Dagdag kaalaman para sa mga battle rap fans. Eto ang depinisyon ng ilang sa mga termino na madalas niyong marinig sa FlipTop.
Labinlimang taon na ang FlipTop ngayong 2025. Dahil diyan ay napakadami nang mga nausong salita mula dito. Para sa mga bagong fans ng liga o sa mga di pa pamilyar, hayaan niyo kaming ibigay sa inyo ang tamang depinisyon ng mga terminong ‘to. Siguradong narinig niyo na ‘to sa battles, judging, o sa kapawa manonood. Sa sobrang dami ay nasa pang siyam na kabanata na tayo. Eto yung mga nakaraang piyesa: una, pangalawa, pangatlo, pang-apat, panlima, pang-anim, pampito, at pangwalo.
Observational freestyle
Halimbawa may emcee na bumabanat ng kanyang sinulat na piyesa tapos sa gitna ay may napansin siya sa kapaligiran at sinama niya ‘to sa kanyang mga linya, yun ang sinasabi nilang observational freestyle. Kasama na din dito yung real time rebuttal kung saan ibabalik mo yung hinirit o kinilos ng kalaban mo habang round mo. Sila Loonie, Dello, at Batang Rebelde ang ilan sa mga pinakamahusay dito.
Dark humor
Ito ay isang uri ng komedya na merong maselan na tema. Marami ang nagsasabi na ito na daw ang bagong meta dahil sa mga pinakita ni EJ Power at Vitrum nung nakaraang taon pero matagal nang merong ganito sa liga. Basta’t nilagyan ng katatawanan ang mga seryosong usapan tulad ng kamatayan, karahasan, depreseyon, at/o mga personal na problema ay matatawag nang dark humor yun.
Holorhyme
Ilang beses na ring pinagdebatihan ang tunay na kahulugan nito pero ang pormal na depinisyon ng holorhyme ay yung pagtugma ng iba-ibang mga salita na halos parehas ang pagbigkas. Halimbawa nito sa Ingles ay yung “I scream, ice cream”, “a cruise, accrues”, “loose change, lose chains” at iba pa. Isa pang ibig sabihin nito ay yung pagtugma ng samu’t saring salita sa isang buong linya o berso. Maituturing na “meta” na rin ang stilong ‘to.
Internal rhymes
Pagdating sa basic na sulat ng rap, sa huling salita lang laging nagkakatugmaan. Internal rhymes ang tawag sa mga rima sa loob ng bara. Pinaka malinaw na halimbawa nito ay yung “basehan ng bawat hurado” scheme ni Batas. Pansinin niyo na hindi lang siya sa katapusan tumutugma kundi pati sa gita ng linya. Internal rhymes yung tawag sa mga rima sa gitna.
Lirikal
Sa tuwing may malupit mag-teknikal, mag-multi, o mag-flow, lagi silang binabansagang lirikal na emcee. Ang pormal na kahulugan ng lirikal ay yung pagkakaroon ng kakayahang ipadala ang mensahe sa anumang sining sa pinaka malikhain na paraan. Hindi lang kailangan marunong kang tumugma sa rap. Dapat bigyang buhay din ang salita at mensahe.
Leftfield
Ito yung stilo na hindi tradisyonal sa larangan ng battle rap. Maaaring kakaiba ang mga napiling salita, iba ang paraan ng pagbigkas, may mga konseptong bago sa pandinig, at/o sumusuway sa mga nakasanayang tempo ng pag-rap. Sa medaling salita, oo, kaparehas lang siya ng pagiging unorthodox.
READ ALSO: 2024 Pinoy Hip-hop Releases
Kung sa tingin niyo ay may mga nakalimutan kami, huwag kayong mag-alala. Malamang ay gagawa pa kami ng pansampu. Ngayong alam niyo na ang kahulugan ng ilang mga termino, tiyak ay mas mauunawaan niyo pa ang sining ng battle rap. Wag kalimutang ipamahagi rin ‘to sa mga kakilala niyong limitado palang ang kaalaman sa eksena. Mas mabuting turuan sila kaysa yabangan o pagalitan. Hanggang sa muli! Salamat sa pagbasa.