Isang fan ang nagbahagi ng tingin niyang mga pinaka malupit na laban sa liga FlipTop bawat taon. Sang ayon ba kayo?
Ilang araw nalang ay ika-labing-tatlong anibersaryo na ng FlipTop! Sobrang bilis ng panahon eh noh? Bilang matagal nang taga suporta, laking pasasalamat ko lagi sa liga sa patuloy na pagbigay sa’tin ng mga makasaysayang battle. Oo, merong mga hindi bumenta pero mas madami pa din nag-iwan ng marka sa eksena. Eto ang mga masasabi kong battle of the year sa FlipTop mula 2010 hanggang 2022.
Paalala lang ulit! Ang mga mababasa niyo dito ay PERSONAL NA OPINYON KO lang. Kung hindi ka sang-ayon, malaya kang magbigay ng sariling mong listahan sa comments section. Wag na natin ‘to pahabain pa. Simulan na natin sa unang taon ng liga...
Dello vs Target (2010)
Merong iba na sasabihin Loonie vs Zaito dapat para sa 2010, pero para sa’kin, ito ang pinili ko dahil mas dikdikan ang laban. Sa Loonie vs Zaito kasi kahit entertaining si Zaito ay alam nating kuha ni Loonie ang bawat round. Dello vs Target ang masasabi kong unang battle sa FlipTop na mahirap I-judge. Witty ang komedya ni Dello at malupit ang bawat rebuttal niya. Ganunpaman, hindi mapagkakaila na mahusay ang pagkakahulma ng mga berso ni Target. Batuhan ng mga kalidad na linya ang nangyari, at dahil diyan, naging isa ito sa may pinaka maraming views nung panahon na yun.
Dello vs Zaito (2011)
Ito ang patunay na hindi porket komedya na laban ay baduy na. Pinakita ni Dello at Zaito kung paano maging epektibo ang pagpapatawa sa larangan ng battle rap. Sunod-sunod na jokes na talagang benta hindi lang sa live audience kundi pati sa mga nanood sa YouTube. Grabe ang creativity sa mga bara pero sinigurado ng dalawang emcee na maiitindihan pa rin ‘to ng madla. Diyan palang ay masasabi mong bigatin na sila Dello at Zaito!
Loonie/Abra vs Shehyee/Smugglaz (2012)
Hanggang ngayon, itong semi-final match para sa 2012 Dos Por Dos Tournament ang nananatiling most-viewed sa FlipTop. Bakit nga ba sobrang patok nito? Simple lang: dahil sobrang ganda ng laban eh! Hanep yung chemistry ng dalawang team at napakadaming mga linya na tumatak sa bawat manonood. Maliban pa diyan ay umulan din ng matitinding multi,flow, at anggulo. Pinakita ng apat na emcce dito na karapat dapat silang tawagin na top-tier!
Zero Hour vs Sak Maestro (2013)
Ang debut battle ni Sak Maestro! Dito natin unang nakita ang kakaibang teknikal na lirisismo ni Sak na nag-impluwensya sa ilang mga emcees ngayon. Bagama’t nakay Sak ang spotlight dito nung lumabas sa YouTube, para sa’kin ay mabangis din ang pinakita ni Zero Hour. Hindi man sobrang teknikal gaya ng kalaban pero mabisa ang kanyang beterano bars at talagang malakas ang pag-deliver niya ng bara. Eto yung masasabing nating “either way” na laban o yung kahit sinong mag-wagi ay ayos lang.
Tipsy D vs Sinio (2014)
Dalawang fan favorite sa isang entablado! Sinong hindi matutuwa dyan? Buti nalang at hindi tayo binigo nila Tipsy D at Sinio nung nagtapat sila. Nandito ang lahat: teknikalan, rektahan, komedya, at rebuttal. Nagamit nila bawat isa nang walang mintis at hindi sila nagpabaya hanggang sa huling segundo. Mas naunawaan dito ang writing skills ni Tipsy habang madami naman napabilib sa paghalo ni Sinio ng katatawanan at seryosohang mga bara.
Abra vs PriceTagg (2015)
Mainit na laban tapos hindi pa nagpabaya parehas. Yan ang ating nakita sa bakbakan nila Abra at PriceTagg. Ang maganda pa sa duelong ‘to ay kahit maraming magagaspang na linya ay naisingit pa rin nila ang konting epektibong komedya. Kitang kita din ang kumpyansa nilang dalawang sa pag-bitaw ng mga berso. Kung bago ka lamang sa FlipTop, posibleng mapatanong ka ng “magkaaway ba talaga sila?” habang pinapanood ‘to. Ganyan kainit yung battle!
Loonie vs Tipsy D (2016)
Purong lirisismo ang binigay sa’tin nila Loonie at Tipsy D sa laban nila. Maliban sa kalidad na multis at malakas na presensya sa entablado, ang lupit din ng mga anggulo at metaporang binato ng dalawang makata. Isama mo pa ang crowd na hanggang dulo ay bigay na bigay sa pag-react. Ang sarap panoorin sa live pati sa video. Walang duda na isa ito sa pinaka hindi malilimutang laban sa kasaysayan ng Isabuhay Tournament.
Apekz vs Mhot (2017)
Isabuhay semis ulit! Ang sinumang hindi bumilib sa duelo nila Apekz at Mhot ay nagsisingualing. Gaya ng Loonie at Tipsy D, sobrang well-rounded ng dalawang rapper at grabe yung enerhiya ng crowd mula una hanggang ikatlong round. Akala ko pamatay na yung anggulo ni Apekz dun sa “ABS-CBN” na linya pero nakakagulat na nakabawi pa rin si Mhot. Ganunpaman, kung si Apekz yun nanalo dito ay hindi rin ako magrereklamo. Sobrang dikit talaga!
Invictus vs Marshall Bonifacio (2018)
Teknikalan talaga ang pinaka paborito kong stilo ng battle rap kaya laking tuwa ko nung napanood ko laban nila Invictus at Marshall Bonifacio para sa unang round ng Isabuhay. Litaw na litaw ang malawak na bokabularyo ni Invictus habang nakakabilib naman ang mga rektahang banat ni Marshall. Magkaiba man ang kanilang diskarte sa pag-sulat, parehas nilang pinakita ang galing nila sa samu’t saring tayutay.
Batas vs Sak Maestro (2019)
Tulad ng nabanggit ko sa taas, hilig ko talaga ang mga teknikal na laban lalo na pag parehas preparado ang emcees. Hindi nagpabaya sila Batas at Sak Maestro sa laban nila at hinigitan pa nila ang performance nila sa mga nakaraang battle. Kanya-kanya silang diskarte sa mga metapora at magagaspang na bara pero parehas tumatak at mabisa rin ang paggamit nila ng jokes. Malamang ay nahirapan yung mga hurado dito!
Apoc vs Marshall Bonifacio (2020)
Sobrang nabigla ako nung simula ng quarantine battles. Ayos naman yung mga naunang laban pero iba pa rin talaga yung nadarama mo yung enerhiya ng crowd. Bumalik muli yung dedikasyon ko bilang solidong fan ng battle rap nung napanood ko yung Apoc vs Marshall Bonifacio. Ganun pa rin yung setup pero damang dama ko yung bawat bara ng dalawang lirisista! Patunay ang duelo na ‘to na maliban sa mga malupit na linya ay importante din talaga ang presensya at delivery. Nagsilbing battle rap 101 ito.
M Zhayt vs Lhipkram (2021)
Para ito sa 2020 Isabuhay Tournament pero dahil sa aberya ng pandemya ay nausog ito nung 2021. Sulit na sulit ang isang taong paghintay dahil GRABE ang battle na ‘to. Higit pa sa isang daang porsyento ang pinakita nila M Zhayt at Lhipkram at kahit mga kapwa emcee lang ang nanood ay parang nasa malaking event pa rin dahil sa lakas ng mga reaksyon. Nakakamaanghang mga multi, wordplay, rebuttal, at joke na hinaluan ng klarong delivery ang ating nasaksihan dito. Kahit sino ang mapili ng mga hurado ay hindi ako maaasar.
Sayadd vs GL (2022)
Napanood ko to nang live at ang masasabi ko lang… WOW! Ganyan na ganyan din reaksyon ko nung napanood ko na sa YouTube. Hindi ‘to simpleng teknikalan. Pinag isipan talaga nila Sayadd at GL ang pag-akda ng bawat bara. Marami ding mga anggulo at reference dito na ngayon ko lang narinig sa battle rap. Ilang beses ko na inulit ‘to pero may mga bago pa rin akong natututunan. Hindi nabigo ang mga fans ng matatalinghagang lirisismo dito.
Para din ‘to sa mga hindi pa pamilyar sa liga. Panoorin niyo ang mga laban na ‘to nang malaman niyo kung bakit marami ang namamangha sa sining ng battle rap. Hindi kayo magsisisi! Sa mismong FlipTop naman, binabati ko na kayo ngayon palang ng maligayang anibersaryo. Ang layo na ng narrating niyo at siguradong marami pa kayong surpresang iaalay sa’min. Aabangan namin yan!