Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Zoning 15

May FlipTop event ulit! Talakayin natin ang lineup ng Zoning 15 na gaganapin sa ikalima ng Nobyembre 2022.

Anonymous Staff
October 25, 2022


   Ito yung tinatawag ni Anygma na “calm before the storm” na Ahon. Sa Nobyembre 5 ay masasaksihan natin ang ikalabing-limang kabanata ng Zoning. Tiu Theater ulit ang venue ng paligsahan at may pitong laban na magaganap. Walang tournament battle, pero hindi pa rin dapat tulugan ang mga duelo dito. May ilang linggo pa bago ng event kaya habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin ang lineup. 

Lhipkram vs J-King

   Siguradong mababanggit ang nakaraang mga isyu ni Lhipkram kaya dapat ay paghandaan niya ‘to. Ito rin ang pagkakataon niyang mabigyan linaw ang mga pangyayari. Preparado siya sa mga nakaraan niyang digmaan lalo na nung 2020 Isabuhay Finals. Kung kaya niyang daigin ang huling performance niya, pwede niyang makuha dito ang panalo.

   Nagbalik sa entablado si J-King nung Zoning 14. Talo man siya nun, litaw pa rin ang kanyang kumpyansa sa pagtanghal. Malamang ay mas gagalingan pa niya sa Nobyembre 5. Makakaasa tayo ng mga creative na anggulo pati mga masasakit na punchlines. 3GS vs 3GS nga pala ‘to, pero alam naman natin na walang grupo-grupo sa kanila pagdating sa 1-on-1.

J-Blaque vs Marshall Bonifacio

   Muli nating mapapanood ang 2021 Isabuhay Champion na si J-Blaque. Hindi niya nabigay ang isang daang porsyento niya nung Gubat 10 kaya siguradong babawi siya dito. Maaaring sabayan niya sa teknikalan ang kalaban niya habang may pinapakitang bago sa bawat berso. Kailangan din niya ilabas ulit yung agresyon na pinakita niya nung finals.

   Galing sa talo si Marshall Bonifacio dahil sa choke kaya ang hangarin niya ngayon ay bumawi. Kung sulat lang ang paguusapan, isa siya sa pinaka mahusay sa mga wordplay, metapora, at reference. Hindi din maitatanggi na epektibo lagi ang magaspang niyang pag-bitaw. Kailangan lang talaga niyang magiging consistent. Pwede tong maging battle of the night kung parehas handa! 

Mastafeat vs Plaridhel

   Syempre, hindi mawawala ang matinding style clash! Magtatapat ang komedyante na si Mastafeat at ang malalim na si Plaridhel. Hindi man pinalad si Plaridhel sa huli niyang battle, nakuha naman niya ang respeto ng fans dahil sa kanyang matatalas na rima. Asahan niyo na mas gagalingan pa niya sa Zoning 15. Sakto lang yung pinakita ni Mastafeat nung nakaraan. Kung gagawin pa niyang mas creative at mas epektibo ang mga bara niya sa Nobyembre 5, walang duda na mapapaingay niya ang crowd. Kaabang abang ‘to! 

Batang Rebelde vs Prince Rhyme

   Laban ng dalawa sa pinaka nag improve ngayong taon! Halos parehas lang sila ng atake. Komedya man o purong teknikalan ay kayang kaya nila makipag sabayan. Parehas pa silang galing sa panalo (si Prince Rhyme sa Zoning 14 habang sa Second Sight 10 naman si Batang Rebelde) kaya malamang ay ganado ulit silang makipag rambulan sa entablado. Posibleng maging sobrang dikit ito lalo na kung A-game ang ipapakita nila. 

K-Ram vs Pen Pluma

   Galing sa talo sila K-Ram at Pen Pluma pero ganunpaman, marami pa ring humahanga sa kanilang husay sa pagbattle. Epektibo lagi ang komedya ni K-Ram habang solido naman ang balanseng stilo ni Pen Pluma. Siguradong magiging makasaysayan ito kung ipapakita nila ang kanilang isang daang porsyento. Alam naman natin na malupit sila pag todo nag handa. Maaaring makarinig tayo ng iba’t ibang atake ng lirisismo.

Arma vs Onlison

   Duelo ng dalawang underrated sa lirikalan! Maganda ang pinakita ni Onlison nung Ahon at siguradong hihigitan pa niya ‘to sa Zoning 15. Solido siya sa teknikalan at benta din ang jokes niya. Kung magiging mas agresibo pa siya sa pagbigkas at magpakita pa ng kumpyansa, magiging mas lehitimong banta siya. Nakita natin ang potentsyal ni Arma nung laban niya kay Prince Rhyme. Kailangan lang niya maging mas consistent at magpakita pa ng angas sa entablado. Pagdating sa tugmaan, asahan niyo na matindi ang ipapamalas niya!

   Para sa ikapitong laban, ito ay isang surprise freestyle battle. Hindi rin namin alam kung sino ang kasali. Kailangan niyong pumunta para malaman niyo! 500 nga pala ang halaga ng pre-sale tickets habang 700 naman para sa walk-in. Parehas itong may kasamang dalawang libreng beer. Sulit na sulit! Bisitahin niyo lang ang pahina ng FlipTop sa Facebook para sa karagdagang detalye tungkol sa pre-sale. Muli, huwag tutulugan ang lineup na ‘to! Malay niyo, baka bawat isa pala may magsilbing game changer. Kita kits nalang sa mga pupunta!

 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT