From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Ahon 15 Highlights

Ipapamagagi ng isang fan ang kanyang karasahan sa nakaraang Ahon 15.

Anonymous Battle Fan
December 24, 2024


Ayun na nga! Tapos na ang Ahon 15. Ngayon lang ako nakapagsulat nito dahil grabe yung hangover sa event. Hindi dahil nalasing ako, ha? Na-hangover ako sa mga napakalupit na laban at mga makasaysayang pangyayari. Anim kaming pumunta dito at nakakatuwa lang dahil nagkakilala kami lahat nung Ahon 14 kung sa’n mag-isa lang kaming nag-attend. Pinagusapan namin na magsasama kami sa 15 at natuloy ito. Shout outs sa inyo! Kilala niyo na kung sino kayo.

Masyadong mahaba kapag pinaliwanag ko pa ang mga pangyayari sa day 1 at 2 kaya ipapamahagi ko nalang ang mga battle at performances na tumatak sa’min. Gusto ko munang pasalamatan si Anygma para sa pagbigay sa’kin ng pagkakataong lumikha nito. Kung sakaling ‘di ka sasang-ayon, wag ka magalit. Opinyon ko lang ‘to kaya kung meron kang sariling highlights, I-post mo lang ‘to sa comments section. Tara, magsimula na tayo.

Day 1:
Bilang fan ng wrestling pati mga “URL-style” battles, sobrang natripan ko yung Ruffian vs Saint Ice. Hanep yung mga references (lalo na yung WWE) at talagang barfest kung barfest. Ayos din na hindi sila gaanong nag-overtime at malakas ang presensya nila sa tatlong round. Sana hindi ‘to tulugan ng tao kapag nilabas sa video. Yung 2-on-2 nila CripLi / Towpher at SlockOne / K-Ram ay ang depinisyon ng entertaining. Walang parte na boring at nagmarka lahat ng kanilang mga anggulo at punchline. Litaw na litaw din ang teamwork at kumpyansa nila. Basta! Siguradong trending ‘to pag na-upload. Oo, maraming beses din nadamay si Anygma LOL!

BRUTAL yung Shehyee vs EJ Power. Parehas naka A game at may baon na magagaspang na bara. Sa round 3, may narinig kami na maaaring pinakamarahas na berso sa lahat ng battle rap. Hindi kami magugulat kung magkaka isyu ‘to sa YouTube o social media pero wag naman sana. Sa mga ‘di nakapunta, abangan niyo ‘to PERO humanda sa sobrang sensitibong materyal. Bilang fan ng battle rap at tagapagtaguyod ng free speech, classic itong laban na ‘to!

Kung paguusapan naman ang indibidwal na performance, ang lupit ng pinakita ni Manda Baliw. Bumalik siya sa komedya na stilo pero nag-improve pa lalo at talagang sumakit ang tiyan namin sa kakatawa sa bawat bara. Ang linis din ng performance niya at kitang-kita ang kanyang kumpyansa. Tingin namin ay magbabago isip ng haters niya dito.

Day 2:
Harlem vs Katana ang unang laban ng day 2 at nabuhayan agad kami! Nagpalitan sila ng mga kakaiba at patok na konsepto at namangha kami sa rhyme schemes nila. Halong komedya at teknikalan ‘to kaya talagang unpredictable ang bakbakan hanggang sa huling segundo. Dikdikan ‘to at posibleng pagdebatihan ang resulta kapag uploaded na.

Kadalasan ay matindi ang mga style clash pero ngayon, mukhang Jonas vs Zend Luke na yung pinakapaborito ko. Para sa’kin, legendary emcee na si Jonas. Oo, sobrang epektibo ng jokes niya, pero hindi lang yan. Kayang kaya din niyang paglaruan ang stilo ng kalaban sa napakacreative na paraan. Mas malawak mga anggulo niya dito at maaaring ito ang pinakanakakatawa niya. Inakala siguro ng iba na mabobodybag si Zend Luke pero hindi! Sa totoo lang, dikit yung battle. Bumanat pa rin si Zend Luke ng kanyang malupit na leftfield rhymes pero ang dami niyang solidong rebut at nakasabay din siya sa jokes ni Jonas. Pangako matutuwa kayo pag napanood niyo na ‘to sa video.

Tagumpay ang Dos Por Dos at Isabuhay Tournaments. Sa Dos Por Dos muna tayo! Iba-ibang stilo ng lirisismo ang pinamalas dito nila Caspher / Hespero at Atoms / Cygnus. Labanan ng mga epektibong well-rounded na content at matinding enerhiya. Ramdam mo ang dedikasyon nila hindi lang sa kanilang mga linya kundi pati sa chemistry. Benta din sa’min yung kani-kanilang antics. Klaro para sa’min yung nanalo PERO malaking respeto pa rin sa husay ng runner-up.

Nabasa niyo na siguro na yung GL vs Viturm daw ang best Isabuhay Finals. Sangayon ako pati mga kasama ko diyan. Eto yung dikit na dikit talaga! Masasabi naming style clash din ‘to. Si GL yung teknikal at ma-konsepto habang si Vitrum naman yung direkta at brutal. Ang matindi dito ay parehas silang tumodo sa kanilang atake. Ito yung sinasabi ni Anygma na panalo tayong lahat. Congrats sa nagchampion at congrats din sa runner-up. Ang bangis niyo! Mula ngayon, top tier na kayo!

Para naman sa indibidwal na performance, kay Tipsy D kami. Malupit yung pinakita niya sa day 1 pero para sa’min ay mas grabe yung day 2. Umaatikabong wordplays at references na may ibang lebel na rhyme schemes at sunod-sunod na suntok na bago sa pandinig. Abangan niyo yung hamon niya sa round 3. Classic agad yun pag natuloy!

Konklusyon:
Huwag niyo rin tutulugan yung ibang battles. Hindi porke’t hindi sila kasama sa highlights ay ibig sabihin pangit na. Halos lahat ng matchup ay napa-react kami nang todo at nag angat pa lalo ng lirisismo at pagtatanghal. Sulit ang paghintay niyo sa uploads! Maraming, maraming salamat sa FlipTop staff at sa lahat ng emcees para sa dalawang araw na hindi namin makakalimutan. Oo nga pala, shot outs din sa venue na The Tent. Ang ganda! Sobrang laki at kahit sobrang dami tao ay malamig pa rin. Ok na ok sa’min kung dun ulit sa susunod na taon. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat. Kita-kita ulit tayo sa 2025.

Related Topics:
FlipTop Ahon 15 review battle rap


MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT