From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Unibersikulo 4 Experience

Isang makasaysayang event bago mag Ahon 7. Ikwekwento ng isang fan ang karanasan niya sa Unibersikulo 4!

Anonymous Battle Fan
June 20, 2024


Ang taon ay 2016. Nakapagtapos na ako ng kolehiyo at nakapasok sa pinaka unang kong trabaho. Sa unang sweldo ko, naisipan kong manood ulit ng FlipTop live. Ahon 4 pa yung huling punta ko. Kasama ko mga pinsan ko nun at nilibre kami ng tito namin na nasa ibang bansa na ngayon. Niyaya ko ulit mga pinsan ko kaso busy na sila lahat kaya napag desisyunan kong pumunta nang mag-isa. Pagkita ko sa Facebook ng FlipTop, Unibersikulo 4 ang susunod na event. Nagdalawang isip pa ako nung una dahil walang Isabuhay battle pero dahil bakante ako sa araw na ‘to at baka sa mga susunod ay tumutok na ako sa trabaho, pumunta nalang ako. Na-curious din ako sa Loonie vs Mark Grist lalo na’t unang beses lalaban ang Hari ng Tugma sa English.

Buti nalang at naisip kong manood ng Unibersikulo 4 live dahil grabe yung mga laban! Sayang lang na hindi gaanong preparado si Pistolero dito pero ganunpaman, natuwa ako sa pinaka ni Melchrist. Brutal ang mga linya niya at sobrang linaw ng kanyang pag-deliver. Nakabawi naman si Pistolero sa mga sumunod na event at dahil sa kanyang dedikasyon, nakuha niya ang kampeonato sa 2022 Isabuhay. Ibang klaseng experience mapanood yung Invictus vs Spade (Goriong Talas) nang harapan. Ramdam ko talaga yung lakas ng bawat suntok at walang duda na nakakakilabot ang presensya nila. Sa sobrang dikdikan ng laban, ayos lang sakin kahit sino nanalo sa kanila. 

Medyo nawala din si Jonas sa ilang mga bara pero buti at nabawi niya ang mga ‘to. Bumenta sakin ang komedya niya at creative yung pagbuo niya ng mga anggulo. Tumodo naman si M Zhayt sa labang ‘to. Consistent siya sa tatlong rounds at sunod-sunod na suntok ang binitawan niya. Bagama’t one-sided yung Damsa vs Rapido, masasabi kong entertaining pa rin yung laban. Nakapalag naman si Rapido gamit ang jokes, konting teknikalan, at matinding flow. Isang daang porsyento si Damsa dito. Mas lumakas pa yung flow niya at kitang kita ang kanyang malaking improvement sa mga sulat. Halong katatawanan at brutalan ang pinamalas niya at tumatak halos lahat. 

Para sakin, isa sa pinaka malupit na style clash sa battle rap yung Batas vs Badang. Kakaiba at creative yung komedya ni Badang habang napakabangis naman ng mga teknikal na rima at konsepto ni Batas. Parehas pa silang may malakas at klarong delivery kaya talagang tututukan mo yung laban. Kay Batas talaga ‘tong battle na ‘to pero salamat pa rin kay Badang para sa entertaining na performance. Well-rounded at kaparapat-dapat na main event yung Loonie vs Mark Grist. Nanonood din ako ng mga liga sa ibang bansa at masasabi kong hanep yung pinakita ni Loonie dito. Ibang lebel pa rin yung mga multi niya at nandun pa rin yung epektibong paghalo niya ng katatawanan, gaspangan, at teknikalan. Halos ganyan din ang pinakita ni Mark Grist. Nagulat ako na kaya din niyang sumabay sa hardcore na tugmaan pagkatapos bumanat ng mga solidong jokes. Ang lupit din ng mga baon niyang references at yung storytelling  na stilo niya. Tama lang na promo battle ‘to dahil dikit talaga.

Sa Unibersikulo 4 ko natutunan na kahit hindi ka masyadong interesado sa lineup ay huwag na huwag mo ‘tong tutulugan. Paglabas ko ng venue ay sobrang saya ko dahil sa mga nasaksihan ko. Nakakatuwa rin na ginanap ‘to sa Quantum Space. Katabi ito nung café kung saan nangyari ang pinaka unang event ng FlipTop. Naging busy na ako pagkatapos nito at yung sunod kong napuntahang event ay Ahon 10 na. Ngayong medyo nakaluwag na ulit, pupunta ako sa ika-labindalawang Unibersikulo sa Hunyo 29, 2024. Ang bilis ng panahon! Saludo sa FlipTop staff pati sa mga emcees sa patuloy na pag-abante ng kultura. 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT