Eto na ang mga laban para sa Gubat 13. Talakayin natin ang mga ‘to.
Tapos na ang Second Sight 12 at ayon sa fans na nanood live ay makasaysayan ‘to! Abangan niyo yung uploads. Para sa susunod na event, muling babalik ang FlipTop sa Cebu! Ito ang ikalabing-tatlong kabanata ng Gubat. Gaganapin ‘to sa Abril 20, 2024 sa Mariner’s Court, Legaspi Ext. Walong laban ang masasaksihan natin at dalawa dito ay para sa unang round ng 2024 Isabuhay Tournament.
May ilang linggo pa bago ang bakbakan kaya pagusapan muna natin ang buong lineup. Mukhang makakaasa tayo ng mga kandidato para sa battle of the year at higit sa lahat, lalong aangat ang sining ng battle rap. Simulan na natin ‘to…
Hazky vs Asser
Kung ito nga ang main event ng gabi ay karapat-dapat naman. Oo, parehas galing sa talo, pero hindi mapagkakaila na nagmarka na silang dalawa sa liga. Maliban sa antics at kwelang jokes, lalong lumakas na din ang teknikal na atake ni Hazky. Asahan niyo sa Gubat 13 na A-game ulit ang ipapakaita niya sa entablado, lalo’t gusto niyang makabawi mula sa Isabuhay finals. Nakakaexcite makita ang gagawin niya.
Pagdating sa listahan ng “complete package” na emcees, kabilang dapat si Asser diyan. Kaya niyang makipag bakbakan sa purong lirikalan at komedya at madalas ay napaghahalo pa niya ‘to. Maliban sa solidong pen game ay isa rin siya sa may pinaka malupit na flow at delivery. Siguradong totodohin niya dito sa Gubat 13 kaya humanda tayo sa dikdikan na duelo.
Poison13 vs EJ Power
Para ito sa 2024 Isabuhay Tournament. Grabe ang dedikasyon ni Poison13! Hanggang ngayon ay aktibo siya sa battle rap at hindi nawawala ang kalidad ng kanyang sulat. Pang limang torneo na niya ‘to. May tsansa kaya siyang maging kampeon ngayong taon? Malakas na siya pagdating sa teknikalan at multis pati sa presensya. Ang kailangan niyang gawin ay higitan pa yung huling performances niya at tingin namin ay magagawa niya yun.
Hanep yung 2023 ni EJ Power! Sumabak siya sa isang liga sa US at kahit unang laban palang niya sa Ingles ay tumatak agad siya. Sa Abril 2024 ay babalik siya sa Pinas para naman sa Isabuhay. Oo, nakilala siya sa epektibong komedya, pero ilang beses na rin niyang napatunayan na kaya niyang sumabay sa seryosohang mga linya. Nandiyan pa ang kanyang epektibong delivery at kumpyansa sa entablado kaya walang duda na banta siya sa tournament. Malaki ang posibilidad na maging sobrang dikdikan ang labang ‘to.
GL vs JDee
2024 Isabuhay ulit! Patuloy ang pag-angat ni GL sa liga at ngayong kasali na siya sa touranement, ito na ang pagkakataon niyang maging tanyag na top-tier emcee. Teknikal ang atake ni GL pero namumukod-tangi siya dahil laging panibago ang mga konsepto at anggulo niya sa laban. Malamang ay gagawin niya ‘to sa Gubat 13 at hindi malabong maging bagong meta ulit ito.
Pangatlong Isabuhay na ‘to ni JDee at hindi mapagkakaila na ang lakas ng pinakita niya sa nakaraang dalawang torneo. Nananatiling makamandag ang kanyang delivery pati pag-balanse ng kwela at brutal na mga bara. Makakaasa rin tayo na handa siya sa bawat laban. Kung parehas tumodo ang emcees, garantisadong wasak ang venue sa battle na ‘to.
Kregga vs Mistah Lefty
Maaaring ito ang pinaka interesting na matchup ng gabi. Si Kregga ay nananatiling isa sa pinaka mahusay pagdating sa teknikalan at dahil matagal na siyang walang laban, asahan niyo na totodo siya dito. Syempre, lamang siya kung usapang battle rap experience pero ganunpaman, huwag niyang mamaliitin si Mistah Lefty. Oo, dalawa palang ang laban niya pero marami agad namangha sa stilo niya at walang makakatanggi na isa siya sa pinaka bigatin na rappers ngayon sa Cebu pagdating sa musika. Bisaya Conference Battle ‘to at parehas silang mahusay dito kaya mukhang ito ay magiging bakbakan talaga!
Empithri vs Kenzer
Ang isa pang kagandahan ng Gubat 13 ay makikita natin ang mga matitinding up-and-comers ng Visayas Division. Huwag niyong tutulugan ‘tong Empithri vs Kenzer! Parehas epektibo sa komedya at seryosohang mga banat at may kumpyansa sa pagtanghal. Siguro mas lamang nang konti si Empithri sa wordplays at metapora habang sa rektahang mga linya naman nananaig si Kenzer. Kung handa sila parehas, maaaring dikit ‘to!
Ban vs Nadnad
Talo man si Nadnad nung nakaraang Gubat, marami pa rin ang bumilib sa pinamalas niya. Si Ban naman ay may dalawa nang panalo sa liga kaya malamang ay ganado siya ulit makipag duelo. May potensyal maging classic ang battle na ‘to dahil maliban sa parehas silang well-rounded, ramdam na ramdam din ang kanilang presensya sa entablado. Humanda sa matinding teknikalan at katatawanan pati mga solidong anggulo.
Mimack vs Deadline
Kitang kita ang improvement sa pen game nila Mimack at Deadline sa nakaraan nilang mga laban. Mas lalo nagiging epektibo ang mga linya nila dahil sa kanilang paraan ng pagtugma at agresibong delivery. Hindi pinalad si Mimack nung Gubat 12 pero marami pa rin humanga sa materyal niya kaya garantisadong mas totodo pa siya dito. Galing naman sa panalo si Deadline kaya asahan niyong hindi siya magpepetiks sa Gubat 13. Mukhang dikdikan ng solidong pen game ang mapapanood natin!
Murdz vs Nathan
Parehas galing sa talo pero hindi mapagkakaila ang skills nila sa pagrarap. Malamang gusto nila bumawi kaya malaki ang tsansa na todo A-game sila dito. Lalim at references ang kalakasan ni Murdz habang sa brutal at rektang linya naman epektibo si Nathan. Kaya din nilang bumanat ng jokes at may kumpyansa sila sa pagbigkas ng mga kataga. Kung ito ang unang battle ng gabi at parehas magbibigay ng A-game, magandang simula ng event ‘to!
WATCH: Gubat 12 (Day 1 and Day 2)
500 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 750 naman para sa walk-in. Nasa litrato sa taas ang lahat ng detalye tungkol sa mga pwedeng pagbilhan ng pre-sale tickets. Maaari ka ring mag-PM sa pahina ng FlipTop sa Facebook. Sa mga nakabili na, kita kits nalang tayo sa Abril 20! Walang duda na kaabang abang ang mga mangyayari. Ano ang mga prediksyon niyo sa Gubat 13? Sabihin niyo lang sa comments section.