General

Baguhan vs. Datihan

Isa ka bang old schooler na may hinaing sa mga baguhan o vice versa? Para sayo ang piyesa na ‘to. Oras na para matigil ang ganitong klaseng hidwaan.

Ned Castro
November 11, 2021


   Malamang ay nakarinig o nakabasa ka na ng mga hirit mula sa ilang mga matagal na sa larangan tungkol sa mga nagsisimula palang. Kadalasan nilang binabanggit na kulang pa sa kaalaman ang mga bata o kaya naman ay hindi na tulad ng dati ang Pinoy hip-hop. Ang natatanging solusyon para sa kanila ay ibalik ang nakaraan. Syempre, hindi rin magpapatalo ang bagong henerasyon. Sasabihin nila na kaya nag-rereklamo ang mga beterano dahil naiinggit sila. Meron ding bumabanat ng “matanda na kayo! Nailipasan na kayo ng panahon!” Lagi itong nauuwi sa mahabang diskusyon, at mas lalo lang gumugulo pag may mga sumasapaw. 

   Ang tanong, nakakatulong nga ba ang ganitong klaseng hidwaan sa pag-angat ng kultura? Sasabihin ng iba na dahil ‘to sa “competitive nature” ng hip-hop, pero hindi ba pwedeng makipag kumpitensya nang walang siraan o hilaan pababa? Hindi ba pwedeng manatiling maayos ang pakikipag debate? Hihintayin pa ba natin na humantong pa ‘to sa pisikalan? Huwag naman sana! Kung tutuusin, napakadali lang itigil o bawasan ang gulong ito. Ang tanging kailangan lang ay bukas na pag-iisip. Kaya bago kayo mag-reklamo ulit, isatabi niyo muna ang pride at basahin ito…

   Para sa mga tito at tita sa eksena, huwag niyong kakalimutan na kayo’y naging baguhan din. Sumablay rin kayo dati, at may oras na hindi niyo pa alam kung saang direksyon kayo pupunta. Ganyan din ang pinag-dadaanan ng mga bata ngayon. Imbis na sermonan niyo sila tungkol sa galawan niyo dati, ba’t hindi nalang kayo mag-silbing gabay? Ituro niyo sa kanila ang wastong paraan ng pag-likha ng sining. Sabihin niyo sa kanila ang mga naging pagkakamali niyo upang hindi na ‘to maulit pa. Siguradong meron ding mga bagong artist diyan na magugustuhan niyo agad. Kailangan niyo lang mag-hanap at huwag makulong sa nakasanayan na.

   Dun naman sa mga bago sa laro, alamin niyo ang mga naranasan ng mga nauna sa inyo. Karamihan sa kanila ay naging parte ng hip-hop nung hindi pa ‘to masyadong tanggap sa bansa. Inulan man sila ng pang-lalait noon, tinuloy pa rin nila ang pag-sulong nito. Naging malakas ang kultura ngayon dahil literal na pinag-laban nila ‘to. Sila’y napaaway, nabigo, at nasaktan nang ilang beses para lang may soundtrip pa rin tayo. Tandaan niyo rin na sila ang nag-impluwensya sa mga iniidolo niyo. Pakinggan niyo ang mga old school na kanta at garantisadong malalaman niyo kung sino ang mga artist na binigyan nito ng inspirasyon. Malay niyo baka magustuhan niyo rin pala.

   Dapat ay matuwa tayong lahat dahil mapa bago o luma, marami pa rin ang aktibo. Kung hindi man tayo magkakaisa sa mga pananaw, mas mabuti nang nagkakaintindihan pa rin. Huwag na tayo mag-talo pa kung ano ang mas malupit na henerasyon dahil hindi naman diyan nasusukat ang galing. Ang tunay na kalaban ay yung mga bwitre at mga wack na nag-tatangkang sakupin ang eksena. Ipakita natin sa kanila na wala silang lugar dito sa pamamagitan ng pag-labas ng matitinding proyekto. Salamat sa oras niyo at sana ay nakatulong kahit papaano ang simpleng piyesa na ‘to. Mabuhay ang local hip-hop!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT