May ilang hip-hop events nanaman na magaganap ngayong linggo. Wala kang lakad? Tara na dito!
Malapit na mag-weekend! May lakad ka na ba? Kung wala pa, kami ang bahala sayo! Ngayong Biyernes at Sabado ay may mga magaganap na solidong hip-hop events sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Pili ka lang ng isa at yayain mo na ang mga tropa. Siguradong mabubusog kayo sa kalidad na tugtugan mula sa ating local artists.
Tatlo ang iyong pagpipilian. Meron sa Rizal, Tondo, at Cebu. Halo-halong stilo ng hip-hop ang naghihintay sayo dito. Masaya namang makinig sa bahay lang pero kakaibang experience pa rin talaga yung napapanood mo silang magtanghal nang harapan. Hindi na namin patatagalin pa. Eto na…
OWFUCK – Di Na Tama Music Video Launch (Tondo)
Bukas ng alas kwatro ng hapon sa Tondo ay ilalabas ang opisyal na music video ng kantang “Di Na Tama” ng OWFUCK. Maliban sa MV, mapapanood niyo rin magtanghal ang grupo pati ilan sa mga malulupit na artists ngayon gaya nila JRLDM, Meek & Chill (Mhot at K-Ram), Hellmary, Ryke, at marami pang iba. Ito ay magaganap sa No Future Foundation at libre lang ang entrance. San ka pa?
Batas x DJ Arthug (Cebu)
Bibista si Batas at DJ Arthug sa Cebu sa ika-6 ng Agosto. Ang event na ito ay inihahandog ng Rapollo pati ng Alpha Kappa Rho. Parte ito ng ika-49 na anibersaryo ng kapatiran. Garantisadong bibilib ka sa matatalim na kataga ni Batas at mahuhusay na pag-scratch ni DJ Arthug. Maliban sa kanilang dalawa, tutugtog din sila Winston Lee, Dave Dela Cruz, CJ Fly, Villa Doggs, DJ Dyha, at iba pa. Meron pang limang battle na magaganap kaya huwag ka na magdalawang-isip pa! Sa Il Corso sa South Coastal Road ang venue.
Rihipmo 5 (Rizal)
Patuloy na pinapakita ng Rizal kung gaano kalakas ang hip-hop sa kanila. Sa Agosto 6 ay gaganapin ang ikalimang kabanata ng Rihipmo (Rizal Hip-hop Movement). Ito ay ang pagtitipon-tipon ng mga matitinding solo emcee at grupo sa lugar. Panoorin at mamangha sa 26 na performers sa gabing ‘to. Eto ang ilan sa mga mapapanood mo: No Mannas, Manda Baliw, Oxsmugg, Riding in Thundem, Tres Diablos, Homeryoh, at napaka dami pang iba. Ang venue ay sa BTONE Music Café sa Baras, Rizal. 100 ang halaga ng pre-sale habang 150 naman ang walk-in. Puntahan ang pahinga ng Rihipmo sa Facebook para sa impormasyon tungkol sa pre-sale.
Malaki ang tsansa na may mga nakalimutan kaming banggitin kaya pakilagay nalang sa comments section. Kung may napili ka nang pupuntahan, kita kits at sama-sama nating I-enjoy ang hip-hop na sariling atin. Syempre, abangan niyo rin ang mga susunod pang okasyon. Garantisadong marami pang parating bago matapos ang taon!