Kwenta ng isang tungkol sa karanasan niya sa Ahon 15 Day 3!
Unang event ito ng FlipTop sa 2025 kaya hindi ko ‘to pinalagpas. Nung inanunsyo ang event ay niyaya ko agad ang dalawa kong tropa na kapwa battle rap fans. Oo nga pala, nakilala ko sila nung Second Sight 13. Mag-isa lang ako pumunta nun at magkasama na silang dalawa. Sila lang daw ang mahilig sa hip-hop sa barkada nila. Nag-click agad kami at napagusapan namin na pag may FlipTop ulit sa Metro Manila ay sabay-sabay kaming manonood live. Nakapunta kami sa Unibersikulo 12, Bwelta Balentong 11, at Ahon 15 Day 1 at Day 2.
Hindi namin maitatanggi na nung unang beses namin nakita yung poster ng Ahon 15 Day 3 ay tama lang yung naramdaman naming excitement. Wala kasing Isabuhay battle at parang ang “random” ng mga laban. Ganunpaman, pinili pa rin naming bumili ng ticket dahil kapag FlipTop ay expect the unexpected lagi. SVIP ang kinuha namin at sulit naman ito. Maliban sa sobrang lapit sa stage ay marami kaming mga nakasama at nakausap na emcees. Kapag bibili ka naman ng pagkain ay meron magdadala nito sa pwesto mo. Sobrang sarap nung nachos at sisig!
Kumusta naman yung Events Pavilion? Maganda! Hindi siya tent pero yung itsura niya parang loob ng Metrotent o The Tent pero mas maliit. Siguro parang Tiu Theater ito pagdating sa laki. Malamig rin at marami mga kainan sa baba. Kung dito ang magiging bagong tahanan ng FlipTop, ayos na ayos sa’min yun. Sabi nga lang ng ibang mga nakausap namin na ang hirap daw ng parking kaya payo namin na sa susunod ay mag-commute nalang kayo para sigurado.
Pagkatapos ng introduksyon ni Anygma ay pinakita nila ang tribute video para sa yumaong emcee na si Romano. Naluha kami sa unang eksena palang. Rest in paradise, idol, at pangako na pananatilihin naming buhay ang legisya mo. Maraming, maraming salamat syempre sa lahat ng mga masasayang alaala. Punta na tayo sa mga laban…
Hanep na panimula yung R-Zone vs Ets. Parehas well-rounded at ramdam yung presenya nila hanggang sa ikatlong round. Hindi lang nakakatawa kundi ang daming pinakitang kakaiba nila Tulala at Dodong Saypa sa laban nila. Meron nga lang nag-choke pero natuwa pa rin kami sa palitan nila. Tingin namin ay underrated yung Meraj vs Shaboy at Rapido vs Mastafeat. Hindi gaanong maingay ang crowd pero para sa’min ay marami silang tumatak na jokes at seryosohang mga linya. Mainit yung Karisma vs Class G! Pinakita ng dalawa kung bakit sila nagkampeon sa dati nilang mga liga at “complete package” ang pinakita nila sa kanilang sulat at pagtanghal. Abangan niyo yung matinding duelo nila Plazma at Emar Industriya. Oo, may mga brutalan at purong lirikalan pero astig dahil bumanat din sila ng konting katatawanan at pumatok ito.
Ang lakas ng tawanan namin sa Hazky vs SlockOne! Ang maganda din dito ay creative ang jokes pati ang presentayon nila. Oo, may nag-choke din sa Sinio vs Poison13 pero tingin namin ay sobrang solido pa rin ng salpukan ng dalawa. Ang dami nilang mga bara na todo react kami at grabe yung enerhiya ng dalawa. Saludo sa lahat ng mga sumali na emcees. Naenjoy namin ang lahat ng mga laban. Salamat din syempre sa staff para sa isa na namang makasaysayan na event.
Maaga ulit nagsimula at natapos yung event kaya nagkaroon pa kami ng oras makipag-piktyuran sa mga idolo namin. Pagkatapos nga pala ng battles ay inanunsyo yung 2025 Isabuhay lineup at Second Sight 14. Asahan niyong manonood ulit kami sa April 26! Mukhang classic na tournament na naman ito. Sa mga pumunta din nung Ahon 15 Day 3, kumusta naman experience niyo? Kwentuhan nalang tayo sa comments section.