Nilabas na ang bagong album ni KJah. Alamin kung sulit ba ang “Nakasalalay Sa Letra”.
Nung ika-28 ng Hulyo 2023, nilabas ang bagong album ni KJah na pinamagatang “Nakasalalay Sa Letra”. Ito ang kanyang ikapitong solo na proyekto at ikatlo sa ilalim ng Uprising Records. Halos magdadalawang dekada na si KJah sa eksena ngunit nananatili pa rin siyang isa sa pinaka underrated kung ang usapan ay purong lirisismo. Ito na kaya ang LP na mas magpapalawak ng kanyang fanbase o mas mabuti pang makinig nalang ng iba? Alamin dito sa aming rebyu.
Lirisismo:
Walang kupas si KJah pagdating sa pagbuo ng mga konsepto. Sa unang kanta palang na “IED” ay mamamangha ka na sa paglalarawan niya ng galit. Kung ikaw ay nagsisimula pa lamang mag-rap, tiyak na mas gaganahan ka pag narinig mo yung “Hudyat”. Dito ikwinento ni KJah ang mga pagsubok na hinarap niya para ipamalas ang kanyang talento. Lab song ba ang hanap mo? Pwes, magugustuhan mo ang “Distansya”. Magaling ang pagpinta ng hindi inaaming pag-ibig gamit ang makukulay na salita. “3310” ang may pinaka kakaibang tema sa proyektong ‘to. Nag-rap si KJah mula sa pananaw ng isang lumang cellphone. Sa sobrang husay ng pag-akda ay magugulat ka nalang dahil bigla mong mamimiss ang dati mong telepono.
Syempre, hindi mawawala sa isang hip-hop album ang awiting pang wasakan ng bungo. Maririnig mo ito sa “Sankaterba”, “Mangangaso”, at “Pista”. Bagama’t hindi na bago ang ganitong uri ng bagsakan, nagtunog sariwa pa rin dahil sa todo bigay na pagbigkas, nakakabighaning mga flow, at mababangis na metapora. Posibleng mas maraming mabigla sa “Pista” dahil dito unang beses nag purong hardcore si KJah. Mas madilim naman ang naging dating ng kantang “Anak”. Ito ay malagim na kwento tungkol sa isang batang napariwara. Mas nakakakilabot ang storya dahil sa imagery ni KJah pati ang spoken word na piyesa sa dulo.
Masyado bang mabigat sa damdamin ang mga nabanggit na kanta sa taas? Huwag mag-alala! Nandyan din ang “Tahan Na” at “Sawa” para ibalik ang positibong enerhiya. Tinalakay ng “Tahan Na” ang kahalagahan ng simpleng pag-ngiti sa likod ng mga problema. Sa “Sawa”, hinikayat nito ang mga nakikinig na wag ikahiya ang iyong talento at wag matakot maging kakaiba sa kahit anong sining. Dahil sa mga makapangyarihang linya at mabangis na tugmaan kaya naging napaka epektibo ng dalawang kanta.
Maraming guests sa “Nakasalalay Sa Letra”. Nag-ambag ng berso sila Tatz Maven, Konflick, Tala, Crispy Fetus, at Ron Henley habang naglaan naman ng boses para sa mga koro sila Batas, Pino G, Guddhist Gunatita, at Thyro. Meron ding kamot ni DJ Supreme Fist sa isang awitin. Malupit ang pinakita ng bawat guest pero ganunpaman, hindi nabaon ang presensya ni KJah sa album. Imbis na makipag kumpitensya ay pinili nilang magkaisa para mas klaro ang mensaheng hinahatid.
Tunog:
Lahat nga pala ng beats sa album ay nilikha ni Tatz Maven. Tama ang pagpili sa kanya ni KJah bilang producer dahil litaw na litaw ang chemistry nila dito. Sinigurado ni Tatz Maven na akma ang tunog sa emosyon ng bawat kanta. Hindi rin nagkulong ang produksyon sa iisang uri ng tugtugan. Ramdam mo ang old at new school na impluwensya ng dalawang artists. Boom bap o trap man ang hilig mo, matutuwa ka sa mga maririnig mo dito. Sa madaling salita, hindi naging boring ang album at dahil ito sa unpredictable na atake ng musika.
Konklusyon:
Maaaring ito ang pinakamahusay na album na nilabas ni KJah. Maliban sa kalidad na liriko, maganda rin ang pag-balanse ng tunog ni Tatz Maven. Pinatunayan ng “Nakasalalay Sa Letra” na pwedeng paghaluin ang moderno at tradisyonal na hip-hop habang nananatiling orihinal ang istilo ng pagsulat. Kung yung mga baduy na lumalabas ngayon ay madaling nag-viviral, sana ganyan din ang mangyari sa tulad nito na talagang tinutukan, pinagisipan, at pinaghirapan. Karapat-dapat marinig ‘to ng mga tao. Siguradong makaka-relate kayo sa mga tema kahit hindi kayo mahilig sa musikang rap. Pakinggan niyo na sa mga streaming sites!