Verse 1:
Ano ba talaga ang dahilan kung bakit ba
Gising pa sa umaga kahit araw ay pangit na
Antay ng pagbabago kahit na mangawit na
Paglaban pa na puso kahit na di makita
Ang pag asa kelan matatamasa
Sasabay na lang sa daloy ng bagyong rumaragasa
Sasakay na problema na pilit sumasagasa
Sa iniiwang pait ang puso ko ay nahahasa
Purong pagibig lamang ang aking ibinubuhos
Dugong pinandilig sa lupain na nauubos
Pag asa’y di kapos ito ay humahaplos
Parang pagsikat na ng araw na hindi pwedeng matapos
Hindi naaantala di mauubos ang tala
Gumagabay sa kadiliman na palagi mong akala
Humihila pabababa pero nagpapatatag pala
Masilayan kapangyarihang di makita ng mata
Refrain:
Laging may gumagabay Kahit pagsubok sumabay
Sa piling mo nahihimlay ilaw na di namamatay
Nagbibigay liwanag sa aking paglalakbay
Hindi ka nagiisa laging merong kang kasabay
Hook:
Ako'y naglalakad sa anino ng kandila
Nabulag sa dilim pero ngayon nakakakita
Liwanag na tanglaw sa puso ay bumibisita
Tubig na malinaw kulay ng mundo ang nakikita
Verse 2:
Kahit pilitin mong itago laging may nagmamatyag
Nakaabang sayong dalahin sayong pagpapahayag
Sa bagyo na palaging nagpapahina sa tatag
Pero niyakap ng pagibig mong nagsilbing kalasag
Laging merong kumakapit di hahayaang lumapag
Instrumentong ginagamit gabay na nahahabag
Mananatiling payapa kahit sa ikalawang palapag
Ikalawang paglapag ng buhay na wala ng pag labag
Puhunan ng lakas nanggagaling sa itaas
Biyaya na pinabagsak nagsusumabog sa katas
Sa landas ng kaluluwa ay hindi pwedeng kumalas
Paibaba paitaas bat di iwanan ang dahas
Kinulong na pananaw ilusyon lamang ang malas
Minsan di na din alam kung pano ko makakatakas
Bat kailangang bang tumakas bakit merong maiiwan
Subukang harapin kalamidad ng kalungkutan
Pag di naramdaman di rin alam kaligayahan
Parang mailap na bahaghari pagkatapos ng ulan
Pagkatapos ng pagsubok ay laging merong ginhawa
Simoy ng kapayapaan na hindi nakakasawa
Musika sa tenga ang hikbi at mga tawa
Enerhiyang busilak na laging nakaka-hawa
Pagibig pairalin at pagmamahal sa kapwa
Dahilan ng pagkabuhay na pilit na inunawa