Bakit nga ba makasaysayan ang United Freestyles V2.0 album ni Arbie Won? Ito ang throwback review ng isang fan.
Kumusta kayong lahat? Kahit nakabalik na ako dito sa abroad, hindi pa rin ako maka move-on sa Ahon 13. Nakakamiss at gaya ng dati, sobrang lupit ng mga laban! Para sa mga hindi naka-attend, abang-abang nalang sa mga videos sa YouTube ng FlipTop.
Ngayon, isang trip down memory lane muna tayo! Ito ay tungkol sa album na para sakin ay talagang tumatak sa kasaysayan ng kultura. Nilabas ito nung taong 2003, isang makabuluhang taon para sa Filipino Hip-Hop. Halika’t balikan natin ang United Freestyles V2.0 ni DJ Arbie Won. Sa mga hindi nakakaalam, siya ay unang nakilala bilang miyembro at producer ng mga grupong Urban Flow at Pamilia Dimagiba.
Simple lang ang konsepto ng United Freestyles: ibat ibang emcees ang magrarap sa mga beat na nilikha ni Arbie Won. Ganunpaman, sa lineup palang ay alam mong mabubusog ka na sa kalidad na tugutugan. Halatang pinag-isipin talaga mabuti ang mga emcee na sasalang at hindi kung sino-sino lang.
Onting trivia muna tayo para sa mga hindi aware, lalo na sa mga FlipTop fans na posibleng ngayon lang nadiskubre ang lokal na eksena: kasama si Loonie sa proyektong ito. Featuring siya sa kanta ni Francis M. na “The Light”. Sa video na inupload ni DJ Arbie Won mismo ay masisilip natin ang proseso ng pag-record nila nito. Bago pa siya maging sikat na battle emcee si Loonie ay seryoso na siya sa pag-susulat.
Isa itong album na tiyak ma-eenjoy ng parehas old at new school. Ramdam na ramdam mo ang inspirasyon at enerhiya mula sa bawat hip-hop artist na naglaan ng berso sa proyektong ito. Hindi ka talaga mababato kung lirisismo ang pag-uusapan. Dahil sobrang diverse ng lineup ng rappers, samu’t saring stilo ng hip-hop ang maririnig mo dito. Kung fan ka ng gospel rap, nandiyan ang The Light. Gusto mo ng lirikalan? Tiyak magugustuhan mo yung Ang Unyon ni Klutch-B, No album, got skills? ni Krazykyle, at iba pa. Para sa mga mahilig sa underground na tunog, hindi kayo mabibigo sa Built 2 Last ng Pamilia Dimagiba at Fruits of Labor ni Caliph at K. Fabros. Mala golden age ng hip-hop naman ang hatid sa inyo ng Taken In nila Ill-J, D-Coy, at 2tay, Right Now! ng Madd Poets, Iwas Pusoy ng BB Clan, at Back When ng Legit Misfitz. Ilan lang yan sa mga kanta sa album na may solidong lirisismo.
Bukod sa mga emcees, isang pagpupugay din ang album na ito sa art ng DJing at beatmaking. Maraming matututunan ang mga aspiring producer o beatmaker sa ipinamalas ni DJ Arbie Won na husay at versatility sa pagproduce, sa sampling, at paghabi ng mga tunog. Swabe niyang binagayan ang istilo at tema ng mga emcee sa kani-kanilang kanta. Tumatak din ang kolaborasyon niya sa kapwa turntablists gaya nila DJ Kimozave, Decypher, Paul, at Guggoo.
Aktibo pa rin si Arbie Won hanggang ngayon at ayon sa mga nakaraang nilabas niya gaya ng Bukas Uulan ng mga Bara kasama si Kemikal Ali ay nananatili pa rin siyang walang kupas! Sana ngayong taon ay makarinig ulit tayo ng bago mula sa kanya. Sa ngayon ay suportahan natin ang record store niya na Treskul. Meron itong branch sa Mandaluyong pati sa Cubao. Puntahan niyo nalang ang Facebook page ng tindahan para sa iba pang detalye.
READ ALSO: Kemikal Ali x Arbie Won - Bukas Uulan ng mga Bara (Album Review)
Ang United Freestyles V2.0 ay isang selebrasyon ng Filipino hip-hop at patunay din kung gaano kalawak ang genre na ‘to. Magkakaiba man, “united” pa rin ang mga artists sa iisang mithiin. Ito’y pwedeng pwede na maging gabay ng kasalukuyang henerasyon upang patuloy at sama-samang ipaglaban ang ating kultura, gaya ng kung anong ginawa ng mga nauna.
Maraming salamat sa pagsama sa’kin sa pagreminisce! Pagkatapos ninyo basahin ‘to, sana’y mas mahikayat pa kayong tuklasin pareho ang mga classic at bagong labas sa hip-hop scene. Malay ninyo, baka may bago kayong maging paborito i-soundtrip. Ang dami diyan!
READ ALSO:
- 8 Underrated Albums From Pinoy Hip-hop Legends
At syempre, kitakits ulit sa susunod na event o gig, sana makapagbakasyon ako ulit sa Pilipinas. Oo, malakas din naman ang eksena sa abroad, pero iba pa rin talaga ang sariling atin. Kayang kaya na natin tumapat sa mga banyaga, sa totoo lang. Mahal ko kayong lahat, yo! Peace out!