General

Prediksyon Ng Fans Sa Isabuhay 2023 Finals

Sino kaya ang magkakampeon sa Isabuhay 2023? Eto ang tingin ng ilang fans ng liga.

Ned Castro
September 11, 2023


Nagtanong kami sa ilang fans ng FlipTop kung sino ang tingin nilang magkakampeon sa Isabuhay 2023 Tournament. Pumili kami ng apat na may pinaka magandang sagot at para manatiling patas ay sinigurado namin na kabilang ang bawat semifinalst. Bilang respeto naman sa privacy ng nakausap naming fans, hindi nalang namin babanggitin ang mga pangalan nila. Huwag na natin pahabain pa. Simulan na nating basahin ang mga paliwanag nila. 

Fan number 1: Hazky

Para sakin ay napaka underrated ng ebolusyon ni Hazky. Nakilala siya sa pagiging komedyante at paggamit ng costume pero dito sa Isabuhay ay pinakita niya na kayang kaya din niyang sumabay sa teknikalan at basagan ng bungo. Tingin ko ay mas lalo pa niyang gagalingan at magiging dominante siya sa semis pati sa finals. Sana ay manatili yung pagbalanse niya ng mga stilo dahil sobrang nakakaaliw panoorin at pakinggan ito. Hindi din dapat balewalain ang kanyang pagiging beterano sa eksena ng battle. Dahil mas marami na siyang pinagdaanang gera, lamang siya sa diskarte at pagbuo ng stratehiya.

Fan number 2: Invictus

Walang kupas si Invictus! Napaka talas pa rin ng mga kataga niya at palakas nang palakas ang presensya niya sa entablado. Sa palagay ko, hindi pa niya pinapamalas ang kanyang buong kapangyarihan. Sa semis pati sa finals na siya magbibigay todo hindi lang sa mga bara kundi pati sa pagbigkas. Hindi na ako magugulat kung yung mga susunod na laban niya sa tournament ay puro unanimous decision. Si Invictus yung tipong kayang pumaslang gamit ang purong teknikal na sulatan tapos ngayon pa na mas sunod-sunod na ang kanyang punchlines, mas delikado na siya.

Fan number 3: JDee

Oo, si JDee ang isa sa may pinaka solidong delivery sa liga pero maliban diyan, sobrang well-rounded na emcee siya. Kaya niya magpatawa, magpurong lirikalan, at magpersonalan habang nanatiling nakakasindak ang kanyang agresyon sa entablado. Hindi rin mapagkakaila ang husay niya pagdating sa freestyle. Para sakin ay nasa hanay na siya ng mga hari ng rebuttal. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa isip ko yung “kaliwa’t kanan” na rebuttal niya kay JR Zero. Tingin ko talaga na mas gagalingan pa niya sa susunod at siya ang maguuwi ng 100k sa Ahon. 

Fan number 4: Plaridhel

Ang “most improved emcee” ngayong taon sa FlipTop para sakin ay walang iba kundi si Plaridhel. Mas lumakas pa ang kanyang sulat at ramdam mo na ang kumpyansa niya sa pagbitaw ng mga linya. Pinatahimik niya yung mga nagsasabi na malamya siyang bumanat ng berso. Sigurado dahil din mahilig ako sa mga kwentong underdog kaya gusto kong manalo si Plaridhel pero walang duda na mas mabangis na siyang emcee ngayon. Malaking tsansa na mas hihigitan pa niya ang huling performances sa susunod niyang mga duelo. Kaabang abang makita ang susunod niyang pagtatanghal. 

READ ALSO: The Final Four of the 2023 Isabuhay Tournament

Kaninong fan ka sang ayon dito? Wag mahiyang ipamahagi ang iyong opinyon sa comments section. Sa ngayon, abangan nalang natin ang anunsyo ng liga tungkol sa semis at susunod na events. Makikita niyo lahat yan sa pahina ng FlipTop sa Facebook. Para naman sa Zoning 16 uploads, magsisimula na ito sa Miyerkules. Nakakaexcite! Kita kits nalang tayo ulit sa susunod na okasyon.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT