Track-by-track review ng Kabihasnan EP ni Crispy Fetus. Ito ay nilabas nung ikalawa ng Agosto 2018.
Nababalot ng misteryo ang pagkatao ni Crispy Fetus. Ang alam lang ng mga nasa eksena ay siya’y taga Batangas, laging nakamaskara pag nasa entablado, kabilang sa grupong “Namkha”, at may walang kompromisong lirisismo. Nung ikalawang araw ng Agosto, naglabas siya ng kanyang solo EP. Merong tong apat na kanta at isang skit, at kung cover lang ang pagbabasihan, mukhang malagim ang tunog nito. Ito ang track-by-track review ng proyektong pinamagataang “Kabihasnan”.
1. Welcome Mabuhay
Maikling intro tungkol sa isang girl scout na nag-aalok ng mga biskwet sa grupo ng mga barubal. Pagkatapos makarinig ng samu’t saring mga mura, natakot ang batang babae at pinili nalang na umalis. Nag tagumpay ang intro na ‘to sa pag hatid ng simpleng mensahe: hindi kayo makakarinig ng mga matatamis na salita sa buong EP.
2. Teroristang Kapre
Unang kanta palang ay malalaman mo na kakaiba talaga si Crispy Fetus. Nag-rap siya mula sa perspektibo ng isang galit na kapre gamit ang madilim na Trap beat. Horrorcore man ang konsepto, ginamitan din niya ‘to ng konting komedya. Mapapatawa ka sa mga linyang tulad ng
“isa-isa kayong makakatay sakin at mamamatay, damay-damay tatay, nanay, tiyahin mong mukhang inday!”
at
“Si Bantay na kamukha mo ipapakain sa mga tambay!”
Bago matapos ang isang buong berso, binantaan din ng kapre ang mga bulaan sa musika at relihiyon. Siguradong may mga tatamaan dito, lalo na yung mga ubod ng sensitibo. Malalaman mo sa awiting ‘to na wala talagang pakialam si Cripsy Fetus sa mga patok na trend ngayon. Gagawin niya ang gusto niya kahit mabansagan pa siyang baliw o bastos.
3. Watch List
Patuloy ang madugong pag-buga ni Crispy Fetus sa ikalawang track na nag-ngangalang “Watch List”. Kung taga hanga ka ng mga grupong tulad ng Wu-Tang Clan at Mobb Deep, garantisadong matritripan mo ang boom bap na tunog nito. Tungkol sa isang marahas na kriminal ang kanta, at idinetalye niya ni Crispy Fetus ang mga nagawa niyang kasamaan gaya ng pag-patay at pag-nakaw.
Maaaring panama ‘to sa maling pamamalakad ng gobyerno dahil kahit ilang beses nang nag-hasik ng lagim ang kriminal, nananatili pa rin siyang malaya. Mapapisip ka sa bawat linya, patunay na magaling talaga ang pagkasulat.
4. Parokyano Ni Edmond
Ang “Parokyano Ni Edmond” ay tungkol sa isang grupo na sabay-sabay nagbabato. Sa sobrang husay ng pag lalarawan ni Crispy Fetus ng eksena, parang nandun ka mismo at nakikita ang bawat pangyayari. Natapos ang kanta na sabog at baliw na ang lahat, kaya posibleng babala rin ‘to sa negatibong epekto ng bawal na gamot. Simple lang ang beat, may malakas na drums at sample ng acoustic na gitara, pero bumagay pa rin ‘to sa tema ng track.
5. High Value Target
Swabeng boom bap ang tunog, pero brutal ang bagsakan sa huling kanta ng EP. Winasak ni Crispy Fetus ang mga bano sa larangan at gaya ng “Teroristang Kapre”, may bahid ng katatawanan din ang stilo niya. Hindi man ganun kakomplikado ang mga linya, magugulat ka pa rin sa mga rektang atake at agresibong delivery.
Isa pang nagpaganda sa awiting ‘to ay yung koro kung saan binigay ng emcee ang buod ng awitin gamit ang pasigaw niyang boses. Kung matagal ka nang nakikinig ng Pinoy rap, maaalala mo dito ang mga obra ng Ghetto Doggs, Death Threat, at iba pang mga bigatin na hardcore emcees. Pinakita ni Crispy Fetus dito ang husay niya sa mala-battle rap na tema.
Konklusyon:
Hindi para sa lahat ang EP na ‘to. Kung nasanay ka sa mga kantang positibo o pang hugot, baka hindi mo ‘to makayanan. Pwedeng sabihin na ang mga sikat ay nagrerepesenta ng langit habang si Crispy Fetus naman ay mula sa impyerno. Galit siya mula umpisa hanggang wakas, at walang preno ang kanyang mga masasakit na salita. Ito ay para lang sa mga may bukas na isipan sa sining. Ang natatanging problema lang nito ay yung oras ng mga kanta. Dahil maikli lang bawat isa, nag-tunog “kulang” ang proyekto.
Mapapakinggan niyo ang “Kabihasnan” nang buo sa Spotify. Nasa Bandcamp din ‘to at pwede pang i-download nang libre. Uulitin namin, bawal ‘to sa mga balat sibuyas, pero matutuwa ka kung sawa ka na sa mga tipikal na naririnig sa hip-hop ngayon. Saludo kay Crispy Fetus sa tapang niyang gumawa ng ganitong klaseng musika.