Lumabas na yung music video ng kantang Hindi Na ni Pricetagg! Sulit ba? Alamin dito sa aming rebyu.
Hindi man siya bumabattle, nananatili pa ring aktibo si Pricetagg sa larangan ng hip-hop. Nung ikalawa ng Setyembre ay nilabas niya ang music video ng kanta niyang “Hindi Na” mula sa kanyang album na “Barcode 2”. Meron na ‘tong higit 280,000 views sa YouTube at mukhang marami ang humanga ayon sa mga komento. Karapat dapat nga ba ang hype nito? Ito ang aming rebyu!
Ang kanta:
Mas personal ang “Barcode 2” album at damang dama ito sa kantang “Hindi Na”. Sa awiting ito ay tinalakay ni Pricetagg ang mga pinagdaanan niyang pagsubok sa buhay at kung paano nagsilbing gasolina ang mga ‘to sa kanyang paglakbay sa industriya ng musika. Nabanggit din niya dito na balewala ang kaliwa’t kanang batikos dahil mas marami pa rin ang nagmamahal sa kanya at ginagawa niya ito para sa pamilya niya. Hindi ito gaya ng mga linya ni Pricetagg sa battle na puno ng wordplays at mga metapora. Mas pinili niyang gawing simple ang mga rima at tama ang desisyon na ‘to. Ito yung tipong awitin na kailangan klaro at rekta ang mensahe upang makuha ng lahat ng makikinig.
Maliban sa mga berso, walang duda na epektibo rin ang nasulat na koro para dito. Ika nga ng pamagat ay hindi na niya kailangan ng respeto o pagmamahal. Ang mahalaga ay natutupad ang mga pangarap niya pati ng kanyang mga mahal sa buhay. Sapat na ebidensya ito na hindi porket gangsta rap ay puro negatibong imahe nalang ang pinapakita. Kaya din nilang maging mabuting tao at magsilbing inspirasyon sa lahat.
Si Mark Beats ang naglikha ng instrumental at gaya ng mga nauna niyang gawa, siguradong tatatak ‘to sa unang kinig palang. Yung tempo pati paghalo ng drums at piano ay bumagay sa nilalaman ng kanta. Dahil seryoso yung tema, ganun din yung ginawa ni Mark sa beat. Alam talaga niya kung ano ang swak na tunog para sa mga liriko ng isang awitin.
Ang music video:
Mahusay ang konsepto ng music video na dinirek at inedit ni Louie Ong. Nag simula ito sa backstage kung saan binabasa ni Pricetagg ang mga negatibong komento sa kanya. Tinawanan lang niya ang mga ‘to at dumiretso na siya sa entablado para mag tanghal. Nakita natin ang normal niyang mukha pati yung may makeup na hango sa karakter na Joker. Ito ay maaaring simbolo ng musika ni Pricetagg na pinaghalong gangsta / hardcore at personal. Meron ding mga eksena na kasama niya ang mga tropa niya sa kalye na nagtapos sa close-up ng malaking guhit ni OG Kaybee sa pader (rest in peace). Pinapakita dito na hindi nakalimutan ni Pricetagg ang kanyang pinanggalingan.
Nasaksikhan din natin sa music video ang ilan sa mga bagay na nakuha ni Pricetagg dahil sa tagumpay niya sa hip-hop. Siguro ay sasabihin ng iba na materialistic, pero ang nais ihatid ng mga imaheng ‘to ay mag sumikap ka at huwag na huwag susuko. Makukuha mo ang lahat basta maging matatag ka! Ang pinaka huling eksena ng MV ay mula sa isang event kung saan kinakanta ng mga tao ang koro ng “Pahina”. Ang ibig sabihin nito ay pagkatapos ng ilang taong pagsubok ay naabot na ni Pricetagg ang tuktok.
Konklusyon:
Ibang klaseng katapangan ang ipinamahagi ni Pricetagg dito. Hindi siya nahiyang ipakita sa lahat na ilang beses din siyang nakaramdam ng kahinaan. Diyan palang ay karapat dapat nang tangkilikin ang “Hindi Na”. Bihira ang mga gangsta rapper na nagpapakita ng ganitong klaseng emosyon lalo na sa kanta. Sana ay marami pa siyang gawin na ganito at sana maraming mainspira na mga bagong artist. Syempre, saludo din kay Mark Beats sa makabagbag-damdamin na produksyon at kay Louie Ong para sa makasaysayan na music video.