Crew's In

Crew's In: Kartell'em

Sila ang Kartell'em at ngayon ay malalaman niyo ang kwento nila. Ito ang Crew's In!

Anonymous Staff
January 19, 2022


Anim na taon na sila sa eksena at walang makakatanggi na nag-iwan agad sila ng marka. Mapa Tagalog o Ingles, damang dama ang enerhiya na binubuhos ng mga miyembro sa kanilang mga berso. Kakaiba rin ang husay nila pag-dating sa entablado. Napapatalon ang bawat manonood sa tuwing sila na ang mag-tatanghal.

Makikilala niyo sa maikling interview na ‘to ang supergroup na nagngangalang “Kartell’em”. May labintatlong emcees na kabilang dito, at para mas madali ang pag-babasa niyo, binigay nalang nila ang buod ng mga sagot nila. Wala nang paligoy ligoy pa, simula na natin…

1. Kailan at paano kayo nag-simula at sinu-sino ang mga kabilang dito?

Karamihan samin, matagal-tagal nang magkakakilala; magkakasama kami magskate, mag-inom, magpunta sa event, basically tumambay, ganun. Pare-parehas din kami ng hilig sa hiphop, so, minsan nagfefreestylan kami, pero trip-trip lang.

 Tapos eto, isang araw, kaming tatlo, ako (Yorko) si Waiian saka si Aftermatt, nasa exhibit kami ng KST noong 2016. Ayun, inom, skate, freestyle, saka tingin sa art siyempre. Nung nalasing na kami, napaganda tama namin tapos parang sudden realization na dapat seryosohin namin yung hip-hop. Ayun, nagdecide kami na bumuo ng grupo, kasi malakas yung kutob namin na para saamin ‘tong hip-hop.

Simula non, padami ng padami mga kakilala namin na may hilig rin sa ganito, lumawak yung circle namin, perform sa iba’t ibang gig, nagsali kami ng ibang tao, ayun. Di namin inakala na yung dating tatlo lang, trese na ngayon; Waiian, Yorko, Aftermatt, Wavyier, O’neen, Ne7in, Nickname, Ruijikun, JWudz, Sica, idontshitgold, DJ MUII, Tofu.

2. Bakit Kartell’em ang napili niyong pangalan? Ano ang ibig sabihin nito?

“Kartell'em” naisip namin kasi alam naman naten yung mga cartel nagsusupply saka nagkakalat ng mga kontrabando, kadalasan illegal hahaha. Kumbaga para samin, eto, yung music, medyo may kaparehasan sila, yung proseso ba. Kuha, or better yet, gawa ka ng product, tapos siyempre, gagawa ka ng paraan kung pano mo makakalat produkto mo. “TELL’EM” kasi, ayun na yon. Sabihin mo para malaman ng mundo kung sino ka, at saka kung ano meron ka.

(Litrato mula kay Allan Arevalo)

3. Sinu-sino ang mga impluwensya niyo bilang grupo?

Odd Future, Brockhampton, Wu-Tang, A$AP Mob, $uicideboy$, Threesixmafia, Flatbush Zombies Blackstar, Mobb Deep, Bone Thugs, Cypress Hill, MF DOOM saka mga alyas niya, Kanye West, Lupe Fiasco, Greyhoundz, Stickfiggas, Ghetto Dawgz, Vito Crew, Bugoy na Koykoy, Pink Floyd, RATM, si Tony Montana, at marami pang iba

4. Ano ang hangarin niyo sa eksenang ‘to?

Unang una pinakagusto naming mangyari, yung maabot yung pinakamax na pontential namin. Scratch that, yung maabot pa namin yung mas higit pa sa max. Higitan yun sariling kakayahan.

Kasama na din siyempre, yung makilala kami ng husto. Yung tipong pati mga tiga-ibang bansa nakikinig na sa amin. Isa na rin yung makatrabaho mga iba’t-ibang klase ng artist, lalong-lalo na yung mga iniidolo namin both sa local tsaka international. 

Isa pa, importante yung makapag-ambag kami sa eksena dito sa atin. Tulong sa ibang artist. Maganda sa pakiramdam na nakapagbukas ka ng mga opportunities para sa mga tao sa eksena. Isa na dun yung paggawa ng mga quality na kanta. Dun palang kasi makakapag-inspire ka na ng ibang tao na galingan yung craft nila. Pag mas maraming magagaling sa eksena, mas lalago, mas lalaki, mas gaganda.

5. Sa dami ng mga grupo sa larangan, ano sa tingin niyo ang pinagkaiba niyo?

Tingin namin kahit marami kami at iba-iba pa yung taste at style namin sa music, nagagawan parin namin ng diskarte para ma-execute ng maayos yung gusto naming mangyari, kumbaga "harmony in chaos". Isa pa, sobrang natural lang at organic lahat ng mga gawa namin walang halong bullshit.

6. Anu-ano na ang mga proyekto na nilabas niyo? 

Sa loob ng isang taon, nakapagpalabas kami ng physical at digital na kopya ng mixtape (TELL’EM ONCE), naline up sa mga matitinding event, nakapagpaevent din kami para sa mixtape release, saka nakapagpalabas kami ng music video. Karamihan din saamin nakapagpalabas ng mga sari-sariling mixtape at saka singles.

UPDATE: Nilabas na ang bago nilang album na pinamagatang “Tell’em Wasak”. Mapapakinggan niyo na din ang solo LP ni Yorko (“Excelsior”) at Sica (“Hue for Ya”).

7. Ano ang mga plano (solo o bilang grupo) niyo sa mga darating na buwan o taon?

Siyempre maglalabas kami ng bagong material, as a group saka as individuals. Kasama na dun mga music video saka iba’t-ibang content sa social media. 

Nagsisikap din kami ngayon makapagpatakbo ng sarili naming mga event, saka kung naayon ang universe, pinaplano rin naming makapagtour.

8. Sa pananaw niyo, ano ang estado ng Pinoy Hiphop ngayon?

Ngayon pansin namin na dumadami mga opportunity. Parang panibagong golden age. Kung dati ang daming kutya ng tao sa eksena natin, ngayon parang ang daming gusto makisama dito. Nakakatuwa lang kasi, tingin sa hip-hop dati jejemon, pang tambay, di maintindihan, ganito-ganyan, basically andaming sinasabi, pero ngayon, naaappreciate na siya kahit ng normal na tao. Very diverse na, mapa-underground or mainstream, boom-bap or trap.

(Litrato mula kay Ben Romano)

9. Ano ang maipapayo niyo sa mga grupong nag-sisimula palang?

You are who you are, wala kang katulad sa mundo. Pag yung pagiging ikaw, ginamit mo sa craft mo, maiiba ka sa lahat. Pag iba ka, tatatak ka sa lahat.

10. May mensahe ba kayo sa mga taga subaybay niyo?

Salamat sa pakikinig at sa lahat ng suporta. Kung wala kayong mga sumusuporta sa amin, hindi kami aabot sa kung ano mang meron kami ngayon. Abangan mga susunod naming project, di namin kayo bibiguin.

11. Ano ang tingin niyo sa mundo ng battle rap?

Naging tulay siya sa maraming oportunidad para sa lahat at malaking tulong siya para sa larangan ng hiphop. Para samin, nagiging entertainment show ang FlipTop pero at the same time nagiging showcase siya ng sari-saring uri ng mga emcees.

12. Ano naman ang payo niyo sa mga battle emcee na nangangarap makapasok sa FlipTop?

Galingan niyo lang. Lalo na sa freestyle, kasi dun kayo kakapit sa panahon ng pangangailangan.

Sundan niyo lang ang opisyal na pahina ng grupo sa Facebook para maging updated sa mga susunod na galawan nila. Nasa streaming sites din lahat ng kanilang musika. Salamat sa oras niyo at sana ay mas tangkilikin niyo pa ang Kartell’em pati ang iba pang mga local artist. Abangan ang susunod na kabanta ng Crew’s In!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT