General

Bakit Exciting ang FlipTop 2025?

Magiging makasaysayan ang taon na ‘to para sa liga. Alamin kung bakit!

Jake Tan
February 06, 2025


Labinlimang taon na ang FlipTop. Grabe noh? Ang dami nitong mga pinagdaanan pero kailanman ay hindi humina o bumagal ang pag-abante. Wala pang paparating na event na inaanunsyo pero ang sigurado ay magiging matindi ang taon na ‘to. Bakit kamo? Yan ang paguusapan natin ngayon. Simulan niyo na agad mag-ipon para sa mga darating na okasyon.

Gaya ng sabi namin sa taas, itong taon ay ang ika-labinlimang anibersaryo ng liga. Dahil diyan, asahan niyo na may mga pinaplano ang FlipTop na garantisadong magiging makasaysayan. Nung ika-sampung anibersaryo ay nagkaroon ng The FlipTop Festival at alam naman natin lahat kung gaano katindi yun. Ano kaya ang magiging pakulo ngayong taon? Abangan nalang natin. Sa mga nakapunta nung Festival, ano-ano ang mga hindi niyo malilimutang pangyayari dun? Kwento niyo lang sa comments section.

Walang duda na yung Isabuhay 2024 ay ang isa sa pinaka malupit sa kasaysayan ng torneo. Sobrang unpredictable mula umpisa hanggang huli at bawat emcee na kasali ay may malaking tsansang mag-kampeon. Syempre, hindi mapagkakaila na yung GL vs Vitrum ay ang pinaka dikdikan na finals. Sa 2025, malamang ay susubukan ng FlipTop na higitan pa yung nakaraang taon. Kaabang-abang yung lineup! 

Ginulat rin tayo ng Dos Por Dos 2024. Kahit walong pares lang, sobrang exciting pa rin yung bawat battle at bakbakan din yung nangyari sa finals. Mga galing Won Minutes yung kasali dito kaya talagang nabigyan na karapat-dapat na atensyon ang bagong henerasyon ng FlipTop. Walang nakakaalam kung babalik ang Dos Por Dos sa 2025 pero sana. Simulan na nating magbigay ng mga prediksyon!

Lumabas naman tayo sa mundo ng battle rap. Kakasimula palang ng 2025 pero ang dami na agad mga bagong proyekto na nilabas ang FlipTop emcees. May mga solidong album, EP, single, at music video, at lahat ng ito ay tumatak agad sa eksena. Patunay lang yan na kahit walang laban ay mahusay talaga ang battle emcees ng liga. Malamang ay napakarami pa tayong maririnig at mapapanood sa mga darating na buwan kaya I-enjoy lang natin ang mga ‘to. Abangan din ang mga gig nila.

Sobrang laki na talaga ng roster ng FlipTop ngayon. Maraming mga bumabalik na “old gods” at dahil sa Won Minutes ay marami tayong mga bagong aabangan. Ngayong taon, asahan niyong mas maglelevel up pa tong mga rapper na ‘to.  Magkakaroon ng bagong meta, may mga laban na mag-iiwan ng marka, at may mga performances na manggugulat sa’ting lahat. Ilan lang yan sa mga pwedeng pwede mangyari sa 2025.  Sino sa tingin mong old god ang babalik at sino sa mga bago ang tingin mong magmamarka? Ipamahagi mo lang sa comments.

Maligayang anibersaryo sa FlipTop Battle League! Salamat sa patuloy na pag-angat ng kalidad hindi lang ng battle rap kundi pati ng hip-hop sa buong Pilipinas. Congrats din dahil palakas pa rin kayo nang palakas makalipas ang labinlimang taon. Kasama rin syempre kayo, ang fans! Dahil sa inyo ay walang sawang nagbibigay ang emcees pati ang buong staff ng mababangis na laban at events. Sana ay malakas pa rin ang inyong sa suporta sa mga susunod na kabanata. Mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT