Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Second Sight 14

Second Sight 14 na sa ika-26 ng Abril. Ating I-rebyu ang lineup!

Anonymous Staff
April 08, 2025


Eto na ang susunod na FlipTop event! Sa Abril 26 ay gaganapin ang ika-14 na Second Sight. Ito ay mangyayari sa Metrotent Convention Center ulit sa Pasig at walong laban ang masasaksihan natin. Espesyal ito dahil bawat battle ay para sa 2025 Isabuhay Tournament. Nilabas na rin nga pala ang bracket, kaya kung hindi ka pa updated, tignan mo nalang yung litrato sa baba.

Habang hinihintay natin ang araw ng paligasahan, pagusapan muna natin ang matinding lineup. Una sa lahat ay talagang unpredictable ang mga duelong ‘to. Yan ang mahika ng Isabuhay Tournament. Laging “expect the unexpected” pag nagsimula nang bumanat ang emcees. Huwag na natin patagalin pa. Magsimula na tayo…

Jonas vs Saint Ice
Humanda sa malupit na style clash. Alam naman natin kung gaano kahusay si Jonas sa komedya pero maliban diyan, mapaminsala din siya kapag nagseryoso at nananatiling malakas ang kanyang presensya tuwing tumatapak sa entablado. Si Saint Ice naman ay patuloy na nagpapamalas ng mababangis at kakaibang teknikal na stilo tapos laging litaw ang kumpyansa niya sa pagbitaw. Kung parehas totodo sa performance, wag na kayong magulat kung maging contender ito para sa battle of the night o baka year pa nga.

Lhipkram vs Aubrey
Sobrang interesting na matchup ‘to! Bagama’t bagong pasok lang si Aubrey sa FlipTop pati sa mundo ng battle rap, marami na agad humanga sa kanya. Nandiyan ang kanyang mga mabibigat na linayahan pati agresyon na mararamdaman sa bawat sulok ng venue. Si Lhipkram naman, kahit beterano na siya sa larangan ay patuloy pa rin sa pagtuklas ng iba’t ibang stilo at hindi nawawala ang kumpyansa niya. Isa siya sa pinaka mabangis sa pagiging well-rounded. Pag A-game silang dalawa, malamang ay dikdikan ‘to. 

CripLi vs Empithri
Malaki ang tsansa na dikdikan din ‘tong salpukan nila CripLi at Empithri. Grabe yung improvement ni Empithri hindi lang sa lirisismo kundi pati sa pagtanghal. Kung mananatiling epektibo ang creative na teknikalan niya at isama pa ang makamandag niyang delivery, magiging banta siya dito. Syempre, hinding hindi dapat maliitin si CripLi. Isa siya sa pinaka unpredictable pagdating sa sulat at walang duda na laging malakas ang karisma niya. Kung hindi siya magpapabaya, tiyak na mag-iiwan ng marka ang performance niya.

Carlito vs Article Clipted
Mukhang purong lirisismo ang ibibigay satin nila Carlito at Article Clipted. Bago palang si Carlito pero madami na agad nag-aabang sa kanya! Pero seryosong usapan, sobrang talim lagi ng kanyang lirisismo at nakakasindak ang presensya niya. Kung preparado siya dito, siguradong tatatak bawat round niya. Huwag niyong tutulugan si Article Clipted! Sa huling battle niya sa Pakusganay 8 ay pinakita niya ang kanyang solidong leftfield na stilo na may kasamang mabangis na agresyon. Dito papasok ang “expect the unexpected” lalo kapag nagpakita siya ng bago!

Zend Luke vs Zaki
Malamang solidong letrahan din ‘to! Lirikal sila Zend Luke at Zaki pero magkaiba ang paraan ng pagsulat nila. Mas rekta ang mga linya ni Zaki habang mas kaliwa naman ang atake ni Zend Luke. Style clash din ito na maaaring maging battle of the night kung totodo silang dalawa sa mga berso at mananatiling malakas ang presensya. Kapag usapang delivery, halos pantay lang sila. Parehas makapangyarihan ang pagbigkas nila ng kanilang mga linya. Exciting ang mga posibleng mangyari sa laban na ‘to.

K-Ram vs Kenzer
Ito ay laban ng mga magaling magpatawa pero kayang kaya din sumabay sa basagan ng bungo. Maaaring lamang nang konti si K-Ram pagdating sa anggulo habang sa agresyon naman medyo llamado si Kenzer. Pagdating sa content, garantisadong mag-iingay ang crowd kapag nagpakita sila ng A-game. Kilala din sila sa pagiging unpredictable kaya humanda sa posibleng teknikalan o rektahang atake. Talo sila sa huling mga laban nila, kaya asahan niyo na totodohin nila dito para makabawi at syempre dahil Isabuhay ito.

Manda Baliw vs Ban
Duelo ulit ng mga batikan sa katatawanan at kakaibang mga anggulo. Bagama’t sa jokes nakilala sila Manda Baliw at Ban, ilang beses din nilang napatunayan na mapanganib din sila pag kailangan mag seryoso. Magkaiba naman sila pag usapang delivery. Mas kalmado ang bitaw ni Manda habang mas agresibo naman si Ban. Anuman ang mangyari, asahan niyong matindi ang palitan ng mga ‘to at baka mahirapan ang mga hurado. Sana lang ay preparado sila pero dahil tournament ‘to, tingin namin ay ibibigay nila ang lahat.

Katana vs 3rdy
Kung ito nga ang unang laban ng Second Sight 14, siguradong mayayanig agad ang buong Metrotent Convention Center. Kilala si Katana sa kanyang kakaibang komedya at teknikalan habang sa wordplays at agresyon naman si 3rdy. Halos patas naman sila kung ang usapan ay presensya at kumpyansa sa performance. Nirerepresenta nila ang bagong henerasyon ng FlipTop emcees at dahil para sa torneo din ito, tiyak na isang daang porsyento ang ibubuhos nila sa Abril 26. Kaabang-abang talaga ‘to. Goodluck nalang sa judges!

READ ALSO: Let’s Take It Back: Second Sight 6

Eto ang presyo ng pre-sale tickets: 1500 pesos (SVIP), 1100 pesos (VIP), at 850 pesos (Gen Ad). Mag-PM sa pahina ng FlipTop sa Facebook o bumili mula sa mga opisyal na resellers (BranDead, Black Manila, HIGH MINDS CLOTHING, KRWN., Meek and Chill Clothing Shop, at ULAP Clothing). Para naman sa walk-in, 2000 ang SVIP, 1600 ang VIP, at 1350 ang Gen Ad. Bawat ticket may kasamang isang libreng beer. 

Sulit, diba? Bumili ka na at magkita-kita tayo sa Abril 26 para sa makasaysayan na Second Sight 14. Kayo? Ano ang mga prediksyon niyo dito? Huwag mahiyang ibahagi ang opinyon sa comments section. Abanagan din ang mga paparating na uploads. FlipTop, mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT