May Won Minutes na ulit! Pagusapan natin ang susunod na event.
Makalipas ang tatlong taon ay muling nagbabalik ang Won Minutes. Sa mga hindi nakakaalam, nagsimula ito noong ika-22 ng Marso 2019 sa Metro Manila. Ang konsepto nito ay simple lang: ang pagbalik ng striktong tig-isang minutong rounds. Ginawa itong event upang mabigyan ng pagkakataong magpakitang-gilas ang bagong emcees ng liga. Ilan sa mga rapper na galing dito ay sila C-Quence, Bagsik, Castillo, Arma, Vitrum, Illtimate, Numerhus, JR Zero, Plaridhel, Yuniko, at ang 2022 Isabuhay Finalist na si Luxuria. May mga Won Minutes din na kung saan sumali ang mga beteranong emcees na nanggaling sa matagal na pahinga gaya nila Aelekz, Maxford, Malupit, at Makii.
Itanong niyo sa mga nakapanood na nang live at siguradong sasabihin nila na sulit ang ganitong klase ng paligsahan. Dahil balik sa isang minutong rounds, mababawasan ang mga filler na linya at mas magiging siksik ang bawat berso na ibabato. Kung baga wala nang mahabang usapan pa! Rekta na agad sa sunod-sunod na suntok. Kaya tama lang rin ito para sa mga bagong pasok dahil dito malalaman kung makakayanan ba nila yung pressure ng pag-sulat ng mas maikling rounds. Pag emcee ka, dapat kaya mong mag-adjust sa kahit anong oras o sitwasyon. Kaabang-abang talaga ang susunod na kabanata!
WATCH ALSO: Won Minutes (Manila) | Won Minutes (Davao) | Won Minutes (Cebu) | Won Minutes (Cebu) 2
Gaganapin ang bagong Won Minutes sa Cebu sa ika-15 ng Abril 2023, kinabukasan ng FlipTop Gubat. Sa Raised21 Bar & Cocktail Lounge ang mismong venue nito. Hindi niyo dapat ito palagpasin dahil iba’t ibang parte ng Visayas ang irerepresenta dito. May mga emcee galing sa Cebu, Iloilo, Bohol, Samar, Capiz, Leyte, Aklan, at Negros Occidental. Ito ang tsansa ng dibisyon upang ipakita ang lakas ng susunod na henerasyon. Goodluck sa inyo!
100 pesos lang halaga ng entrance at maliban sa mga battle ay meron ding surprise performances at DJ set mula sa nag-iisang Supreme Fist. Sulitin niyo na yung FlipTop experience niyo. Pagkatapos ng Gubat ay yayain muli ang pamilya o tropa para sa isa nanamang solidong gabi ng hip-hoppan. Oh pano? Kita kits tayo ngayong weekend, ha? FlipTop, mag-ingay!
READ ALSO: Pre-event Review ng Gubat 11