat gamit namin pero may mga collaboration din kami sa iba na nailabas na.
7. Ano ang mga plano (solo o bilang grupo) niyo sa mga darating na buwan o taon?
Plano naming palakasin ang movement dito sa Rizal o sa lugar namin mismo at imulat sila kung ano ang ugat o dapat gawin. Next year balak naming maglabas ng mixtape siguro mga 10 tracks ganon. Maglalabas din kami ng Tres Diablos Merch sa mga susunod na buwan.
8. Sa pananaw niyo, ano ang estado ng Pinoy hip-hop ngayon?
Malakas siya nakakatuwa dahil nagbabalik yung mga datihan at paangat ng paangat ang mga baguhan daming mga lumalabas o nadidiskubreng mga halimaw at unti unti na siyang nakikilala ng ibang mga kababayan nating mga pinoy mapaloob man o labas ng bansa.
9. Ano ang maipapayo niyo sa mga grupong nag-sisimula palang?
Alamin muna nila yung mga roots, pag aralang mabuti kung paano mag construct ng magandang linya, huwag matakot pag nasa stage dapat galing sa puso at iwasan mag talo talo kailangang maging bukas sa isa't isa bigayan ng idea at panghuli pag magtatanghal kayo isipin nyong ayun na yung last performance nyo bigay nyo ng todo.
10. May mensahe ba kayo sa mga taga subaybay niyo?
Patuloy niyo kaming suportahan. Hindi lang yan ang makikita niyo sa amin. Marami pa kaming maipapakita sa inyo na malulupet at mas malupet pa.
11. Ano ang tingin niyo sa mundo ng battle rap?
Astig! Lumalabas yung mga talent ng mga gusto sumali sa rap battle tska ang solid kasi nagkakaroon sila ng daan para mapakinggan magiging wide pa yung mundo nang battle rap dahil isa din ito sa magiging rason para mas masubaybayan yung music nang mga artist.
12. Ano naman ang payo niyo sa mga battle emcee na nangangarap makapasok sa FlipTop?
Pag aralan muna nila yung Elements ng Battle Rap like Figures of speech mas makakatulong yon sa kanila at mas madali nila maiintindihan kung ano ang nakabalot dito sa mundo ng FlipTop.
Galingan lang nila palagi huwag na huwag silang magpabaya focus lang at huwag magpakampante mag aral pa sila lalo ng mag aral dahil hindi nauubos ang salita dito sa mundo marami pa silang malalaman huwag na nilang ulitin yung mga bara na alam nila na nasabi na sa liga at last tumuklas ng bagong istilo.
Kung gusto niyong maging updated sa musika, gigs, at iba pang proyekto nila, I-like at sundan niyo lang ang kanilang opisyal na pahina sa Facebook. Buhay na buhay pa rin ang Pinoy hardcore hip-hop ngayon, at sila ang isa sa mga prueba. Malaking shout out sa Tres Diablos sa pag bigay ng oras para dito. Sana’y marami pang makaunawa sa sining niyo.