Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Ahon 13 (Day 2)

Ilang araw nalang at Ahon 13 na. Talakayin natin ang bawat battle sa day 2!

Anonymous Staff
December 09, 2022


   Napag usapan na natin ang malupit na lineup ng day 1 ng Ahon 13. Ngayon, tutukan naman natin ang mga bakbakan na mangyayari sa day 2! Dito magaganap ang napaka unpredictable na engkwentro nila Luxuria at Pistolero para sa finals ng Isabuhay Tournament. Maliban diyan, meron pang siyam na duelo na garantisadong magpapaingay sa crowd.

   Tulad ng day 1, iba’t ibang stilo ng battle rap ang masasaksihan natin dito at walang dapat tulugan ni isa. Meron pang mga style clash na tiyak magmamarka sa crowd. Ang venue ng event ay sa FlipTop Warehouse. Eto ang kumpletong address: Asuncion Badminton Center, 288. Maclang St. Cor. St., P. Guevarra St, San Juan. Huwag na natin ‘to patagalin pa! Umpisahan na natin ang rebyu… 

Pistolero vs Luxuria

   Maaaring ito na ang pinaka unpredictable na finals sa kasaysayan ng Isabuhay. Bakit kamo? Tignan mo naman yung performance nila Pistolero at Luxuria sa torneo. Parehas silang tumodo at nagpakita ng matinding improvement hindi lang sa sulat kundi pati sa presensya. Sa finals, asahan niyong dito na nila ibibigay ang lahat. Mahusay sila sa pag balanse ng stilo kaya humanda kayo sa brutalan, tawanan, at teknikalan! Grabe ‘to!

Sinio vs Apekz

   Pagkatapos ng ilang taong paghihintay ay magtatapat na sila. Sa Ahon 13 mangyayari ang isa sa pinaka inaabangan na laban ng lahat: ang bakbakan nila Sinio at Apekz! Ilang beses na sila nagparinigan sa social media at battles at habang papalapit na tayo nang papalapit sa event ay mas nagkakainitan pa. Medyo angat si Sinio pagdating sa komedya at rebuttals habang si Apekz naman ang lamang sa tugmaan at teknikalan. Halos patas lang sila pagdating sa kumpyasa sa entablado. Grabe, ngayon palang, sobrang exciting na!

M Zhayt vs CripLi

   Muling magbabalik ang 2020 Isabuhay Champion na si M Zhayt sa Ahon 13! Syempre, mabigat ang itatapat sa kanya. Grabe ang 2022 ni CripLi! Maliban sa dalawang solidong panalo ay kitang kita ang patuloy na pag angat ng kanyang lirisismo at pag bigkas. Tama lang na sa Ahon 13 ito gaganapin dahil parehas magaling sa paghalo ng katatawanan at teknikalan at laging hindi nagpapabaya sa laban. Posibleng pa nga ito maging show stealer kung tutuusin. Huwag tulugan ‘to! 

J-King vs JDee

   Matindi rin ang 2022 nila J-King at JDee at ngayong maghaharap sila sa Ahon 13, siguradong mas iigihan pa nila. Nananatiling isa sa pinaka mabangis sa delivery si JDee pero hindi rin dapat tulugan ang kanyang flow at creativity sa sulat. Pagdating naman kay J-King, hindi mapagkakaila na nakakamangha ang galing niya sa seryoso at nakakatawang mga rima. Garantisadong dikdikan ‘to at dahil kilala din sila bilang solidong freestyler, malamang ay makakarinig tayo ng mababangis na rebuttal.

Tweng vs Jonas

   Mukhang ito na ata ang pinaka kakaibang matchup sa Ahon 13. Unpredictable din itong Tweng vs Jonas pero siguradong kwela at maraming pakulo ang laban na ‘to. Syempre, asahan na natin ang samu’t saring props ni Tweng, pero gaya ng mga nakaraan niyang duelo, humanda din tayo sa mga nakakagulat na haymakers niya. Kalidad na komedya naman ang tiyak na ipapamalas ni Jonas. Ngayon palang ay nakakatawa nang isipin ang mga maiisip niyang anggulo. Style mocking ang posibleng gawin niya dito. Masaya ‘to!

Harlem vs J-Blaque

   Walang makakatanggi na makasaysayan ang pagbalik ni Harlem sa FlipTop. Simula nung quarantine battles ay sunod-sunod na classic ang ibinihagi niya sa kanyang mga laban. Malupit din ang nakaraang dalawang taon ni J-Blaque. Mas lalo pang lumakas ang kanyang mga sulat at dahil diyan ay naging kampeon siya ng 2021 Isabuhay Tournament. Sa Ahon 13, asahan niyo na totodohin nila, lalo na’t parehas silang galing sa talo. Maaaring makarinig tayo ng jokes, personals, at iba’t ibang tayutay dito!  

Fukuda vs Invictus

   Parehas halimaw sa delivery pero maliban diyan, kilala sila Fukuda at Invictus sa mga linyang brutal at teknikal. Isa pang duelo sa Ahon 13 na may malaking tsansang maging show stealer. Siguradong digmaan ng letra ‘to pero humanda din sa maaaring panibagong atake nila. Lagi silang handa kaya tiyak na mahihirapan ang mga mapipiling hurado. Pang malakasan ‘to! Kung madugong bakbakan ang iyong hanap, hinding hindi ka mabibigo dito.

G-Clown vs JR Zero

   Lirikal ang atake nila G-Clown at JR Zero pero magkaiba sila ng diskarte. Si G-Clown ay malakas sa flow at rektahang mga bara habang si JR Zero ay mabangis sa multis at mga teknikal na linya. Pantay naman sila pagdating sa presensya at delivery kaya mukhang magiging dikit na laban ‘to. Kung sino ang pinaka creative o well-rounded, yun ang magwawagi. Kailangan lang magbigay todo ng dalawang emcee para  ito’y maging instant classic.

Illtimate / Vitrum vs SlockOne / K-Ram

   Oo, merong Dos Por Dos battle sa Ahon 13! Nagsanib-pwersa na sila Illtimate at Vitrum nung 2021 at litaw na litaw yung chemistry nila. Syempre, hindi dapat nila maliitin sila SlockOne at K-Ram. Kita naman sa Surprise Freestyle Battle nung Zoning 15 na kaya din nilang makipag sabayan sa dalawahan. Sa labang to, lamang sila Illtimate at Vitrum kung tekinalan at agresyon ang paguusapan habang sa komedya at paghalo ng written at freestyle naman malakas sila SlockOne at K-Ram. Style clash ito at garantisadong bakbakan!

Sur Henyo vs Kregga vs Batang Rebelde vs LilStrocks vs Bagsik

   Eto ang ikalawang Royal Rumble ng Ahon 13! Gaya ng laban sa day 1, maraming stilo ang irerepresenta dito. Nandiyan ang balanseng pen game nila Sur Henyo at Batang Rebelde, purong lirisismong atake ni Kregga, mabigat na personals ni Bagsik, at garantisadong bentang komedya nila LilStrocks at Zaito. Anuman ang maging resulta nito, tiyak na ma-eentertain ang bawat manonood. Swak na panimula ito kung ito nga talaga ang unang laban. 

   Muli, para sa presale, 600 pesos ang presyo ng General Admission habang 1200 pesos naman ang VIP. Kung gate o walk-in ang nais mo, 800 pesos ang halaga ng General Admission habang 1500 naman para sa VIP. Maaari ka rin bumili ng para sa dalawang araw: 1000 pesos ang General Admission habang 2000 ang VIP. Mag- PM lang sa pahina ng liga sa Facebook kung gusto mong bumili ng pre-sale tickets.

   Alas kwatro ng hapon palang ay magpapapasok na sa venue at magsisimula ang paligsahan alas sais ng gabi. Oh, pano? Magkita nalang tayo sa Ahon 13 at sama-sama tayong  maging parte ng kasaysayan. FlipTop, mag ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT