From A Fan's Perspective

Bwelta Balentong 10 Experience (Mula Sa Isang Fan)

Kumusta ang Bwelta Balentong 10? Pakinggan natin ang kwento ng isang solidong fan.

Anonymous Battle Fan
October 10, 2023


Nung ikapito ng Oktubre 2023 (Sabado) ay ginanap ang ikasampung Bwelta Balentong event. Ito ay nangyari sa Tiu Theater sa Makati Central Square. Pitong laban ang aming napanood. Sayang at hindi natuloy yung C-Quence vs Zaki dahil may pinagdadaanang trangkaso si C-Quence. Pagaling ka lods! Ganunpaman, masasabi ko pati ng mga tropa ko na sulit na sulit yung nabili namin na tickets. Madalas ay makasaysayan ang Bwelta Balentong at ganyan din ang ikasampu. Posible pa ngang maging event of the year ‘to para samin!

Talagang inagahan namin ang pagpunta sa venue dahil ganun kami ka-excited. Bandang alas singko ng hapon kami nakarating at grabe ang dami na agad tao. Swerte namin dahil nakapasok agad kami at nakakuha ng magandang pwesto. Bago natin pagusapan ang battles, kailangan muna namin ikwento ang karanasan namin sa FlipTop Beer! Red Horse talaga ang hilig naming magtotropa pero syempre, sinubukan namin ang beer ng liga bilang suporta. Hanep yung lasa! May konting tamis at saktong sakto lang yung alat. Naka-dalawang baso agad kami pagdating namin. Magkakaroon daw ng iba pang mga flavor sa susunod. Tiyak na susubukan din namin yun!

Bandang alas sais ay laking gulat namin nung umakyat si Anygma sa entablado. Ito ang unang event na pinuntahan namin post-pandemic kaya sanay kami na mga tipong alas nuebe o alas dyes ng gabi pa nagsisimula ang programa. Wala naman kaming reklamo. Nakakabigla lang talaga dahil ang aga na pala magsimula ngayon. Mabuti na rin yan para madali makauwi yung mga tao lalo na yung mga nasa malayo pa nakatira. May nakausap nga kami na mag-isa lang tapos taga Tarlac pa. Saludo sayo, tol! Ayun, pagusapan na natin yung mga laban…

Seryoso, walang tapon na laban sa Bwelta Balentong 10. Kahit yung mga battle na akala namin maaantok kami ay naging solido pala. Eto ang tatlong napagkasunduan namin na mga pinaka tumatak sa gabing ‘to. Matagal tagal din namin pinagusapan ‘to dahil ang hirap talaga pumili. Simulan natin sa unang battle ng gabi: Bagsik vs Karisma. Ang masasabi lang namin dito na walang halong spoiler ay expect the unexpected! Sobrang laking improvement ang pinakita ng dalawa at talagang batuhan ng creative na anggulo at rhyme schemes. Dikit ang laban at tiyak na makasaysayan ang resulta! Sunod naman ang Ruffian vs Vitrum. Sa sobrang dikdikan nito ay pinagdedebatihan pa rin namin kung sino ang talagang panalo. Nagmarka ang bawat punchline ni Ruffian at ramdam na ramdam ang kumpyansa niya sa pagtanghal. Si Vitrum naman ay mas naging epektibo sa pagiging well-rounded na emcee at mas polido na din ang delivery niya. GL vs Lhipkram ang main event at karapat dapat naman! Maliban sa kalidad na sulat, nasaksihan din namin ang kalidad na presensya nila. Bawat linya ay mas lumupit pa dahil sa kanilang pagbigkas. May isang round na medyo nawala si GL pero para samin ay nabawi naman niya ‘to. Pagdating kay Lhipkram, kung isa ka sa haters nya dati, garantisadong magbabago ang pananaw mo dito!

Syempre, wag niyo din tutulugan yung iba pang battles. Kaabang-abang din ang mga yan! Gaya nga ng sabi namin kanina, kandidato ‘tong Bwelta Balentong 10 para sa pinakamagandang event ng FlipTop ngayong 2023. Buhay na buhay pa ang crowd mula una hanggang huling duelo. Ang saya maging parte nun! May mga nakilala pa kami at ngayon ay tropa na namin. Salamat sa buong FlipTop staff at sa mga emcees para sa mga masasayang ala-ala. Asahan niyo na babalik kami sa susunod na Metro Manila event. Excited na din kaming mapanood yung mga laban sa YouTube! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT