Eto ulit! Lima pang mga sikat na salita sa FlipTop pati ang ibig sabihin nito.
Lagpas labing-apat na taon na ang FlipTop ngayon at maliban sa battles, samu’t saring mga salita din ang pinauso nito. Kung bagong fan ka ng liga o ng mismong battle rap, malamang marami dito ay hindi mo pa alam ang saktong kahulugan. Huwag ka magalala dahil ngayon ay ipapamahagi namin ang depinisyon ng mga ‘to. Nasa part 8 na tayo at kung hindi mo pa nababasa yung iba, eto ang una, ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim, at ikapito. Mag-simula na tayo…
Quotable
Kapag merong linya na talagang tumatak sa isang berso, yun ang tinatawag na quotable. Ito yung mga bara na naaalala ng mga tao at madalas binabanggit kahit sa labas ng larangan ng rap. Magandang halimbawa ay yung nakikita mong pinopost ng ilang hip-hop pages sa social media na teksto na kasama yung mukha ng rapper na bumitaw nun. Yung teksto ay yung quotable na linya mula sa kanta o battle. Mga pinakabagong quotables ngayon sa FlipTop ay yung “makina ng chainaw” ni Tipsy D pati yung “Newton / New tong” ni GL.
Diss
Simple lang ‘to. Ang diss ay pinaikling salita para sa disrespect. Oo, karamihan ng mga linya na naririnig mo sa battle rap ay diss sa kalaban, maliban nalang kung ito’y “selfie bars”, mga self-deprecating humor, o mga “tunay na buhay” na linya. Ganun din sa mga kanta na may tinitira na tao o grupo. Kapag ininsulto ka, ibig sabihin nun ay diniss ka! Sa hip-hop, ang madalas na ginagawa pagkatapos banggain ay mag-di-diss back.
Real-time rebuttal
Kunyari nasa gitna ka na ng round mo sa battle tapos yung kalaban mo ay biglang humirt, pag nabalik mo yung ginawa o sinabi niya, yun yung real time rebuttal. Pwede din kapag meron kang napansin sa kapaligaran mo tapos biglang sinama mo yun sa iyong punchline. Sa madaling salita, ang real-time rebuttal sa battle rap ay yung paraan ng pagbalik sa mismong oras mo. Kadalasan kasi ang rebuttal ay nagagawa mo lang kapag tapos na ang katunggali at ikaw na ang babanat.
Malinis na performance
Kung may emcee na nabuga lahat ng mga linya niya nang hindi nagstumble kahit saglit lang, ibig sabihin nun ay malinis yung performance niya. Syempre, maliban diyan, dapat maayos at klaro din yung pagbigkas niya ng bawat bara pati ang kanyang mismong boses. Tandaan na hindi porket malinis na performance ay panalo na agad. Merong iba na kahit maganda ang pagtanghal ay natalo pa rin dahil maaaring kulang sa suntok o hindi masyadong bumenta ang mga linya.
Filler
Sa battle rap, kapag sinabing filler, ito yung mga linya na wala gaanong lakas o kamandag at naguubos lang ng oras para sa mismong punchlines. Mapapansin mo ‘to agad sa live kapag walang buhay ang crowd habang nagrarap yung emcee. Bakit nga ba nangyayari ‘to? Posibleng wala nang maisip yung emcee kaya kung ano-ano nalang yung sinulat o pwedeng ginawa niya ‘to para hindi mag-undertime. Kapag mas maraming filler, mas malaki ang tsansang makaapekto ito sa buong performance.
Ano pa sa tingin niyo ang mga kulang dito? Ilagay niyo lang sa comments section. Napakadami pang mga termino na sumikat sa FlipTop kaya abangan nalang ang mga susunod pang kabanta. Suportahan natin ang bagong uploads at magkita-kita tayo sa Setyembre 21 sa Metrotent Convention Center para sa Bwelta Balentong 11. Mag-ingay!