Kwento ng isang FlipTop fan tungkol sa karanasan nila sa Second Sight 13 nung Sabado.
(Galing sa Facebook page ni Anygma yung litrato sa taas)
Sa sobrang lupit nung Bwelta Balentong 11 ay hindi na ako nagdalawang-isip na pumunta sa susunod na event ng FlipTop. Ito ay ang ika-13 na Second Sight at nung una ay nagtaka ako kung bakit yan ulit ang pamagat. Nakalimutan kaya ng liga na meron nang Second Sight nung Marso ng taong ‘to? Pinaliwanag ito nang mabuti sa nakaraang episode ng Anygma Machine. Ang kahulugan ng “second sight” sa diksyunaryo ay pagkakaroon ng kakayahang makita ang kinabukasan. Dahil halos lahat ng nasa lineup ay galing sa Won Minutes at Process of Illumination, sila ang nagrerepresenta ng kinabukasan ng FlipTop.
Sa Tiu Theater ulit ang venue at ang kasama ko manood yung mga nakilala ko sa Bwelta Balentong 11. Ganyan kasaya ang live! Mag-isa lang ako pumunta sa Bwelta Balentong 11 at pagkatapos ay marami akong nakilalang bagong kaibigan. Napagkasunduan namin na pupunta kami sa Second Sight 13 at nung nilabas na yung tickets ay bumili kami agad. Ayun, dahil maaga na talaga nagsisimula ang events ng liga ngayon ay pumunta kami bandang 4:30 ng hapon. Napansin namin ang kakaibang setup! Pit style ulit pero may barikada na hugis hexagon. Na-excite kami nung nakita namin ‘to dahil kakaiba siya. Nagsimula yung programa bandang alas sais ng hapon.
Pagusapan muna natin yung tatlong laban para sa Dos Por Dos2 Tournament. Para samin, ang battle of the night para sa 2-on-2 ay yung Jawz / Bisente vs Atoms / Cygnus. Dikdikan ‘to sa bawat round at iba’t ibang stilo ng battle rap ang pinakita ng dalawang pares. Grabe yung jokes, teknikalan, personalan, pati yung flow na pinamalas ng emcees dito. Basta, abangan niyo ‘to! Napaka entertaining nung Aubrey / Marichu vs Sickreto / Article Clipted. Ang daming mga bentang jokes, sapul na bara, at creative na anggulo. Nanaig lang talaga yung chemistry nung nanalong pares. Rhyming clinic ang nasaksihan namin sa Negho Gy / Pamoso vs Deadline / RG. Sobrang namangha kami sa kanilang rhyme schemes pati na rin sa wordplays at presensya nila. Dikit din talaga ‘to at tingin namin mas papatok pa ‘to sa video.
Tie ang No. 144 vs Markong Bungo at Tulala vs Caytriyu para sa aming battle of the night ng 1-on-1. Hindi namin sasabihin dito kung sino sila No. 144 at Markong Bungo para masurpresa kayo pag na-upload na. Ang masasabi lang namin ay ibang lebel na lirisismo at imagery ang pinakita ng dalawa. Medyo may pagka teatro pa yung pag presenta nila sa entablado. Kakaiba ‘to at sana maraming maimpluwensyahan na emcees dito! Matinding style clash naman yung Tulala vs Caytriyu. Epektibong leftfield na may halong komedya ang banat ni Tulala habang sunod-sunod na haymaker at metaphors naman ang pinamalas ni Caytriyu. Magkaiba sila ng paraan ng pag-deliver ng mga linya pero parehas tumatak!
Mataas and ekspektasyon namin sa Razick vs Hempphil kaso nga lang ay may isang nagchoke na emcee. Ganunpaman, pinaliwanag ni Anygma ang sitwasyon nung nagchoke na rapper at naintindihan namin siya. Sana ay maayos na yung sitwasyon niya. Makikita niyo naman ‘to sa video sigurado. Solido pa rin yung pinakita ng nanalong emcee. Meron siyang matalas na flow at delivery at ang lupit ng paghalo niya ng komedya at brutal na mga bara. Mahusay yung palitan nila Supremo at Crhyme. Parehas may mabisang well-rounded na stilo at malinis na performance. Mahirap I-judge ‘to nung rounds 1 at 2 pero sa pangatlo, dun na nagkaalaman. Dave Denver vs Kalixs ang unang battle ng gabi at napa-hype naman nila kami. Parehas epektibo sa pagbalanse ng teknikalan at katatawanan at polido ang kanilang delivery. Bakbakan yung laban at ang nagwagi ay yung may mas tumatak na sulat.
Oo, sulit ang pagpunta namin sa Second Sight 13! Kaabang-abang itong bagong henerasyon ng FlipTop kaya huwag na huwag niyo silang tutulugan. Bandang 11:45PM natapos yung event at dahil tama lang yung dami ng tao sa venue ay mas nagkaroon kami ng pagkakataong makausap at makapagpapicture sa emcees at kay Anygma. Maraming salamat sa liga at sa lahat ng mga sumali para sa isa nanamang hindi malilimutan na gabi. Hanggang sa muli!