Napakinggan na namin nang buo ang solo album ni Batas. Ito ang aming rebyu ng Ginoong Rodriguez!
Bago matapos ang 2021 ay nilabas ni Batas ang kanyang unang solo album sa ilalim ng Uprising Records na pinamagatang “Ginoong Rodriguez”. Meron itong siyam na kanta at base sa imahe nito ay mukhang makakaasa tayo ng malagim na mga piyesa. Mapapakinggan niyo ‘to sa lahat ng streaming sites at nasa YouTube channel naman ng Uprising ang lyric videos. Sulit nga ba itong proyekto ng back-to-back Isabuhay Champion? Yan ang paguusapan natin ngayon!
Lirisismo:
Pagdating sa kanta, nakilala si Batas sa kanyang mga hardcore at mala-battle rap na tema. Bawat piyesa niya ay punong puno ng mga brutal na punchline na may halong samu’t saring metapora. Hindi nawala yan sa album na ‘to. Maririnig sa mga awiting tulad ng “Anting Anting”, “Malabampira”, “Diamante”, at “Ginoong Rodriguez” ang purong hardcore na istilo niya. Ang pinagkaiba lang ay hinango niya ang mga ‘to sa personal na buhay. Ramdam mo sa mga kantang nabanggit ang naipon na galit at iba pang negatibong emosyon mula sa kanyang mga karanasan. Dahil dito ay mas nagkaroon ng laman ang bawat rimang binato.
Pinakita din dito ni Batas ang kanyang galing sa ibang mga konsepto. Sa “Alipin”, tinalakay niya ang pagiging bilanggo ng karamihan satin sa mga pamahiin at tsismis. Kadalasan ay ito pa ang mga mas pinaniniwalaan kaysa sa siyensya. Kakaiba din ang atake ng kantang “Posas”. Dito ay ibinihagi niya ang bawat positibo at negatibong naidudulot ng oras. Sa “Salamat”, nag-rap si Batas mula sa pananaw ng mga mapang-abusong miyembro ng pamahalaan at simbahan. Siya ay nagpapasalamat dahil kahit gaano sila kasama ay nananatili sila sa pwesto at yumayaman. Pinaalala naman niya sa “Lahat ay Ligaw” na hindi lang ikaw ang may pinagdadaanan sa mundo. Maraming problema sa panahon ngayon kaya kailangan maging malakas! Maaaring ang pandemya ang naging inspirasyon ni Batas dito. Sa “Salaan”, kasama niya ang ilang kapwa emcees ng Uprising. Bagama’t hindi nila saktong sinabi yung buong tema ng kanta, mahusay ang kanilang pag guhit ng imahe gamit ang salita. Malalaman mo kung ano ang nirerepresenta ng bawat berso at yun ay ang pitong mga kasalanang nakamamatay.
Isa pang napansin namin sa album ay yung nakakabighaning mga eksema ni Batas sa tugmaan. Kung nabilib ka na sa mga rima niya sa battle, mas grabe dito! Masasabing ito na ang pinaka “unorthodox” niya pagdating sa pag-akda ng mga linya. Nilaro niya ang mga salita at ang resulta ay isang unpredictable na pagkinig mula simula hanggang katapusan. Malaki tulong din ang kanyang pagbigkas na nananatiling agresibo at polido.
Produkyson:
Ito na siguro ang pinaka nakakagulat sa buong album. Alam natin na boom bap talaga ang trip ni Batas pero dito ay pinili niyang mag eksperimento. Litaw pa rin ang boom bap sa palo ng drums ngunit gaya ng ginawa niya sa tugmaan, nilaro din niya ang tunog. Karamihan ng kanta ay nag-iiba ang tempo, depende sa magiging konteksto ng berso.
Nakakabilib din ang ginawa niya sa bass. Pinamalas niya ang kanyang husay sa metal na genre sa pamamagitan ng paggamit ng aktwal na gitara. Mahahalata mo ‘to agad sa lutong ng bass sa bawat kanta. Si DJ Arthug ang salarin sa mga kamot dito. Kitang kita ang chemistry ng emcee at turntablist at sinigurado ni Arthug na may maiaambag ang scratches niya sa nilalaman ng mga awitin.
Konklusyon:
Kung nasanay ka sa Batas na taga Kampo Teroritmo, posibleng magulat ka sa unang kinig ng album. Nandun pa rin yung angas pero pinakita din niya ang kagandahan ng paglago ng isang artist. Imbis na magkulong sa nakasanayang stilo ay pinili niyang tumuklas ng iba pang mga paraan ng paglikha ng musikang hip-hop. Dahil din sa pag-halo niya ng ilang elemento ng metal ay mas naging kakaiba ang daloy ng proyektong ‘to. Kaya siguro “Ginoong Rodriguez” ang pamagat kasi ito ay talagang malapit sa kanyang personalidad. Muli, may tsansang hindi ‘to matripan ng lahat, pero kung ang habol mo ay hip-hop na eskperimental at todo pinag-isipan, sobrang hahanga ka dito.