Music Reviews

OwFuck – Wasak feat. Sica and Tus Brothers (Song And Music Video Review)

May bagong kanta at OwFuck at kasama pa nila si Sica at Tus Brothers! Eto ang rebyu naming ng “Wasak”.

Ned Castro
August 16, 2024


Muling nagbabalik sila Astro, Lexus, at Paul Cassimir, o kilala din bilang grupong OwFuck. Sa bago nilang awitin, niyaya nila ang kanilang mga tropa sa eksena na sila Sica at Tus Brothers. Ginanap yung launch nung ika-8 ng Agosto 2024 habang yung  kanta ay opisyal na nilabas kinabukasan sa ilalim ng Music Colony Records. Ngayon ay meron na ‘tong 97,595 views sa YouTube. Dapat bang madagdagan pa ‘to? Eto ang rebyu ng kanta at music video ng “Wasak”.

Kanta:
Kung usapang lirisismo, masasabi namin na siksik yung letrahan ng bawat emcee. Hindi sobrang teknikal pero nananatili yung pagiging mapanlikha nila sa tugmaan at references. Tiyak na marami linya ang tatatak at dahil iba-iba ang stilo nila ay hindi ka mauumay sa mga bara. Simple lang yung tema nito: pagpapamalas ng kanya-kanyang lirisismo at tamang flex ng kanilang tagumpay sa eksena. Gaya ng sabi namin sa isang pangungusap, may personalidad ang bawat berso at hindi sila naging magkatunog. Walang duda na nakatulong din dito yung pag-balanse nila ng delivery. Swabe bumitaw ang OwFuck at si Sica habang mas agresibo naman ang banat ng Tus Brothers. Nakakatuwang pakinggan yung ganitong palitan dahil bumagay talaga sa tono ng kanta. Kailangan din banggitin yung matinding koro sa huli. Matutuwa dito yung mga tagahanga ng mga posse track nung 90s kung saan sabay-sabay ang mga rapper sa koro. Napaka catchy pa ng mga linya kaya pagkatapos ng unang kinig ay mapapasabay ka din sigurado yan.

Si Gaspari777 ang gumawa ng beat ng “Wasak”. Madilim na boom bap yung atake niya dito. Maeenganyo ka agad sa unang pagtugtog ng synth at sa unang palo palang ng drums ay mapapa tango ka na agad. Mabagal ang tempo ng instrumental at mas dumagdag ito sa angas ng musika. Hindi ito pang slamman pero swak na swak ‘to sa pagtaas ng kamao sabay-sabay ng crowd live. Napatunayan din ng mga emcees dito na hindi lang sila pang trap. Kayang kaya din nilang magpakitang-gilas sa boom bap.

Music video:
Sa direksyon ni BJ Tangco ang music video nito. Simple lang din ang diskarte dito: makikita natin yung mga artist na nagrarap sa isang abandonadong planta kasama ang mga tropa. May ilang camoes nga pala dito kaya abangan niyo sila! Kuhang kuha yung magaspang na beat at liriko ng buong kanta at nakakamangha yung ginawang color grading. Gaya ng instrumental, madilim yung stilo ng MV pero litaw na litaw yung angas.

Konklusyon:
Nandun pa rin yung kakaiba at mapaglarong tugmaan ng OwFuck pati ng Tus Brothers at ni Sica at mas naging epektibo pa ang mga ‘to dahil sa nakakapangilabot na produksyon ni Gaspari777. Ang lupit pa ng paghalo ng tradisyonal at modernong hip-hop sa kabuuang tunog. Saludo din kay BJ Tangco at sa buong production team para sa napaka astig na MV. Mukhang may bago nanamang hit ang Pinoy hip-hop. Kung hindi mo pa naririnig at napapanood, available na ‘to sa lahat ng streaming sites. Oo, dapat lang na umabot agad ng milyon ang views ito dahil ganun siya katindi. Sa madaling salita, wasak ang kompetisyon sa awiting ito.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT