Makalipas ang higit dalawang taon, muling babalik ang FlipTop sa Visayas! Ating pag-usapan ang mga laban na magaganap sa Gubat 10!
Lagpas dalawang taon na nung huling bumisita ang FlipTop sa Visayas. Sa May 14, opisyal nang magtatapos ang matagal na paghihintay! Ngayong Sabado ay magaganap ang ika-sampung Gubat event sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City. Pitong laban ang masasaksihan natin at lahat ay talagang kaabang abang!
May ilang araw pa bago ang paligsahan kaya pag-uusapan muna natin ngayon ang napaka lupit na lineup. Maliban sa dalawang garantiasdong maaksyon na Isabuhay battles, meron ding mga solidong style clash, digmaan ng mga pinaka respetado sa dibisyon, at kampeon laban sa kampeon. Game na!
J-Blaque vs M Zhayt
Grabehan ‘to! Duelo ng mga nag-tagumpay nung nakaraang dalawang Isabuhay! Si M Zhayt ang nag-kampeon nung 2020 at si J-Blaque naman nung 2021. Nakita naman natin nung finals na sobra yung improvement ng overall performance nila. Hindi lang mga bara nila ang mas lumakas pa kundi pati ang kanilang delivery at presensya sa entablado.
Posibleng tapatan o higitan pa nila sa Gubat 10 yung pinakita nila nung huling Ahon. Kung parehas nag-handa, asahan niyong magiging kandidato ito para sa battle of the year. Humanda sa solidong teknikalan, creative na mga anggulo, at konting katatawanan.
Range vs Tweng
Unorthodox na laban ba ang hanap niyo? Pwes si Range at Tweng ang bahala sa inyo. Siguradong magpapamalas ulit si Range ng kakaiba pero laging patok na komedya at kung hindi siya magkakalat, pwede niyang makuha ang panalo. Pag dating naman kay Tweng, makakakita ulit tayo ng mga props na magdadagdag kulay sa presentasyon niya. Malamang ay may mga ibubuga din siyang malulupit na seryosohang bara.
Goriong Talas vs Pen Pluma
Laban para sa 2022 Isabuhay Tournament! Sumali ulit ang 2021 finalist na si Goriong Talas. Mukhang mas ganado pa sya ngayon lalo na’t grabe yung pinakita niya nun laban niya kay J-Blaque. Talo man si Gorio nung finals, hindi mapagkakaila na mas agresibo siya ngayon at mas nakakapinsala ang kanyang mga suntok.
Isa si Pen Pluma sa mga pinaka lirikal sa Visayas Division. Ngayong katapat niya ay kilala din sa teknikalan, siguradong mas lalakasan pa niya ang kanyang pen game. Kailangan din niyang tapatan yung marahas na pagbigkas ng kalaban. Posible tong maging battle of the night!
Asser vs Fangs
Hindi ito para sa Isabuhay pero parang pang tournament na din yung hype ng matchup! Si Asser at Fangs ay kilala sa kanilang dibisyon hindi lang dahil sa lupit nilang makipag duelo kundi dahil din sa kanilang musika. Sa Gubat 10, makakaasa kayo ng palitan ng mga mabibigat na bara. Purong teknikal ang stilo nila pero posible na magdagdag din sila ng konting komedya pati mga personal na linya. Sobrang unpredictable nito!
CNine vs Castillo
Isa pang laban para sa Isabuhay 2022. Unang beses sasalang sila CNine at Castillo sa torneo kaya asahan niyong ipapakita nila ang kanilang isang daang porsyento. Maliban sa patok na komedya at malinis na delivery, wala ding makakatanggi na sobrang lupit ni CNine sa freestyle. Garantisadong tatatak ang kanyang mga sulat pati kanyang mga rebuttal.
Sa Ahon 10, pinatunayan ni Castillo na handa na siyang makipag sabayan sa mga bigatin sa liga. Dahil ganadong ganado siya ngayon, posible na higitan pa niya ang performance niya nung nakaraan. Humanda sa kanyang mabangis na mga multi, punchlines, at anggulo. Mahirap i-judge ‘to lalo kung parehas silang naghanda!
GL vs LilStrocks
Hindi kumpleto ang gabi kung walang style clash! Si GL ay kilala sa kanyang malalalim na linya at kakaibang mga anggulo habang si LilStrocks naman ay batikan sa anumang uri ng pagpapatawa. Ito yung pwedeng maging draw lalo na kung parehas solido ang pinakita nila. Syempre, maaari ring gamitin nila ang stilo ng isa’t isa bilang pang gulat. “Expect the unexpected” kung baga! Walang duda na exciting itong laban.
Makii vs GI
Kaabang abang ang battle na ‘to dahil maliban sa parehas mabagsik na emcee ang lalaban, Tagalog ang dalawang rounds at Bisaya naman ang isa. Style clash din ito dahil si GI ay kilala sa patok niyang jokes habang agresibo naman ang atake ni Makii. Nasa kamay ng mga hurado kung kaninong stilo ang mananaig sa gabing ‘to. Kung ito ang unang laban ng event, kailangan galingan nila upang ma-hype ang crowd.
Para sa Gen AD, 350 pesos ang presale ticket habang 500 naman sa walk-in. 500 pesos naman ang presale habang 700 pesos ang walk-in ng VIP. Mag-PM lang kayo sa pahina ng liga sa Facebook kung nais niyong bumili ng presale tickets. 6PM nga pala magbubukas ang gate at 8PM naman magsisimula ang programa. Syempre, dahil nasa pandemya pa rin tayo, kailangan nakasuot kayo ng face mask at dala niyo dapat ang inyong vaccination card. Yung video sa taas ay behind the scenes ng nakaraang Second Sight event. Pampagana para sa Sabado yan. Kita kits, Lapu-Lapu!