From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Bakit Exciting Ang Bwelta Balentong 11?

Malapit na ang Bwelta Balentong 11! Ipapaliwanag nitong fan kung bakit hindi mo ‘to dapat palagpasin.

Anonymous Battle Fan
September 03, 2024


Nakabili na kami ng mga tropa ng VIP tickets at handang handa na kami para sa ika-11 na Bwelta Balentong. Sa tingin namin ito ang magiging isa sa pinaka hindi malilimutan na event ng FlipTop ngayong taon. Bakit nga ba hindi ‘to dapat palagpasin lalo na kung fan ka ng battle rap? Binigyan kami ng pagkakataon ng liga na ipaliwanag sa inyo. Salamat nga pala sir Anygma para dito.

Ayun, umpisahan natin sa dalawang battle para sa semis ng Isabuhay Tournament. Sinong hindi bibilib sa lineup na yan? Lahat sila ay may tsansang maging kampeon at iba-iba ang stilong pinapakita nila. Grabe na si SlockOne ngayon sa teknikalan at lumakas pa lalo yung presensya niya sa entablado. Sobrang nag-improve si Vitrum hindi lang sa purong lirikalan kundi pati sa pagpapatawa. Walang makakatanggi na mapanganib ang pagbalanse ni EJ Power ng dark comedy pati mga linyang pang wasakan. Si GL naman ay patuloy na nagpapamalas ng mga bagong “meta” at kakaibang konsepto sa kanyang rounds. Sa aming opinyon, ito ang pinakaunpredictable na torneo sa kasaysayan ng Isabuhay.

Aminin niyo man o hindi, kaabang-abang ang laban nila Sinio vs Shernan. Ilang beses na nilang sinabi sa social media na hindi ‘to “gimmick battle” at naniniwala kami dun. Tingin namin ay bakbakan ‘to at maliban sa katatawanan ay makakarinig rin tayo ng maraming mapaminsalang linyahan. Matagal na nilang ginagawa ‘to kaya wag niyong maliitin ang kakayahan nila bilang emcee. Excited na kami dito! Siguradong maingay ang buong venue pag nagsimula na silang bumanat.

Laking tuwa namin nung nakita namin yung M Zhayt vs Zend Luke. Kitang kita ang malawak na pen game ni M Zhayt habang nananatiling matalas naman ang agresibong leftfield na stilo ni Zend Luke. Digmaan ng bara ang inaasahan namin dito. Handa na kaming tumawa nang malakas sa Hazky vs CripLi at Manda Baliw vs Katana. Kilala sila sa jokes at mga anggulo na kakaiba pati sa kanilang makumpyansang performance. Kayang kaya rin nilang sumabay sa durugan ng bungo. Humanda tayo sa creative na mga rima!

Meron pang Dos Por Dos battle sa Bwelta Balentong 11. Mataas ekspektasyon namin dito dahil matindi ang pinakita nila sa kanilang nakaraang battles. Mahusay ang bawat emcee sa pagbalanse ng bars at jokes tapos hanep pa ang multis nila. Dahil parte sila ng malaking event na ‘to, garantisadong paghahandaan ito ng dalawang pares. Syempre, excited din kami para sa Don Rafael vs Keelan. Napanood na namin sila sa Won Minutes Luzon at masasabi namin na malaki ang potensyal nilang maging top tier sa FlipTop. Unang beses nilang tatapak sa big stage kaya malamang ay maghahanda sila dito. Sa mga hindi pa nakakapanood sa kanila, unpredictable at sobrang benta ng komedya nila at may ibubuga rin sila pagdating sa teknikal na berso.

Walong battles at bawat isa ay may potensyal maging makasaysayan. Ano pa ang hahanapin mo sa isang event, diba? Bumili na kayo ng pre-sale tickets habang meron pa. Mag-PM lang kayo sa Facebook page ng FlipTop. Nagpost rin sila diyan ng shops na pwede mo ding mapagbilhan. Tara! Masaya ‘to! Sa mga nakabili na, kita kits sa Septermber 21 sa Metrotent Convention Center.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT