Ating pag-usapan ang mga laban na magaganap sa ika-sampung Second Sight. Ito ang unang event na may live crowd mula pa noong FlipTop Festival.
Eto na! Sa wakas! Pagkatapos ng dalawang taong paghihintay, pwede na ulit manood nang live ang mga fans. Ang saya, noh? Sa ika-23 ng Abril 2022 ay gaganapin ang Second Sight 10 sa Tiu Theater. Ito ang unang event ng taon kaya nakaka-excite talaga. Sana din ay tuloy-tuloy nang mawala ang coronavirus.
Merong pitong laban at apat dito ay para sa Isabuhay Tournament. Habang hinihintay natin ang petsa ng paligsahan, pag-usapan muna natin ang bawat duelong mangyayari sa gabing ‘to. Simulan niyo ring yayain ang mga tropa, pamilya, o ka-barangay niyo!
Zaito vs Luxuria
Ito ang unpredictable na matchup! Lamang sa freestyle at komedya si Zaito habang teknikalan at agresyon naman ang mga sandata ni Luxuria. Kung parehas silang preparado, siguradong bakbakan ang battle na ‘to mula sa una hanggang ikatlong round at mahihirapan ang mga hurado. Isa ito sa mga laban para sa Isabuhay Tournament kaya dapat i-todo nila!
Harlem vs C-Quence
Dalawang emcee na malupit ang pinakita nung quarantine battles! Para din pala ito sa Isabuhay kaya asahan natin na hindi sila magpapabaya. Uubra ba ang pagiging beterano ni Harlem o mas lalo pang aangat ang pen game pati performance ni C-Quence? Pagdating sa sulat ay halos parehas sila ng atake. Kaya nila ipaghalo ang komedya at seryoso at armado sila ng mga metapora, wordplay, at iba pang tayutay. Posibleng maging battle of the night ‘to!
Poison13 vs Slockone
Isabuhay battle ulit! Ngayon naman ay magtatapat ang dalawang miyembro ng 3GS! Mahusay sila pagdating sa multis at parehas silang may kumpyansa sa entablado. Si Poison13 ang lamang kung ang usapan ay lalim at agresyon habang si Slockone naman ang mas epektibo sa komedya at flow. Garantisadong bakbakan ito kung walang mag-cho-choke sa kanila. Asahan niyo rin na may mga bentang insider jokes tungkol sa 3GS.
Mastafeat vs Batang Rebelde
Non-tournament battle pero kaabang abang pa rin. Parehas silang galling sa solidong panalo sa Ahon 12 kaya siguradong mas gagalingan pa nila dito. Alam na natin kung gaano kahusay si Mastafeat sa paghalo ng freestyle at written pero maliban dun, hindi mapagkakaila na epektibo lagi ang mga anggulo pati ang unorthodox na komedya niya. Pagdating kay Batang Rebelde, kaya niyang balansehin ang teknikalan at katatawanan at patok din kadalasan ang mga rebuttal niya. Malaki ang tsansa na maging classic ‘to!
JDee vs Zaki
Malamang maraming magsasabi na itong battle ay palakasan ng sigaw pero syempre, hindi lang yun. Maliban sa brutal na pagbigkas, agad nakilala sila JDee at Zaki sa kanilang purong lirikal na pen game. Kung teknikal na gera ang hilig mo, pwes para sayo tong duelo na ‘to. Kasama din nga pala ito sa Isabuhay Tournament. May posibilidad na maging sobrang dikit ang battle lalo na kung talagang naghanda sila.
Bagsik vs Prince Rhyme
Si Prince Rhyme ang isa sa mga pinaka nag-improve na emcee nung nakaraang taon kaya asahan niyo na mas lulupitan pa niya dito. Mahusay ang pag-balanse niya ng nakakatawa at seryosohang bara at mas pulido na ang kanyang delivery. Posible siyang mag-wagi kung mananatiling malinis ang performance niya. Alam naman nating lahat na wala pang panalo si Bagsik sa liga pero ganunpaman ay hindi siya yung tipong emcee na sumusuko. Kahit dati pa naman ay matindi na ang multis niya at magaling din siyang pumili ng anggulo. Ang problema siguro niya minsan ay yung umaaasa masyado sa personalan. Pwede naman niyang ituloy ito, pero mas maganda kung magpapakita din siya ng kakaiba.
Onaks vs One Lie Ace
Ayos ang pinakita ni Onaks nung huling laban niya kahit talo siya. Mas naging epektibo ang mga teknikal na rima niya at wala rin duda na lumalakas lalo ang delivery niya. Kung itotodo niya dito, pwede niyang makuha ang panalo. Matindi rin syempre ang improvement ni One Lie Ace lalo na nung quarantine battles. Maliban sa mga solidong jokes, kaya na niyang sumabay sa palaliman ng bara. Maaaring maging dikit na duelo kung walang magpapabaya!
600 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 800 pesos naman para sa walk-in. Mabilis maubos ang pre-sale kaya bumili na kayo ngayon palang! Mag-padala na ng PM sa opisyal na FB page ng liga. Meron din isang libreng beer sa ticket. Sulit, diba? Isa pang paalala, dahil sa health protocols ng venue, kinakailangan niyo ipakita ang inyong vaccination card o certificate bago makapasok. Magkita-kita nalang tayo sa Tiu Theater sa Abril at sama-sama nating I-enjoy ang palitan ng matitinding lirisismo. FlipTop, mag-ingay!