Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Ahon 15 (Day 2)

Malapit na ang Ahon 15! Ating I-rebyu ang malupit na lineup ng day 2.

Anonymous Staff
December 12, 2024


Ilang araw nalang at Ahon 15 na. Sa mga hindi pa nakakaalam, ang Ahon ay ang isa sa pinakamalaking FlipTop event ng taon. Maraming mga classic battles ang nangyari dito at simula nung 2014 ay dito ginaganap ang finals ng mga torneo. Disyembre 20-21 ang petsa ng ikalabing-limang kabanata at gaganapin ito sa The Tent at Villar City sa C5 Extension Road. Napagusapan na natin ang lineup ng day 1 kaya ngayon ay I-rebyu naman natin ang mga laban sa day 2.

May walong battles tayong masasaksihan at dalawa dito ay para sa 2024 Isabuhay at Dos Por Dos2 Finals. Syempre, kaabang-abang din ang non-tournament matchups. Halos lahat ng hinahangaang stilo ng battle rap ay marerepresenta dito kaya tiyak na napaka tindi ng programang ‘to. Huwag na natin pahabain pa. Umpisahan na natin!

GL vs Vitrum
Ito na ata ang pinaka unpredictable na finals sa kasaysayan ng Isabuhay Tournament. Parehas malakas sa kani-kanilang stilo at parehas nagpapakita ng bago tuwing lumalaban. Pwedeng lamang nang konti si GL sa teknikalan at rhyme schemes habang sa gaspangan at komedya naman nananaig si Vitrum. Halos pantay naman sila pagdating sa pagbuo ng anggulo pati sa presensya sa entablado. Sobrang nakakaexcite makita ang gagawin nila.

Sa palagay namin ay magiging bakbakan ito at dikit ang resulta. Asahan na rin natin na marami ulit mga bagong konsepto o “meta” na mabubuo dito. Sila yung emcees na kapag naghanda ay garantisadong classic ang laban. Ito ang perpektong pagtatapos ng napakalupit na Isabuhay. Goodluck sa mga hurado at congrats agad sa dalawang emcee. 

M Zhayt vs Tipsy D
Marami ang nagaabang nito at tama lang na sa Ahon 15 ito magaganap dahil sa kalidad ng mga kasali. Isa ito sa dalawang laban ni M Zhayt sa day 2 at pangalawa naman ni Tipsy sa buong Ahon 15. Kung teknikal na pen game ay halos patas lang sila. Parehas batikan sa wordplays, metaphors, at sunod-sunod na punchlines at hindi rin mapagkakaila na sobrang epektibo ng enerhiya nila sa pagtanghal.

Kung parehas A-game (at tingin namin na ganyan ang mangyayari), asahan niyong magiging kandidatio ‘to para sa battle of the year. Natalo si M Zhayt sa Bwelta Balentong 11 kaya malamang ay gugustuhin niyang makabawi dito. Grabe naman ang 2024 ni Tipsy at siguradong gusto niyang tapusin ito na may dalawang panalo sa Ahon.

Frooz vs M Zhayt
Ito naman yung isa pang battle ni M Zhayt sa day 2 at pangalawa ni Frooz pagkatapos ng day 1 laban kay Tipsy D. Dahil parehas well-rounded na emcee, pwede tong maging purong lirikalan o kaya naman halong brutalan at katatawanan. Makakaasa din tayo ng mga creative na anggulo at posibleng mga patok na rebuttal.

Siguro llamado nang konti si Frooz sa tugmaan tapos sa agresyon naman mas lamang si M Zhayt. Tingin namin ay pantay sila sa sulatan. Mukhang magiging enjoy na laban ‘to at may mga maririnig din tayong kakaiba.

Hazky vs Batang Rebelde
Bagama’t parehas nakilala sa kanilang bentang komedya, hindi mapagkakaila na lalong lumakas sila Hazky at Batang Rebelde sa teknikalan at brutalan. Magpupurong lirisismo kaya sila sa Ahon 15 o magpapamalas ng balanseng sulatan? Sa 21 na natin yan malalaman. Ang garantisado lang dito ay magiging entertaing na matchup ‘to.

Galing silang dalawa sa talo (si BR sa Gubat 14 tapos si Hazky sa Bwelta Balentong 11 kaya asahan natin na totodohin nila dito. Tiyak maraming mga linya na tatatak at magiging viral sa social media. Pagdating naman sa kumpyansa, parehas silang laging dala ito.

Caspher/Hespero vs Atoms/Cygnus
Ito ay para sa finals ng Dos Por Dos2! Malapit na iupload yung semis kaya abangan niyo yun. Grabe yung pinakita nila Atoms at Cygnus sa torneo na ‘to. Nagsimula sila bilang underdog pero ngayon ay lehitimong banta na sila. Syempre, huwag na huwag nilang mamaliitin sila Caspher at Hespero. Ibang klase rin yung pinakita ng pares na ‘to at siguradong mas lalakasan pa nila sa finals.

Kung chemistry, litaw na litaw ito sa dalawang pares. Nakakamangha sila panoorin at pakinggan, tila katumbas na isang konsyerto. Pantay din sila pagdating sa komedya, teknikalan, tugmaan at paglikha ng mga anggulo. Tiyak na preparado sila sa Ahon kaya humanda sa dikdikan na Dos Por Dos battle!

Jonas vs Zend Luke
Hindi makukumpleto ang isang FlipTop event kung walang style clash. Kitang kita talaga yung pagkakaiba nila dito. Si Jonas ay bihasa sa patok na komedya habang si Zend Luke naman ay armado ng solidong leftfield na lirisismo. Magkaiba rin ang kanilang paraan ng pagtanghal pero parehas sobrang epektibo. Ito yung laban na ang mananalo ay yung mas handa at mas may maipapakitang bago. Sobrang unpredictable nito.

Poison 13 vs Goriong Talas
Matindi ‘to! Ito ay duelo ng dalawang kilala sa kalidad na lirisismo at matinding agresyon. Ganunpaman, kayang kaya din nilang sumabay pagdating sa komedya. Maaaring makakita tayo ng brutal na laban o kaya digmaan ng well-rounded na mga berso. Baka magpamalas din sila ng mga kakaibang tugmaan at flow. Anuman ang piliin nilang atake, kapag parehas silang handa, siguradong bakbakan ang masasaksihan natin. 

Harlem vs Katana
Parehas creative sa sulatan at parehas may malakas na charisma sa entablado. Malupit na laban ‘to ng beterano at up-and-comer! Nananatiling solido ang multis at wordplays ni Harlem at patuloy siyang nagpapamalas ng kakaibang mga anggulo. Si Katana naman ay nakilala agad sa kanyang unorthodox na komedya pero nung Bwelta Balentong 11 ay bumanat din siya ng ilang mga matatalim na kataga. Humanda sa bakbakan na opener (kung ito nga ang unang laban ng day 2).

READ ALSO: Ahon 4: What Went Down

Para sa VIP pre-sale tickets, 1250 pesos ang isang araw at 2200 ang dalawa. Sa Gen Ad pre-sale naman, 850 pesos ang isang araw at 1500 para sa dalawa. Kapag walk-in, 1500 pesos ang Gen Ad habang 2000 ang VIP. Mag-PM lang sa pahina ng FlipTop sa FB kung gusto mong bumili ng pre-sale. Pwede ka rin bumili sa mga sumusunod: KRWN., BranDead, Black Manila, Meek and Chill Clothing Shop, ULAP ClothingHIGH MINDS, at Bad Crib Clothing. Bumili ka na ngayon palang dahil siguradong mauubos agad yan. Sa mga meron na, magkita nalang tayo sa Disyembre 20 at 21. Ahon, mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT