Halina’t ipagdiwang natin ang buhay ng FlipTop emcee na si LilJohn. Ito ang 6 sa pinaka makasaysayang laban niya.
Nag simula si LilJohn sa Dongalo Wreckords at bago pa magka FlipTop ay battle emcee na siya. Gaya ng ibang mga beterano sa larangan, freestyle ang nakasanayan niyang istilo sa pakikipaglaban. Sumali siya sa Process of Illumination (FlipTop tryouts) nung 2014 sa B-side. Sa sobrang lupit ng duelo nila ni M Zhayt sa finals, ginawa nalang kampeon silang dalawa. Patuloy niyang pinakita ang dedikasyon niya sa pagrarap nung sumali ulit siya sa tryouts nung 2016 sa Cebu. Trip-trip lang yung pag pasok niya dun pero siya pa yung umuwing kampeon.
Kahit parte na siya ng liga na gumagamit ng modernong format ng battle rap, hindi pa rin iniwanan ni LilJohn ang sining ng freestyle. Bumabanat siya ng mga sulat sa laban pero sinisigurado niya na may maririnig pa ring mga on the spot na bara ang mga tao. Isa siya sa mga emcee sa liga na kayang i-rebutt ang halos kalahating round ng katapat niya. Kadalasan ay mas nagiging solido pa yung rebuttal niya kaysa sa orihinal na linya. Napaka hirap gawin nun. Walang makakatanggi na naging mas makulay ang liga dahil sa kanya, kaya nung lumabas yung balita na pumanaw na siya, lubos na nagulat ang mga taga hanga at kapwa rapper.
Dahil masiyahing tao siya, siguradong ayaw niyang manatili tayong malungkot. Kaya ngayon, balikan nalang natin ang 6 sa pinaka makasaysayang performance niya sa FlipTop. Talo man siya sa ilang mga battle dito, nagawa pa rin niya ang pangunahing hangarin niya at yun ay mapasaya tayong lahat. Kung hindi kayo sang ayon sa mga nakalista, pwede niyong bahagi ang sarili niyong listahan sa comment section.
6. LilJohn vs. Zeus
Kahit sa “bars” tumutok ang kalaban niya, hindi pa rin ‘to sapat para siya’y matalo. Simple lang ang jokes ni LilJohn dito, pero dahil angkop ang mga ‘to sa panlasa ng Pinoy, pumatok halos lahat ng kanyang punchlines. Sinong hindi hahalakhak sa makasaysayang “chop suey reference” niya? Namangha (at natawa) rin ang lahat sa mga linyang kanyang binalik. Ito ang dapat panoorin ng mga baguhang battle emcee na nais matutunan ang wastong paggamit ng rebuttal.
5. LilJohn vs. Tweng
Pinatunayan ni LilJohn dito na dalubhasa rin siya pagdating sa satirikal na komedya. Inasahan ng lahat na gagamitin niyang anggulo ang kakaibang istilo ni Tweng pero hindi sa ganitong paraan. Ginawa niyang katatawanan ang pag gamit ng props pati ang pag banat ng mga wordplay. Dahil din sa kumpyansa ni LilJohn sa entablado kaya naging nakakakumbinsi ang bawat linya niya.
4. LilJohn vs. Hearty
Sa kabastusan man umikot ang mga berso niya sa labang ‘to, unpredictable pa rin si LilJohn dahil sa kanyang creativity. Ginamitan niya ng mga panibagong atake ang mga anggulo na nagamit na sa kalaban niya. Ilang beses din siyang nag singit ng malulupit na freestyle sa mga sulat niya. Bagama’t marami na ang gumawa nun, siya lang ang iilan sa mga nanatiling epektibo.
3. LilJohn vs. Nikki
Isang classic na comedy battle na ginanap nung ikatlong Pakusganay event. Maliban sa kakaibang humor niya, muling pinamalas ni LilJohn dito ang kanyang talento sa pag halo ng sulat at impromptu na mga rima. Sobrang unexpected din yung Ingles na rebuttal niya sa ikatlong round! Yan yung tipong basic man pakinggan ay nadala pa rin ni LilJohn dahil sa pag bigkas niya. Good vibes ang binigay ng laban na ‘to mula simula hanggang katapusan.
2. LilJohn vs. EJ Power
Ito yung laban na sa sobrang tindi ay hindi na mahalaga kung sino ang nag wagi. Grabe ang performance ni EJ Power, pero walang duda na binigay rin ni LllJohn ang A-game niya dito. Balanse ang kanyang pagpapakita ng rap skills at pag gamit ng mga gimmick. Kahit nabanggit yung isyu niya tungkol sa isang litrato na kumalat, hindi pa rin siya nagpabaya. Ginawa pa niya itong katatawanan kaya mas napabilib pa ang lahat ng mga nasa crowd. Syempre, classic din yung ginawa niyang “pagpapagamot” sa round 3!
1. LilJohn vs. Lanzeta
Dito pinakita ni LilJohn na wala siyang pakialam kahit malaki ang pagkakaiba ng istilo niya sa kalaban. Kahit “teknikal” o malalim ang katapat niya, pinili pa rin niyang maging kwela sa pinaka creative na paraan. Si LilJohn ang underdog dito, pero nung nag simula na siyang bumanat, nag bago agad ang pananaw ng mga manonood. Rekta ang kanyang mga anggulo at pumatok ang bawat joke niya. Naging mas epektibo rin ang punchlines niya dahil sa kanyang agresibo na delivery. Ramdam na ramdam mo sa pag bitaw niya na hindi siya basta-bastang magpapatalo.
Rest in paradise, LilJohn! Gusto naming magpasalamat sayo sa lahat ng naiambag mo sa FlipTop pati sa buong kultura ng Hiphop. Ikaw ang nagpatunay na may ibabatbat pa rin ang mga purong freestyler sa modernong format ng pag-battle. Literal na milyon-milyong katao ang binigyan mo ng kasiyahan kahit sa maikling panahon lang. Sabi mo nung Aspakan 4 na ang habol mo’y talent fee. Oo, nakuha mo yan, pero kasama rin dun ang legacy. Mananatili kang buhay sa puso namin! Nakikiramay din nga pala kami sa 3GS pati sa buong pamilya niya.