May isa ulit event para kay utol Romano sa Cavite naman. Kita-kits tayo dun.
Sa ika-11 ng Marso 2025 ay magkakaroon ng isang malaking event para sa yumao nating kapatid na si Romano. Ito ay gaganapin sa Central A Covered Court sa Dasmarinas, Cavite. Fundraising event dapat ito para sa medikal na bayarin pero alam naman natin kung ano ang nangyari. Ganunpaman, pinili pa rin ‘tong ituloy bilang tulong sa mga naiwan ni Romano na mahal sa buhay. Hiling din ng rapper bago siya pumanaw na anuman ang mangyari ay huwag kanselahin ang okasyon na ‘to. Patunay lang kung gaano niya kamahal ang kultura.
250 pesos ang halaga ng ticket. Magsisimula ito ng 5 PM at magtatapos ng 12 AM. Maraming artists ang magpeperform dito. May mga bigating FlipTop emcees, respetadong mga beterano, matutunog na pangalan ngayon sa eksena, at malulupit sa underground. Balita din namin na meron pang mga surprise performers. Para sa tickets, pwede kayong mag-PM o pumunta mismo sa Meek and Chill Clothing Shop. Nasa pahina nila ang kanilang address. Tara sa susunod na Martes at sama-sama tayong magbigay pugay sa isa sa pinaka mabangis na emcee sa larangan ng battle rap sa Pinas.
Sa mga hindi pa nakakaalam, pumanaw si Romano nung Pebrero 27, 2025 dahil sa malubhang sakit. Kita sa napaka raming nakiramay at tumulong kung gaano kabuting tao si Romano. Nakilala siya sa FlipTop bilang isang “kontrabida” pero sobrang humble at matulungin niya sa likod ng entablado. Salamat ulit sa mga alala, kapatid! Mananatiling buhay ang mga naambag mo sa eksena na ‘to.