Balikan natin itong compilation album mula sa Dongalo Wreckords na Pasko ang tema!
Ang taon ay 1997. Ito ang panahon kung saan nagsisimula palang ang record label ni Andrew E. na Dongalo Wreckords. Marami na silang mga proyektong nailabas at lahat ng mga ‘to ay tumatak sa libu libong tagahanga nila. Bago matapos ang taon, pinili ng buong kampo na mag labas ng isang compilation album na nababagay sa Pasko. Ito ang throwback review namin ng LP na pinamagatang “Christmas Rap ‘97”.
Sa unang kanta na “Rambulan”, alam mo na agad na iba ang magiging atake ng album. Imbis na tungkol sa masasayang pangyayari, pinag usapan ng grupong Katuga ang mga karahasan na nararanasan nila sa kalye kahit Pasko. Medyo manipis ang tunog ng beat nito. May tono lang ng Silent Night at malakas na drums. Ganunpaman, nabawi naman ito ng klarong imagery at delivery ng mga emcee. Parehas ang tema ng “Paskong Kuyog” na inawit ng Kruzzada. Mas nanaig ang kantang ‘to dahil sa mahusay na storytelling style nila Padrino, Cruzzito Uno, at Supremo. May bahid ng Winter Wonderland na sinamahan ng old school Hip-hop na tambol ang beat. Tulad ng unang kanta, niligtas ng solidong lirisismo ang manipis na tunog.
Nag improve ang beat sa “Dale Dale” na nilikha ng Madd Poets (RIP D-coy). May impluwensya ng 90s hardcore rap yung tunog, at bumagay dito yung mga agresibong berso ng bawat miyembro. Totoo man ang mga pangyayari o hindi, damang dama ang galit nila sa mga babae na nanloko sa kanila nung Pasko (awtsu). Chinese Mafia naman ang nasa spotlight sa “Nabagansha”. Tinalakay nila Chi Nigg at Klutch-B dito ang mga nagaganap na krimen sa panahon na dapat lahat ay masaya. Sa bandang huli ay nag bigay ng babala ang grupo sa sinumang magtatangkang gumawa ng masama. Epektibo ang pag gamit ng tono ng “Rudolph the Red-nosed Reinder” pati ang pag sama ng ilang elemento ng oriental na musika sa beat.
Masayang Pasko ang binigay ng El Latino sa kanta nilang “Feliz Latino Style”. Sa himig ng “Feliz Navidad” at tradisyonal na boom bap drums, binati tayo ng grupo at sinabi na magpaka positibo tayong lahat sa ganitong okasyon. Simple lang ang mensahe, pero naging epektibo dahil sa beat pati chemistry ng mga emcee. Love song naman atake ni Chill sa “Chestnut Lover”. Maganda ang paghalo ng tinig ng “Chestnuts Roasting on an Open Fire” at 90s R&B vibe sa beat. Pinamalas rin ni Chill dito ang kanyang talento hindi lang sa pag rap, kundi sa pag kanta.
Malungkot naman ang Disyembre ng BB Clan sa “Salat sa Salape”. Dito tinalakay nila Ali at Simon ang Pasko mula sa mata ng naghihirap sa buhay. Nakatulong ang mabagal na tambol at tinig ng “White Christmas” sa mood ng buong kanta. Balik positibo ulit sa “Pasko sa Paranaque” ni Anak ni Bakuko. Maliban sa delivery, epektibo rin ang imagery ni Anak ni Bakuko sa mga bara niya. Para ka talagang nasa Paranaque habang nagrarap siya sa boom bap drums at pang Paskong kampana.
Para sa huling kanta na “Kagat ng Aso”, nagsama sama ang buong Ghetto Doggs para puksain ang mga kalaban nila. Walang Pasko Pasko sa kanila! Tinira nila ang lahat sa pinaka brutal na paraan kahit may Christmas spirit pa rin ang boom bap na instrumental. Ito nag silbing preview ng ikalawang album ng grupo na “Version 2.0”. Kung hindi mo pa sila napapakinggan, siguradong magugulat ka sa awiting ‘to.
Saludo sa Dongalo Wreckords para sa kakaiba nilang diskarte sa “Christmas Rap ‘97”. Malamang inaasahan ng lahat na puro mga simpleng awit tungkol sa kapaskuhan ang maririnig, pero pinili nilang lagyan ‘to ng hardcore na flavor. Hindi mo nga lang ‘to pwede patugtugin sa Noche Buena kasama ang buong pamilya (lol). Wala nang binebenta na pisikal na kopya nito kaya napaka swerte ng mga nakabili dati. Dun sa mga naghahanap pa ngayon, wag kayo mag-alala dahil ito’y nasa Spotify na. Ito ang link. Hanggang sa muli. Maligayang Pasko sa inyong lahat! Sana maging masaya ang selebrasyon niyo!