Basahin ang karanasan ng isang rap battle fan sa kanyang pagdalo sa unang live event ng FlipTop makalipas ang dalawang taon!
Pagkatapos ng dalawang taon na walang live events, muling nagbabalik ang FlipTop! Nung una kong nakita ang announcement at poster ng Second Sight 10 sa social media, natuwa ako at nanabik. Naalala ko yung pakiramdam ng pagkasabik dahil makakapanood na ulit ako ng salpukan ng mga letra. Sabi ko noon sa isip ko: “Sa wakas!”
Napakatagal din mula nung huli akong nakanood ng live event. Ito pa yung The FlipTop Festival nung 2020. Kahit mayroong pandemya, hindi natigil ang FlipTop sa paghahatid ng de-kalidad na rap battles sa pamamagitan ng quarantine events. Hindi ko maiwasang malungkot paminsan-minsan habang nakaquarantine sa bahay ngunit nagsilbi ang quarantine battles ng FlipTop bilang source of entertainment ko. Kahit papaano ay napapawi ang lungkot ko sa pagtunghay sa mga laban na ito.
Matapos kong makita ang poster ng Second Sight 10, agad-agad akong nagtabi ng pera upang makabili ng pre-sale ticket. Habang ako’y abala sa pang araw-araw na pagkayod sa trabaho, palapit nang palapit ang petsa ng event. Isang araw bago ng event, hindi ako makatulog sa sobrang tuwa dahil matagal ko na ring hinangad makanood muli. Kausap ko sa pamamagitan ng chat ang mga tropang kasa-kasama ko palagi manood ng FlipTop noon. Gaya ko ay tuwang-tuwa sila. Matagal-tagal din mula nung huli naming pagkikita ng tropang ito, nung festival pa yung huli.
Nung araw ng mismong event ay maaga akong bumyahe papunta sa venue. Nung nakarating na ako sa TIU Theatre, tumindig ang balahibo ko dahil nakita ko muli ang mahabang pila. Nakita ko muli ang mga kapwa taga suporta ng hip-hop. Pamilyar ang mukha ng iba, mga nakikita ko rin palagi tuwing live events noon, at mayroon ding mga bagong attendees. Nakaface mask man ang lahat, dama ko ang ngiti sa pagsalubong ng iba sa akin. Unti-unti ko ring nakita ang aking mga idolo at nagpapicture ako sa kanila.
Habang nasa pila ay chinat ko na ang aking mga tropa. Gaya ng dati, naghanapan kami sa venue at nagkaroon ng spekulasyon kung sino ang mga mananalo. Nung ako’y nakapasok na, agad-agad ko namang namukhaan ang aking mga tropa. Selfie muna kami syempre at onting catch-up tungkol sa buhay! Sa totoo lang, una akong nanood ng live events ng FlipTop mag-isa. Kaya hindi ko inasahan na magkakaroon ako ng tropa mula sa panonood ng live. Habang umiinom ng serbesa, pinag-usapan namin ang aming buhay at ang mga kasalukuyang pinapakinggan at sinusundang galaw sa hip-hop. Enjoy at na-miss din namin ang pagtagay habang nakikinig sa malupitang DJ set ni DJ Supreme Fist.
Matapos ang ilang oras na paghihintay, natuwa at nabigla ang lahat sa pag-akyat ni Anygma sa entablado. Napakalakas ng enerhiya mula sa audience nung muling sinabi ni Anygma ang mga katagang: “FlipTop, mag-ingay!”. Gaya ng dati, nag-opening remarks muna ang presidente ng liga at nagbigay ng mahahalagang paalala. Hindi ko rin maiwasan na maluha nang bahagya dahil sa tila “inspirational” speech ng presidente ng liga ukol sa karanasan sa pandemya. Mas lalong tumibay ang aking loob at nagkaroon ng pag-asa upang pagbutihin ang aking ginagawa sa araw-araw.
Pagkatapos ng opening remarks, nagsimula na ang event. Napakalupit ng mga laban at mga ipinamalas ng bawat emcee! Nagustuhan ko ang line-up dahil ito’y naging balanse na halo ng mga emcees (mga matagal nang lumalaban, at mga galing sa Won Minutes 2019). Damang-dama ko ang enerhiya ng audience buong event at ang gigil ng mga lumalaban, talagang iba pa rin pag live. Naglilibot muna kami ng mga tropa tuwing break sa TIU Theatre habang nagkekuwentuhan sa kinahinatnan ng bawat laban na naganap.
Nung natapos ang buong programa ay nagpapicture muna kami sa aming mga idolo at tumambay muna sandali habang umiinom ng serbesa. Pagkatingin ko sa orasan, nakita ko na mag-aalas dose palang pala. Sabay naalala ko, maaga nga pala nagsimula ang event. Sabay-sabay din kaming umuwi ng mga tropa, at nakauwi naman ako nang maayos. Bago ako natulog, tuwang-tuwa ako nun sa inspirasyon na binigay sa akin ng live events. Balik-trabaho man ako ulit sa Lunes, mas ganado na ako magtrabaho kahit papaano dahil sa kulturang hip-hop.
Sa ngayon, nananabik ako muling makaattend ng live event. Gustuhin ko man ay hindi ako makakadalo ng Gubat 10 dahil hindi ko maiwanan ang siyudad sa ngayon. Kaya para sa mga makakadalo sa Gubat 10, nakakainggit kayo! Hahaha! Tamang team bahay muna ako at waiting game sa mga upload. Sana’y maging tuloy-tuloy na ang pagbabalik ng FlipTop at mga gig dito sa Pilipinas. Saludo sa FlipTop, sa staff, at sa mga emcees na bumubuo nito! Bilang isang fan mula nung 2010 pa, tuloy-tuloy lamang ang aking pagsuporta sa liga at sa hip-hop. Abangan ang mga laban mula Second Sight 10, at hanggang sa muli, kitakits!