Pang lima na! Eto ang kahulugan ng ilang mga terminong madalas mong marinig sa FlipTop at/o battle rap.
Maglalabing-apat na taon na ang FlipTop kaya natural lang na samu’t saring mga salita ang mauuso dito. Ito ang pagpapatuloy ng aming pagpapaliwanag sa mga terminong madalas nating marinig sa liga. Maaaring ito’y galling sa laban mismo o kaya naman sa judging o sa usapan ng fans. Pang-limang kabanata na ‘to at kung unang beses mo palang ‘to mababasa, eto ang una, pangalawa, pangatlo, at pang-apat. Wag na natin pahabain pa. Mag-simula na tayo…
Slant rhyme
Ito yung sadyang pag-iba ng pagbigkas ng mga salita para tumugma. Kung hindi ka pamilyar sa battle rap ay baka malabuan ka sa ganung stilo pero dito pumapasok ang sining ng delivery. May ilang emcees na naperpekto ang paggamit ng slant rhyme dahil sa swak na timing at epektibong pag-deliver nila ng linya. Syempre, kailangan din na creative ang pag-akda nito.
Slept on
Kunyari may isang emcee na kahit sobrang lupit yung pinakita sa laban ay hindi gaanong nasakyan ng crowd. Slept on ang tawag sa rapper na ‘to. Maaaring hindi agad nakuha ng mga manonood yung punto o konsepto ng mga linya o mas nanaig talaga yung stilo ng kalaban. Karamihan sa mga naging slept on live ay mas naunawaan sa nung inupload na sa YouTube.
Mainstream at underground
Malamang narinig mo na ‘to hindi lang sa battle kundi pati sa musika. Pag sinabing mainstream ang isang artist, nasa ilalim siya ng malaking kumpanya. Dahil dito ay mas madaling pumutok ang pangalan at mas maraming mga koneksyon sa iba’t ibang larangan. Sa underground naman, sariling sikap at diskarte ang galawan. Masasabing mas malaya dito dahil ikaw o kayo ang nagsisilbing boss.
One-sided
Kapag may laban na sobrang lupit ng mga binitawan ng isang emcee habang yung kalaban niya ay mahina o kaya naman nag-choke, yun ang masasabing one-sided na battle. Parehas lang ‘to sa tinatawag na “bodybag”. Kailanman ay hindi nakabawi ang katunggali o kung sakaling may magandang linya ay nawalan agad ng epekto dahil sa matinding rebuttal. Nagagamit din ang terminong ‘to sa anumang uri ng kompetisyon.
Style mocking
Kasalukuyan lang ‘to talagang nauso pero matagal na din ‘tong ginagawa sa battle rap. Simple lang naman ang depinisyon nito: ito yung pag-expose ng mga kahinaan ng stilo ng kalaban sa pinaka creative na paraan. Pabiro man o seryoso, ang importante sa style mocking ay yung resulta. Dapat pagkatapos ng rounds mo ay wala nang talab yung stilong gagamitin ng kalaban.
Upset
Upset ang isang laban pag may bigatin o fan favorite na tinalo ng hindi gaanong kilala o kaya baguhan. Ilang beses na ‘to nangyari sa liga at siguradong mangyayari pa ‘to ulit. Siguro ay minaliit lang nung fan favorite yung kalaban o malakas lang talaga yung pinakita nung underdog. Ano ang pinaka matinding upset para sa inyo? Sabihin niyo lang sa comments section.
Malamang ay marami pa kaming hindi nasama dito kaya abangan niyo nalang yung part 6. Ipakita niyo rin ‘to sa mga kilala niyong bagong fans para mas lumawak pa ang kaalaman nila sa FlipTop pati sa buong battle rap. Para naman sa susunod na evenst, abang-abang nalang tayo ng announcement sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook. Abangan din syempre ang mga susunod na upload mula sa nakaraang Gubat at Bwelta Balentong. FlipTop, mag-ingay!